Distribution of Certificate of Lot Award for PNR Non-Core Properties, Emilio Tirona Memorial National High School, Kawit, Cavite, 06 November 2012

            Magandang araw po sa inyo, mga kababayan nating Kawiteño.

            Damang-dama po namin ang init ng inyong pagtanggap. Ito lang ang pinuntahan kong awarding na magkasing-dami ang mga estudyante at mga beneficiary families.  Sana ay hindi naabala ang inyong klase dahil lamang sa aking pagdalaw. Gayumpaman, ako’y labis na natutuwa.

            Sa mga namumuno sa paaralang ito, maraming salamat po sa pahintulot na dito gawin ang paggawad ng mga Certificate of Lot Award, o mas kilala sa tawag na CELA.

            Tamang-tama lang po ang venue na ito. Malapit lang pala dito ang isa sa walong barangay na mayroong lupain ang Philippine National Railways o PNR.

            Balita ko, bagong pintura ang inyong eskuwelahan.  Maganda, kung gayon, ang aming timing. Kabibigay lang daw ng pamahalaang-lokal ng kawit, sa pamumuno ni Mayor “Tik” Aguinaldo, ng pondo para sa pagpapaganda ng inyong paaralan.  Malaking bagay po ang tulong ng pamahalaang-lokal. Marahil alam po ninyo na sa dami ng mga pampublikong paaralan, hindi sumasapat ang pondong ukol sa maintenance, pagpapatayo ng mga bagong building, o pag-hire ng karagdagang teachers.

            Hindi lang pala mga estudyante ang nag-aabang sa akin dito kundi pati na rin ang mga guro.  Siyanga pala, mga guro, mayroon ding programang pabahay kaming ukol sa inyo.  Sa Home Matching Program ng Pag-Ibig Fund, puwede kayong magkaroon ng sariling bahay sa mababang halaga lamang.  Makipag-ugnay lang po sa pag-ibig fund upang mapaliwanagan kayo tungkol dito.

            Espesyal ang araw na ito sa mga residente ng Kawit, lalung-lalo na sa mga pamilyang matagal nang nakatira sa mga riles ng tren.  Dahil sa araw na ito magsisimula ang katuparan ng inyong mga pangarap na mapasainyo ang lupang matagal nang kinatitirikan ng inyong mga tahanan, mula pa sa inyong mga ninuno mahigit apat na pung taon na ang nakalilipas.

            Ang paghahandog ng lupang ito ay nagsimula noong taong 2001 nang nilagdaan ang Executive Order No. 48.  Sa kautusang ito nakasaad ang paghahandog ng mga lupa ng Philippine National Railways na hindi na gagamitin sa operasyon ng tren. Ipagbibili ang mga ito sa mga mamamayang matagal nang nangungupahan o naninirahan sa paligid nito.

            Sa pamumuno ng Housing and Urban Development Coordinating Council, o HUDCC, kasama ang pamahalaang-lokal ng Kawit, naitatag ang Local Inter Agency Committee (LIAC). Binubuo ito ng pinagsamang mga samahan ng barangay council, homeowners association, pamahalaang-lokal at ilang ahensya ng gobyerno tulad ng PCUP, NHA, at PNR. Ang LIAC ang magbibibay ng legal na daan sa pagbili ng mamamayan sa lupang PNR upang matupad ang nasabing proyekto.

            Sa isang libo’t isang daang (1,100) pamilyang nakatira sa lupa ng PNR dito sa Kawit, ayon sa occupation verification na ginawa ng LIAC nuong taong 2009, may mga tatlong daan at tatlumpung (330) pamilya na ang nakatanggap ng CELA noong taong 2010.

            Natigil nang bahagya ang proyektong ito dahil pinag-aralan pa ng bagong pamunuan ng PNR ang kanilang mga plano at proyekto sa riles.  Ngunit sa patuloy na pakikipag-usap ng HUDCC sa PNR dala-dala ang inyong mga kahilingan, at dahil na rin sa masusing pag-aaral ng PNR, narito tayo ngayon at ipinagpapatuloy na ang proyektong magbibigay ng kasiguruhan sa inyong mga tirahan.  Nagpasiya na po ang pamunuan ng PNR na i-dispose ang kanilang mga properties sa pamamagitan ng pagbebenta o pagpapa-upa basta lamang po may matitirang ten-meter right-of-way mula sa sentro ng riles na mananatiling pag-aari ng PNR.  Pasalamatan naman po natin ang PNR.

            Kami naman po sa HUDCC ay nag-ambag din sa katuparan ng proyektong ito. Bukod sa panahon na ginugol ng aming mga empleyado upang maisaayos ang mga proseso, ang aming tanggapan ay nagbigay din sa pamahalaang-lokal ng kawit ng survey funds na umabot ng isang milyon anim na raan at tatlumpu’t limang libong piso (P1,635,000.00).

            Ngayon, lagi kong ipinapaalala sa mga benepisyaryo ng programang pabahay na ang bawat biyaya ay may kaakibat na obligasyon.

            Hindi po lahat ng pamilya ay nabibigyan ng pagkakataon katulad ninyo.  Sana po ay hindi ninyo gamitin ang CELA upang ibenta ang rights sa nasabing lupa. Nakakapanghinayang po na kung pagkatapos ng ilang dekadang paghihintay ay mawawala lang sa isang iglap ang lupa kasama ng inyong pangarap.

            Kasama ang tanggapan ng punong-bayan, iniaalay ng ating Pangulong Noynoy Aquino at ng inyong lingkod ang katibayan ng paghandog ng lahat ng PNR non-core properties sa bayan ng Kawit. Binabati po namin ang lahat ng pamilyang naging benepisyaryo ng proyektong ito.

            Muli, maligayang araw po sa inyong lahat.