Paglunsad ng Pag-ibig Group Housing Program para sa mga Guro at Transport Groups, Coconut Palace, CCP Complex, Pasay City (December 01, 2011)

            Binabati ko ang mga nasa likod ng pagsasamang ito, isang inisyatibo ng mga opisyal ng Pag-IBIG Fund, sa pangunguna ng CEO, si Atty. Berberabe.  Napagsama-sama ng Pag-IBIG ang Kagawaran ng Edukasyon at ang pitong grupo na nagmumula sa sektor ng transportasyon.

            Kinakatawan ni DepEd Secretary, Bro. Armin Luistro, ang kanyang Departamento. 

            Nandito rin ang mga pinuno ng pitong transport groups: sina pangulong Vigor Mendoza at Sectoral Representative Homer Mercado para sa 1-United Transport Koalisyon o 1-UTAK; si national president Orlando Marquez para sa Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, Inc. o LTOP; si Zenaida Maranan, pangulo  ng Federation of Jeepney Operators & Drivers Association of the Philippines o FEJODAP; ang pangulo ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines o ALTODAP na si Melencio Vargas; pangulong Efren De Luna para sa Alliance of Concerned Transport Organizations o ACTO; si Roberto Martin, president ng Pangkalahatang Sanggunian Manila & Suburbs Drivers Association o PASANG MASDA; at si Mar Garvida, ang pangulo ng Public Transport Workers Foundation o PTWF.

            Para sa kaalaman ng aming mga bisita, makabuluhan ang araw na ito para sa amin sa Pag-IBIG Fund.  Sa araw na ito, aming pormal na sinisimulan ang pagdiriwang para sa  ika-31 anibersaryo ng Pag-IBIG.  Opo, nakatatlong dekada na ang pondo ng manggagawang Pilipino.  At amin nang sinisimulan ang ikaapat na dekada ng pagbibigay-serbisyo sa lahat ng uri ng manggagawa – sila man ay nasa Pilipinas o nasa labas ng bansa, maging sila man ay kasapi ng formal o informal sector, propesyonal man o nabibilang sa aming tinatawag na other working groups.  Basta’t manggagawang Pilipino, aming pinagsisilbihan at amin kayong hinihikayat na sa pagkakaroon ng sariling bahay, gaganda ang inyong buhay.

            Bilang Chairman ng Pag-IBIG Board of Trustees at ng Housing and Urban Development Coordinating Council o HUDCC, layunin kong ilapit ang Pag-IBIG at ang mga programa nito sa lahat ng Pilipino.  Akin rin pong layunin na maging miyembro ang lahat ng manggagawang Pilipino, hindi lang dahil nakasaad ito sa batas, ang RA9679, kundi dahil sadyang kapaki-pakinabang ang mga programa ng Pag-IBIG para sa kanila.

            Kaya naman nagkakaroon tayo ng mga Memorandum of Understanding, katulad ng nangyari ngayong umaga.  Ang dalawang MOU na nilagdaan kanikanina lang ay may dalang dobleng kabuluhan para sa Pag-IBIG.  Ang isang MOU ay kasama ang DepEd, para sa programang pabahay ng Pag-IBIG.  At ang isa pang MOU ay kasama naman ang pitong transport groups, para naman sa programang pag-iimpok, at pabahay na rin, ng Pag-IBIG.  Ang dalawang MOU na ito ay kongkretong patunay ng aming pagtupad sa dalawang mandato ng Pag-IBIG.  Una, ang pagkakaroon ng mekanismo ng pag-iimpok o provident savings para sa aming mga miyembro.  Ikalawa, ang pagkakaroon ng mga programang pabahay para masagot ang mga pangangailangan ng mga miyembro para sa isang matibay at abot-kayang tirahan.

            Sa umagang ito, nakikita natin ang kabuuan ng Pag-IBIG, kung ano ang dalawang mahahalagang bahagi ng Pag-IBIG, kung ano ang mga programa para sa mga miyembro nito.

            Ako po ay nagagalak na sa araw na ito ay lumagda ang hanay ng edukasyon at transportasyon at ang Pag-IBIG Fund ng magkahiwalay na kasunduang magbibigay katuparan sa inyong pangarap na magkaroon ng sariling tahanan.

            Binabati ko ang DepEd, sa inyong pakikipagtulungan sa amin sa Pag-IBIG.  Nawa’y marami tayong matulungang mga guro at empleyado ng DepEd na maabot ang kanilang pinapangarap na sariling bahay.  Nawa’y dumami pa ang mga makatatanggap ng susi sa sairli nilang mga bahay, katulad ng ating mga awardees ngayon.  Bilang mga taga-hubog ng kaisipan ng kabataang Pilipino, nararapat lamang na sila’y ating bigyang-halaga sa pamamagitan ng programang pabahay ng Pag-IBIG Fund.

            Sa pamamagitan ng kasunduan ng DepEd sa Pag-IBIG, magkakaroon ng Home-Matching para sa mga guro at empleyado nito.  Regular na magbibigay ang Pag-IBIG ng housing inventories sa DepEd, at mula roo’y maaari nang makapili ang mga taga-DepEd ng kanilang magiging bahay.  At sa pamamagitan ng Pag-IBIG End-User Housing Loan Program, ang napiling bahay mula sa imbentaryo ay magiging inyo na rin.

            Binabati ko rin ang pitong transport groups – ang 1-UTAK, LTOP, FEJODAP, ALTODAP, ACTO, PASANG MASDA, at PTWF – sa inyong pakikipagtulungan sa amin sa Pag-IBIG para palawakin ang ating membership base.  Ating padamihin ang mga nakakaalam ng mga programang pang-miyembro, lalo na ang pag-iimpok.  Ang inyong mga miyembrong jeepney drayber na tinaguriang sweet-lover ay nagdadala ng mga pasahero sa kanilang patutunguhan.  Bilang tugon, atin naman silang dalhin patungo sa katuparan ng kanilang pangarap na magandang buhay.

            Ang kasunduan ng transport groups sa Pag-IBIG ang siyang babalangkas ng mga programang pabahay para sa inyo.  Una na rito ang Rent-to-Own Program na magbibigay-daan para sa marami nating kapatid sa sektor ng edukasyon at transportasyon na umupa sa umpisa, at sa kalaunan, ay ariin ang mga tahanan mula sa Pag-IBIG.

            Sa ilalim ng Rent-to-Own Program ng Pag-IBIG, ang lahat ng inyong ibabayad habang kayo’y nangungupahan ay siya ring magsisilbing downpayment ninyo kung sakaling bibilhin ninyo ang inyong napiling tahanan mula sa Pag-IBIG.  Ito po ay isang napakahusay na programa na alam ko pong tatangkilikin ng inyong mga kasapi dahil ito po ay ginawa upang maging akma at higit sa lahat ay magaan para sa inyong hanay.

            Hinihikayat ko ang liderato at kasapian ng DepEd at ng ating transport sector na pag-ibayuhin ang pagtutulungan sa Pag-IBIG.  Kailangang pagtulungan pa natin ang pag-anyaya at pagpapaliwanag sa mga kapatid natin sa ating kanya-kanyang sektor na ang pagmi-miyembro sa Pag-IBIG ay nagdudulot ng mataas na kita sa inyong iniimpok, mga short-term loans, at higit sa lahat ay pautang sa pabahay.

            Kailangan din nating pagtulungang iseguro na ang mga kapatid nating mga miyembro ay laging tapat sa Pag-IBIG!  Di po lamang sa inyong mga mahal sa buhay, kundi pati na rin sa Pag-IBIG Fund – maging tapat sa Pag-IBIG sa pagbabayad ng kontribusyon at ng hulog sa inutang.  Dahil dito po nakasalalay ang patuloy na pagtamasa natin ng mga benepisyong mula sa Pag-IBIG.

            Magandang umaga sa inyong lahat!​