Groundbreaking Ceremony of the New Vitas Low Rise Buildings, Covered Court, Brgy. 99, Vitas, Tondo, Manila, 24 October 2013, 9 a.m.

            Magandang umaga po sa inyong lahat. Dalawang taon at pitong buwan—ganoon na po katagal at iyan ang eksaktong panahon nang una akong magawi rito. Nakipag-diyalogo kami rito sa Vitas Tenement noong March 24, 2011. Kasama ko noon si Vice Mayor Isko Moreno, si General Manager Chito Cruz ng NHA, at si Secretary Singson ng DPWH.

            Marami pong mga nagalit sa amin sa usapang iyon. Pero meron din namang nakaintindi sa situwasyon at tinanggap ang aming desisyon. Alam po nating lahat ang tinutukoy ko: ito ay ang pagpapagiba sa dating vitas tenement dahil sa ito ay hindi na ligtas tirhan, at ang paglilipat sa mga naninirahan dito.

            Hindi po madali ang pinagdaanan nating lahat. Para sa limang daan at pitumpung pamilya (570) na dating nakatira rito, alam naming mahirap lisanin ang bahay na mahigit apat na pung taon ninyo nang tinitirhan. Marami sa inyo ay dito na nga tumanda at nakapag-asawa. At hindi rin madaling lumipat sa ibang lugar lalo na’t malayo ito sa inyong mga trabaho.

            Sa panig ng lokal na pamahalaan, hindi rin madaling paalisin at payagan na lang lumipat sa ibang bayan ang kanilang mga pinamumunuan.

            At para naman sa amin sa national government, kasama na ang HUDCC, NHA at DPWH, mahirap din gumawa ng desisyon at hakbang na alam naming magpapaiba sa takbo ng buhay ng mga tao.

            Sabihin pa, nagmatigas ang ilan, at nagkasakitan pa nga. Ngunit mahirap man para sa ating lahat, kinailangan nating gawin dahil iyon ang tama at nararapat. Iyon ang maaaring makapagligtas sa buhay ninyo.

            Ngayon po kitang-kita natin na tama ang ating desisyon. Sa panahong ito, hindi na natin masabi kung kailan tatama ang sakuna. Katulad na lamang ng 7.2 magnitude na lindol sa Cebu at Bohol.

            Sa ating naging desisyon at susunod pang mga hakbang, iisa lang po ang aming layunin: ang mailigtas kayo at mapabuti ang inyong kalagayan. Mabuti na po ang naniniguro. Ang buhay ng anak o magulang walang kapalit.

            Noong inilipat kayo sa ibang lugar at habang dine-demolish ang lumang tenement, marami siguro sa inyo ang hindi naniniwalang magiging pabahay pa rin ito para sa mga taga-Tondo.

            Pero sa araw na ito, kayo mismo ang makakasaksi sa pagsisimula ng isang panibagong pabahay, dito mismo sa dating lugar ninyo. Ito ang New Vitas Low-Rise Building. May apat na gusali na may tig-lilimang palapag ang pabahay na ito. Sa kabuuan, dalawang daan at apat na pung (240) units ang mabubuo sa loob ng 300 working days.

            At katulad ng kahilingan ng mga orihinal na residente ng Vitas tenement sa kanilang pakikipag-ugnay sa NHA, sila ay bibigyan ng karapatan na unang magdesisyon kung gusto pa nilang bumalik dito. Ang balita kasi namin, may mga pamilyang inilipat sa ibang housing projects ng NHA na masaya at maayos na ang buhay at ayaw nang bumalik pa ulit dito sa Maynila.

            Anuman ang maging desisyon nila, ang mahalaga ay ligtas at nasa mas mabuting kalagayan ang mga dating taga-Vitas tenement. Iyan po ang aming naging pangako at yan po ang aming isasagawa.

            Sa lahat po ng mga tao, ahensiya at grupong tumulong upang marating natin ang groundbreaking o pagbubunsod na ito, marami pong salamat.

            Sa local government na ipinakita ang kanilang political will na maipatupad ang ating proyekto, saludo po kami sa inyo.

            Kay Congressman Asilo na nagbigay ng pinansiyal na ayuda sa mga pamilyang hindi lumipat sa resettlement sites, maraming salamat din po.

            Para sa mga tao ng NHA at HUDCC na masigasig na tumutok upang matuloy ang proyektong ito, gaano man kahirap, ikinararangal ko kayo.

            At sa mga naniwala at nagtiwala sa amin, kayo po ang aming inspirasyon.

            Dahil sa inyong pananalig, patuloy kaming nagsisikap na maisaayos at mapaganda ang buhay ng ating kapuwa, at mapaunlad ang ating bansa.

            Binabati ko po kayong lahat. Maraming salamat po!