Mayap a’abak que kayo ngan.
Ikinagagalak ko na makapiling kayo sa mahalagang araw na ito, ang araw na inyong pinakaaasam-asam, dahil ngayon matatawag na ninyong sarili ang bahay na inyong tinitirhan.
Sa katulad kong ngayon lamang nagawi rito, sa ganda ng inyong komunidad, hindi maiisip na ang lugar ninyo ay isang relocation project.
Sa katunayan, sa sukat na 94 square meters bawat lote, para na rin itong private subdivision.
Ganitong uri ng development ang gusto din naming mangyari sa ibang resettlement sites: maayos ang mga bahay at kumpleto sa basic facilities gaya ng eskuwelahan, police station, talipapa at day care center. Sa bago naming konsepto, ang ganitong housing project ay tinatawag naming new townsite development.
At ito ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng pamahalaan, sa partikular ang National Housing Authority, at ng lokal na pamahalaan.
Sa hindi po nakaaalam, ang Mauaque ang pinaka-unang resettlement project na ginawa sa pamumuno ng Mt. Pinatubo Commission. Mula sa simula ng proyektong ito, isang libo’t tatlong daan at labimpitong (1,317) titulo na ang naipamahagi sa mga pamilya rito. At sa araw na ito, nadagdagan pa ng tatlong daang (300) pamilya ang nagkaroon ng titulo sa kanilang lupa at bahay.
Halos siyam na raang (900) pamilya pa ang nagsisikap upang makatanggap din ng titulo rito sa inyong lugar.
Kasama din ngayon na nakatanggap ng mga titulo ang dalawang daang (200) pamilyang taga-Camachile. Ito ay karagdagan sa mga naipamahagi na namin noong buwan ng Enero sa mga pamilyang nakatira sa Camachile Resettlement Site.
Sa okasyong iyon, nalaman ko na merong labing-anim (16) pala na Mount Pinatubo resettlement sites na nakalaan sa mga pamilyang nasalanta ng pagputok ng Mount Pinatubo noong 1991. Ang mga ito ay itinayo sa Zambales, Tarlac at Pampanga.
Kaya naman aking ipinag-utos agad na madaliin ang pag-proseso ng mga titulo para sa mga benepisyaryong nakapag-full payment na sa kanilang account.
Asahan po ninyo na sunod-sunod na po ang pamamahagi namin ng titulo basta lamang gagampanan ninyo sa tamang panahon ang inyong buwanang obligasyon sa pagbabayad ng inyong bahay.
Bigyan po ninyo ng halaga ang inyong mga hawak na titulo.
May mga nakarating kasi sa akin na may ibang awardees na ibinibenta agad ang kanilang titulo o di kaya isinasangla. Ang iba naman na hindi pa bayad ang kanilang account ay rights naman ang ibinibenta.
Bukod sa hindi katanggap-tanggap ang gawaing iyan, kinakawawa n’yo rin ang inyong sarili. Hindi biro ang inyong pinagdaanan upang matawag ninyo ang tahanan na “sa inyo na.” Tapos, bigla lamang mawawala?
Naghirap tayo pareho—pamahalaan at mamamayan—upang makita ang kaganapan ng proyektong ito. Huwag nating hayaang mauwi sa wala.
Isang bisyon namin sa sektor ng pabahay, at isang mithiin ng inyong lingkod, na gumanda ang buhay ng bawat Pilipino. Handa po kaming tupdin ang bisyon at mithiing iyan, sa gabay ng ating mahal na Pangulong Noynoy Aquino, at sa pagtutulungan nating lahat.
Maraming salamat po.