2012 HOUSING FAIR, SMX Convention Center, Pasay City, 8 October 2012

            Magandang umaga po sa inyong lahat.

            Ako po ay nagagalak na makasama kayong muli sa paglunsad nitong ika-pitong housing fair. Narito po’t nagsasama-samang muli ang mga tagapagtaguyod—sa pangunguna ng HUDCC at key shelter agencies, at sa tulong ng Government Financial Institutions (GFIs). Alam na ninyo kung sinu-sino kayo. At bukod sa mga ahensya ng gobyerno, salamat din sa tulong at kontribusyon ng pribadong sektor na kaisa natin sa pabahay, kasama ang taunang housing fair na ito.

            Ang ating housing fair ay sinimulan noong 2006 upang mabigyan ang ating mga mamamayan ng pagkakataon na makapili at makabili ng bahay at lupa sa mas abot-kayang halaga.  Nandito po lahat ng ahensya ng pamahalaan na may mga ‘acquired assets or foreclosed properties’ at narito rin ang ating mga pribadong developers na nag-aalok naman ng mga bagong pabahay sa inyong lahat.

            Bukod sa mga diskwento na maaaring maibigay sa inyo ng ating mga ahensya at pribadong developers laluna kung kayo ay magbabayad ng ‘cash’, maaari rin kayong makabili ng bahay na puwede ninyong bayaran hanggang tatlumpung (30) taon.

            Sa mga makakakuha ng bahay dito sa housing fair, alam namin ang sakripisyo na pagdadaanan ninyo. Marahil ang iba sa inyo ay ipagpapaliban ang bakasyon upang may pambayad sa bahay.  O ang iba naman, hindi na muna pupunta sa sm linggo-linggo para magshopping. Pero ang garantiya namin, higit na masaya ang magkaroon ng sariling bahay.

            Pinapangarap ko na sa mga susunod na housing fairs, wala nang foreclosed properties na ipagbibili dahil wala nang homebuyer na hindi makakabayad sa kanilang utang, at wala nang bahay na maiilit. Puro mga bagong bahay na lang ang inyong pagpipilian. Pero sana naman, maialok ito ng ating mga developers sa mababang halaga.

            Kamakailan, ako ay nag-internet at tumingin kung ano ang ginagawa sa mga housing fair sa iba’t ibang bansa.

            Nabasa ko na sa New York city, ang housing fair nila ay nakatutok sa edukasyon tungkol sa proseso ng pagbili ng bahay at mga kaalaman ng homebuyers upang makaiwas sa foreclosure. Sabi nga dun sa website, “provide attendees with the tools and resources to buy, improve and remain in their homes.”

            Natutuwa po ako na maliban sa pagbenta ng mga bahay sa housing fair natin, may mga paksa na rin na nagbibigay pansin sa ganitong mga usapin katulad ng financial literacy program.  Hindi sapat na makabili ng bahay. Dapat mapangalagaan, laluna ng ating mga “vulnerable homebuyers,” ang kanilang mga bahay.

            May housing fair din sa Finland na isinasagawa na mula pa noong 1970. Ang housing fair nila nitong 2012 ay nakatutok naman sa paggamit ng pinakabagong teknolohiya sa building design at construction. Binibigyan nila ng pansin ang pagbuo ng “low-carbon” o “eco-friendly homes.” Kasama rito ang paggamit ng renewable energy katulad ng solar power upang makatulong sa pagbaba ng konsumo ng kuryente at upang maitaguyod din ang malinis na kalikasan.

            Marahil dapat rin nating dagdagan pa ang mga panayam o lectures sa susunod na housing fair. Maraming mapag-uusapang tulad nga ng mga nabanggit kong ginagawa sa ibang bansa.

            Ang pangangalaga sa kalikasan ay isa sa mga hamon ngayon sa sektor ng pabahay.  Nararamdaman na natin ang epekto nito sa iba’t ibang dako ng pilipinas mula sa Metro Manila hanggang Cagayan de Oro at Iligan.

            Sa ating sektor ng pabahay, ikinagagalak ko na masigasig na tayong nakikibahagi sa kampanya na maibsan ang epekto ng climate change. Halimbawa, bagama’t ito’y pilot project pa lamang, may mga proyekto na tayo na nagsusulong sa paggamit ng green technologies sa pabahay. Kasama rin dito ang disenyo ng bahay na kung tawagin ay climate change resilient housing.

            Marahil napansin n’yo na rin sa ibang subdivision at kalye dito sa Pilipinas ang kombinasyon ng paggamit ng wind at solar power para sa pailaw sa kalye o sa bahay mismo. Mas mumura pa ang teknolohiya na ito sa darating na panahon. Unti-unti na nating isaalang-alang ang mga bagong teknolohiyang ito sa ating mga proyekto, tulad ng “natural lighting” at maluwag na sirkulasyon ng hangin. Lahat ito ay pampababa sa gastos ng kuryente ng ating mga mamamayan.

            Sa bansang madalas daanan ng mga bagyo tulad natin, isipin din natin ang gamit at bentahe ng teknolohiya ng “water harvesting.”  Di biro ang katipirang maidudulot nito.

            Lahat nang natitipid sa kuryente at tubig ay magagamit ng mamayan sa pagbayad ng bahay, pagbili ng insurance, o pagsustento sa iba pang pangangailangan. Dito higit pa nating mapapalakas ang kanilang kakayahang makapagbayad-utang at makaiwas sa foreclose.

            Sa local governments na binigyan natin ng mga award kanina dahil sa kanilang anti-illegal squatting efforts (binabati ko nga po pala kayo sa inyong masigasig na paglaban sa professional squatting), sana ay maging bukas kayo sa mga inobasyon sa pabahay.  May mga narinig po kasi kami na may mga local governments na kapag hindi traditional na pamamaraan sa paggawa ng pabahay ang gagamitin ng developer ay hindi na ito makakakuha ng development permit.  Marami na pong bagong teknolohiya na mas nakabubuti sa ating kalikasan at mas matipid pa para sa ating mga kababayan, kaya sana pag-aralan ninyo itong mabuti at tanggapin.

            Palawakin pa natin ang bisyon at layunin ng ating housing fair. Gawin nating itong mapagtugon sa tunay na pangangailangan ng mga mamamayan. Palakasin pa natin ang partisipasyon ng kabataan at dagdagan pa ang ating kaalaman sa mga bagong teknolohiya at disenyo ng konstruksiyon, na may pagsasaalang-alang sa pagpapababa ng presyo, pagtitipid, at proteksiyon ng kalikasan.

            Dahil ang bunga nito ay walang iba kundi ang ikagaganda ng bahay, buhay, at hanapbuhay ng ating mamamayan.

            Mabuhay tayong lahat.