Magandang umaga po sa inyong lahat.
Isa sa mga pangarap ng tumatayong haligi ng tahanan ng pamilyang Pilipino ay ang magkaroon ng sariling bahay. Hindi na mahalaga kung ang bahay ay malaki at magara basta’t ito ay disente at matatawag na sarili. Ganyan kahalaga sa atin ang isang tahanan.
Kaya kami sa pamahalaang sektor ng pabahay ay nagpupunyagi na matulungan ang bawat pamilya na maabot ang pangarap na ito.
Kanina lamang ay nasa Tanza kami. Namahagi tayo roon ng Certificate of Lot Award o CELA para sa mga kababayan nating naninirahan sa gilid ng mga riles ng tren. Ito ang mga loteng hindi na ginagamit o gagamitin ng Philippine National Railways (PNR), o non-core properties.
Mamaya ay patungo naman kami sa mga bayan ng Kawit at Bacoor upang magkaloob din ng CELA para sa mahigit isang libo’t limang daang (1,500) pamilya.
Ang CELA ay ang unang dokumento na kailangan ng mga benepisyaryo upang pagdating ng panahon at nagampanan na nila ang kanilang obligasyon, tuluyan na nilang matatawag na sarili ang lupang kinatatayuan ng kanilang bahay.
Ngunit wala pong tatalo sa dokumentong hawak ninyo ngayon. Iyan po ay titulo na—ang patunay na inyong-inyo na ang bahay at lupa na inyong tinitirhan.
Hindi po lingid sa amin ang inyong mga pinagdaanan bago ninyo nahawakan ang titulong iyan.
Nakalulungkot mang isipin, sa aming panig ng pabahay ay minsang nagkaroon ng mga di inaasahang pagkaantala ng mga layunin. Ngunit sa kabila ng pagkaantalang ito, buong katapatan ninyong ginampanan ang inyong obligasyon—ang pagbabayad ng buwanang amortisasyon.
Kaya nang unang pinag-aralan ng Home Guaranty Corporation (HGC) ang inyong sitwasyon, iisang bagay kaagad ang nakita namin at umantig sa aming damdamin. Ito ang inyong pagiging biktima ng isang mapait na pagkakataon, at hindi tamang ipagkait pa sa inyo ang bunga ng inyong matagal na pinaghirapan at ipinaglaban. Kaya napagpasiyahan naming ipagkaloob na sa inyo ang inyong mga titulo.
Kami po ay nakikibahagi sa kasiyahan na inyong nadarama ngayon. Ngunit sa kabila nito, hindi po nagtatapos dito ang ating laban. Sa inyong tulong at kooperasyon, hahabulin po natin ang developer sa pamamagitan ng legal na proseso. At pipilitin natin silang gampanan ang kanilang obligasyon sa HGC at sa kanilang mga kliyente, na kasama kayo.
Alam po siguro ninyo ang gawain at tungkulin ng HGC. Bilang ahensiya na nag-gagarantiya sa mga namumuhunan sa mga proyektong pabahay, inaako ng HGC ang responsibilidad ng developer sakaling magmintis ito. Kapag hindi mabarayan ng developer ang kanyang mga investor sa proyektong pabahay, papasok ang HGC at aakuin ang obligasyong ito sa mga investor. Kung kaya’t napunta sa HGC ang inyong mga titulo bilang kolateral sa pagkakautang ng developer.
Inaasahan namin na sa pagdating ng araw, ang iba pang fully-paid borrowers ay makipag-ugnay sa amin upang makuha ang mga titulo nila na alam naming halos isang dekada na nilang hinihintay. Nawa’y magsilbi kayong inspirasyon sa kanila.
Sa kabila ng inyong mga sakripisyo, kayo ay walang-patid na nagpunyagi. Nakatutok ang inyong pangarap na magkabahay dito sa Gen. Trias Homes, sa La Chesa Heights, Quezon City, at sa Las Palmas Village, Sto. Tomas, Batangas. Kaya saludo kaming lahat sa inyo at hindi kayo nawalan ng pag-asa.
Muli, binabati namin kayo at maraming salamat. Ang araw na ito ay patunay na sa ating pagtutulungan, gaganda ang buhay sa pagkakaroon ng sariling bahay.
Mabuhay tayong lahat.