Distribution of Certificate of Lot Award for PNR Non-Core Properties, Bacoor, Cavite, 06 November 2012

            Magandang hapon po sa inyong lahat.

            Alam n’yo po, buong araw na kami dito sa probinsya ng Cavite.  Nag-umpisa kami kaninang umaga sa Tanza, nananghalian sa General Trias, dumaan sa Kawit, at ngayon ay magme-merienda dito sa Bacoor kasama kayo.

            Talagang inihuli naming puntahan ang Bacoor dahil gusto kong mas matagal kayong makasama at makakain ng “sandosenang-halo.”

            Isang bagay pa, mula nang ako ay umupo bilang chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council o HUDCC, ngayon pa lang ako makapamimigay ng Certificate of Lot Award o CELA sa mga pamilya na lehitimong nakatira sa mga lupa ng Philippine National Railways, sa ilalim ng Executive Order No. 48.

            Ang paghahandog ng lupang ito ay nagsimula noong taong 2001 nang lagdaan ang Executive Order No. 48. Nakasaad sa kautusang ito ang paghahandog ng mga lupa ng PNR na hindi na gagamitin sa operasyon ng tren. Ipagbibili ang mga ito sa mga mamamayang matagal nang nangungupahan o naninirahan sa paligid ng mga lugar na ito.

            Tungo sa mga layunin ng kautusan, itinatag noon ang Local Inter Agency Committee (LIAC). Binubuo ito ng pinagsamang mga samahan ng barangay council, homeowners association, pamahalaang-lokal, HUDCC, at ilang ahensya ng gobyerno tulad ng PCUP, NHA, at PNR. Ang LIAC ang magbibigay ng legal na daan upang mabili ng mamamayan ang lupang PNR tungo sa katuparan ng nasabing proyekto.

            Sa humigit-kumulang isang libo’t walong daang (1,800) pamilyang nakatira sa sampung barangay dito sa Bacoor, na nasasakop sa EO 48, isang daan at labing anim (116) pa lamang ang nagawaran ng CELA mula nuong taong 2009.  At sa araw na ito, anim na raan at apat na pu’t apat (644) na pamilyang nakatanggap ng CELA ang magpapatunay na sila ay lehitimong benepisyaryo ayon sa nakasaad sa EO 48.

            Aaminin ko po. Dati, itinigil muna namin ang pamimigay ng CELA, lalung-lalo na sa mga nasasakupan ng EO 48.

            Ang unang dahilan ay pinag-aralan pa ng bagong pamunuan ng PNR kung talaga bang hindi na nila kailangan ang lupaing ito.  Pagkatapos ng pakikipag-usap ng Hudcc, dala ang inyong mga kahilingan, ang pamunuan ng PNR ay pumayag na sa disposisyon ng kanilang mga lupain, basta lamang  may matitirang ten-meter right-of-way mula sa sentro ng riles na mananatiling pag-aari nila.

            At ang ikalawang dahilan ay nais naming magbigay ng mas siguradong instrumento tulad ng titulo.  Ngunit, ayon na rin sa mismong mga pamilyang benepisyaryo ng proyektong ito, ang CELA o Certificate of Lot Award ay isang dokumentong nagbibigay rin sa kanila ng kasiguruhan.  Ang pagbibigay daw ng CELA ay nagpapahalaga sa kanilang pakikipaglaban upang maging kanila na ang lupang ito.  Ang CELA ay nagiging inspirasyon din daw upang ipagpatuloy nila ang anupamang dapat gawin, kasama na ang buwanang pagbabayad ng amortisasyon, upang makamit nila balang araw ang titulo sa mga lupang ito.

            Sa pagkakataong ito, dapat nating pasalamatan ang iba’t ibang ahensiya at mga grupong nagtrabaho upang matupad ang inyong pangarap.  Unang-una ay ang PNR dahil sa kanilang pagpayag na maipamahagi ang kanilang mga lupain.

            Ikalawa, ang mga empleyado ng HUDCC na matiyagang nakikipag-usap sa inyong mga asosasyon at sa PNR upang matuloy ang proyektong ito.  Siyanga pala, ang aming tanggapan ay nagbigay din sa pamahalaang-lokal ng Bacoor ng survey funds na umabot ng walong daang libong piso (P800,000.00) para ma-facilitate ang pagpapatitulo ng mga lupang ito.

            Ikatlo, ang lokal na pamahalaan ng Bacoor sa pamumuno ni Mayor Strike Revilla dahil sa kanilang walang tigil na pag-follow up at pagsasaayos ng mga proseso, kasama na ang pagdesisyon sa talagang mga kuwalipikadong benepisyaryo ng proyektong ito.

            Ikaapat, ang mga namumuno sa inyong mga asosasyon dahil sa kanilang tuloy-tuloy na pakikipagtulungan.

            At ngayon ngang araw na ito ay muling seselyuhan ng aming tanggapan ang pagtupad sa inyong layuning magkaroon ng legalidad sa pag-ari ng mga lupang kinatitirikan ng inyong mga tahanan.

            Lagi kong ipinapaalala sa mga benepisyaryo ng programang pabahay na ang bawat biyaya ay may kaakibat na obligasyon. Ngayong hawak n’yo na ang CELA, sana ay bigyan n’yo ng halaga at pangalagaan ang nasabing lupain.  Huwag n’yo pong isangla o ipagbili ang karapatan ninyo sa nasabing lupa upang hindi ito mawala sa inyo.

            Kasama ang tanggapan ng punong-lungsod, iniaalay ng ating Pangulong Noynoy Aquino at ng inyong lingkod ang katibayan ng paghandog ng lahat ng PNR non-core properties sa lungsod ng Bacoor.

            Maligayang araw po sa inyong lahat.