Awarding of Mount Pinatubo Titles, Bren Z. Guiao Convention Center, San Fernando, Pampanga, 23 October 2013, 9:30 a.m.

            Mayap a’abak que kayo ngan!
            Noong nakaraang linggo ay binisita ko ang inyong lugar na tinamaan ng bagyong Santi. Sa aming paglibot ni governor pineda, napag-usapan namin ang pangangailangan ng inyong probinsya sa pabahay dahil sa sunod-sunod na kalamidad.
            Nabanggit din ni Governor Lilia ang Pinatubo resettlement sites. Labing-siyam na taon nang nakatayo ang mga ito, sabi niya, pero hanggang ngayon, hindi pa rin naipapamahagi ang lahat ng mga titulo sa mga pamilyang naninirahan dito.
            Agad ko pong kinausap ang mga kinatawan ng National Housing Authority. Napag-alaman ko na sa halos tatlumpu’t walong libong (38,000) loteng ipinamahagi sa labindalawang (12) Pinatubo resettlement sites sa pitong (7) bayan ng Pampanga, kasama na ang San Fernando, halos labindalawang libong (12,000) pamilya pa lamang ang nabigyan ng mga titulo.
            Ayon sa NHA, isa sa mga dahilan ay may mga lupang nakapangalan pa rin hanggang ngayon sa original donors. Ang isa pang problema ay ang survey at titling fees. Habang sinu-sruvey, inabutan ng computerization ng Land Registration Authority, at medyo natagalan ang proseso kaya’t lumaki ang bayarin sa titling, na hindi naman napondohan ng NHA. 
            Pero huwag po kayong mag-alala. May anim na milyong pisong (P6 million) pondo ng inilaan ang NHA para lamang mapabilis ang titling ng mga Pinatubo resettlement sites. At ginagawan na rin ng paraan ng kanilang legal department upang makuha ang mother title mula sa original donors.
            GM Cruz, aasahan namin na madadagdagan pa ng maraming pamilya ang makakatanggap ng titulo sa susunod na taon ha. Matagal na rin naman talagang naghintay ang mga tao dito.
            Naalala ko po tuloy ang kwento ni Ginoong Pepito David. Isa siya sa mga naapektuhan nang pumutok ang Mt. Pinatubo nuong taong 1991. Dala ang asawa at dalawang mga sanggol na anak, lumipat sila sa evacuation center. Sa loob ng halos tatlong taon ay nakatira ang pamilya ni Mang Pepito sa tent. Nawala lahat ng ari-arian at mga naipundar ng kanilang pamilya.
            Sa kabila ng trahedya, itinaguyod ni Mang Pepito ang kanyang pamilya. Naging isa siya sa mga lider ng mga grupo ng mga evacuees na itinatag para sa programang Food For Work ng DSWD. Ang mga evacuees ay hinati sa apat na grupo na binubuo ng halos walong daang tao bawat isa. 
            Noong taong 1994, ang unang limang daang (500) pamilya sa evacuation center ay nailipat sa Mauaque resettlement project sa Mabalacat, Pampanga. Si Mang Pepito, imbis na makasama sa first batch ay minabuting manatili muna sa evacuation center upang alalayan ang mga kasamahan na maiiwan. 
            Makalipas ang isang taon, nang masiguro niya na lahat ng miyembro ng kanyang grupo ay nakalipat na, saka lang lumipat at tumira si mang pepito at ang kanyang asawa na si Aling Edralyn sa Mauaque kasama ang noon ay tatlo na nilang anak.
            Iyan po ang katangian ng isang lider—nangunguna sa kanyang grupo pero nangunguna sa paglingkod at handang magparaya sa kapakanan ng kanyang pinamumunuan.
            Maganda na po sana ang bagong tirahan ni Mang Pepito at ng iba pang mga pamilyang nasalanta ng Mt. Pinatubo. Malaki ang kanila lote, 94 square meters, at 26.50 square meters hanggang 60 square meters naman ang sukat ng mga bahay.
            Ngunit hindi pala doon matatapos ang kanilang problema. Wala pa rin silang kasiguruhan sa lupa habang wala silang titulo. Pero pinanghawakan ni Mang Pepito ang pangako ng pamahalaan na mapapasakanila ang mga lupang ito. Hindi niya ipinagbili ang karapatan niya sa paninirahan.
            At sa araw na ito, 19 years, seven children and four grandchildren later, natanggap na sa wakas ni Mang Pepito ang titulo ng kanilang tirahan. Palakpakan naman po natin si Mang Pepito. Si Mang Pepito ay iisa lamang sa mga pamilyang tinamaan ng trahedya, nagsikap, at umahon. 
            Ang iba, marahil nagsawa at ibinenta sa iba ang kanilang right. Pero, alam kong marami pa rin sa inyo ang nagtiyaga at naghintay sa araw na ito.
            Huwag po nating sayangin ang haba ng panahon na ating hinintay. Naghirap tayo pare-pareho—pamahalaan at mamamayan—upang makita ang kaganapan ng proyektong ito. Huwag nating hayaang mauwi sa wala. Hindi po lahat ay nabibiyayaan ng pabahay. 
            Sa katunayan, malaki pa po ang kakulangan sa pabahay ng ating bansa. At ngayong kabi-kabila ang bagyo at sakuna, inaasahan nating dadami pa ang mangangailangan ng bahay.
            Subalit ipinapangako ko po na tuloy ang pagtutulungan ng sektor ng pabahay at ng pamahalaang lokal: ang NHA, sa pamumuno ni GM Chito Cruz, at ang probinsya ng Pampanga sa pamumuno ni Governor Lilia Pineda. Pabibilisin po nila ang pagproseso ng iba pang mga titulo sa Mount Pinatubo Resettlement Sites.
            Isang mithiin namin sa sektor ng pabahay, at personal na hamon sa aking sarili, na mapaganda ang buhay ng bawat Pilipino. Pagtulungan po nating lahat na matupad ito.
            Mabuhay kayo at maraming salamat po.