Magandang umaga po sa inyong lahat. Natutuwa ako’t muling nakadalaw sa inyong bayan. Huli po akong narito sa Tanza noong 2010, nang ako’y mayor pa ng Makati. Nag-attend po ako noon ng flag ceremony dito sa munisipyo. Ngayon, sa aking pagbalik ay na-promote na po ako. Sana po sa susunod kong pagbalik ay promoted na rin po ako uli.
Masarap daw ang chicharon ng Tanza. Hindi na po ako masyadong kumakain ng mga tinatatawag na “pampabatang” pagkain, pero titikim ako mamaya. Baka raw magsisi ako. Susundan ko na lang ng ehersisyo.
Ang buong araw na ito ay inilaan namin sa bayan ng Cavite. Dahil ngayon ay mamimigay kami ng Certificate of Lot Award, o mas kilala sa tawag na CELA, para sa mahigit tatlong libong pamilyang naninirahan sa dating riles.
Labing-isang taon na ang nakalipas mula ng nilagdaan ang Executive Order No. 48. Idineklara ng kautusang ito bilang socialized housing sites ang mga dating daanan ng tren (non-core properties) na hindi na ginagamit ng Philippine National Railways o PNR. Ayon sa nasabing kautusan, ang mga aktuwal na naninirahan dito ay bibigyan ng pagkakataong mabili ang lupang kinatitirikan ng kanilang mga tahanan, na siyang magbibigay sa kanila ng kasiguruhan ng tirahan.
Sa lalawigan ng Cavite, anim na bayan ang may nadeklarang non-core properties ng PNR. Ito ay matatagpuan sa Bacoor, Kawit, Rosario, Noveleta, Tanza at Naic na napapaloob sa linya ng Paco-Naic Line.
Dito sa Tanza, siyam (9) na barangay ang may PNR non-core properties. Ito ay sa barangay Biwas, Daang Amaya II, Julugan VIII, Amaya I, Amaya II, Sahud Ulan, Halayhay, Calibuyo at Capipisa.
Sa kahilingan ng mga taong nakatira sa mga nasabing lugar at ng inyong pinuno na si Mayor Kuhkuh Arayata, nagsagawa ng community dialogue ang HUDCC. Ang HUDCC ang nagpapatupad sa Executive Order 48 at kasama nito ang pamahalaang lokal sa pagpapaliwanag ng mga panuntunan sa pagtupad ng nasabing kautusan.
At noong taong 2009, nagsagawa ng occupancy verification survey sa siyam (9) na barangay upang mabilang ang mga aktuwal na naninirahan sa mga lugar na sakop ng PNR non-core properties.
May binuong Local Inter-Agency Commitee o LIAC na kinabibilangan ng pamahalaang local ng Tanza bilang chairman, HUDCC, PNR at PCUP. Ang nasabing komite ang siyang sumasala kung sino ang karapat-dapat na maging benepisyaryo ng nasabing proyekto batay sa code of policy na pinirmahan ng mga nasabing ahensya. Simula noon, nagtuloy-tuloy na ang proseso ng mga aplikasyon at kaukulang papeles ng mga kuwalipikadong pamilya.
Natutuwa po kami sa mga reaksiyon ng mga benepisyaryong pamilya ng proyektong ito. Ayon sa isang benepisyaryo at opisyal ng homeowners association, matagal na nilang pinapangarap ang kasiguruhan sa paninirahan. Natupad ito ngayon at may ipamamana na sila sa kanilang mga anak at sa susunod na henerasyon.
Sabi naman ng isa pang benepisyaryo na may mga bisyo, babawasan na raw niya ang pagbili ng alak at hindi na raw magtotong-its at magbibingo. Kailangan niyang makaipon ng pera para sa buwanang bayad sa lupa sa loob ng sampung (10) taon.
Natutuwa ako’t hindi na kayo dapat paalalahanan tungkol sa kahalagahan ng pagbabayad ng amortisasyon. At ako’y naniniwala na hindi ninyo ipagbibili ang karapatan sa inyong lupa dahil kay tagal ninyong inasam na mapasainyo na ito nang lubos.
Sa isang libo’t limang daan at anim na pu’t (1,560) pamilyang nakatira sa PNR non-core properties ng Tanza, binabati ko po kayong lahat. Hawak n’yo na ang patunay na unti-unti nang natutupad and inyong mga pangarap. Hawakan ninyo iyan nang mahigpit!
Ipagdiwang po natin ang araw na ito.
Maraming salamat po!