Shelter Programs Awarding Ceremony, Davao Waterfront Insular Hotel, 3 October 2012, 2:30 p.m.

            Magandang hapon sa inyong lahat.

            Isa sa mga pinaniniwalaan namin sa sektor ng pabahay ay ang kahalagahan ng partisipasyon ng mga local government units (LGUs) sa pagpapatupad ng mga proyektong pabahay lalo na yung para sa mahihirap.

            Ito ay nakasaad sa Republic Act 7279 o mas kilala sa tawag na Urban Development and Housing Act (UDHA).

            Hindi naman nakapagtataka ang pagkilala ng ating batas sa mga mahahalagang gampanin ng mga lokal na pamahalaan dahil kayo ang mas higit na nakaaalam ng mga pangangailangan ng inyong mga nasasakupan, kasama na dyan ang pabahay para sa inyong mga mamamayan.

            Nag-umpisa rin po ako sa pagiging alkalde ng Makati kaya alam ko po ang mga pinagdadaanan ng isang punong bayan.

            Kaya naman nang ako po ay inatasan ni Pangulong Aquino na pamunuan ang sektor ng pabahay, ang una ko pong naging pamamaraan ay ang makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga proyektong pabahay na ipinapatupad ng key shelter agencies (KSAs).

            Nagawa po namin yun sa Makati, magagawa din po natin kahit saang sulok man ng ating bansa.

            Kaya po noong taong 2011, inilunsad namin ang Pabahay Caravan na naglalayon na ipakilala ang mga programang pabahay ng mga shelter agencies at hikayatin ang mga ahensya at indibidwal na may kinalaman sa pagpapatupad nito, na maki-isa sa ating layunin.

            Kasama sa mga programang nakapaloob sa Pabahay Caravan ay ang CLUP Zero Backlog Program na ipinapatupad ng Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB).

            Noong nakaraang araw, ako ay namuno sa isang roundtable discussion tungkol sa sustainable housing na dinaluhan ng mga matataas na opisyales mula sa iba’t ibang bansa – ang iba ay kumakatawan sa kanilang mga pamahalaan at ang iba naman ay namumuno sa mga malalaking kumpanya at non-government agencies.

            In that discussion, the importance of land use plan and the need to link this with the comprehensive development plan were emphasized. Everyone agreed that we must have a clear determination of where we should put our resources. Ang CLUP ay kailangan hindi lamang para malaman kung paano dapat i-allocate ang ating mga lupain. Ito rin ang nararapat na maging gabay ninyo kung saan at paano ninyo hahatiin ang inyong mga pondo at iba pang resources upang maisagawa ang development ng inyong mga priority areas – maging komersyal, pabahay, o agrikultural man ito.

            Maliban dito, makatutulong din ang clup upang maiwasan na tayuan ng mga istruktura ang mga lugar na madalas binabaha at delikado sa landslide.

            Sa araw na ito, apat napu’t siyam (49) na lgus ng Regions 11, 12 at ARMM ang kinilala natin at binigyang parangal dahil sila po ay nakiisa sa programang ito.

            Gusto kong batiin muli ang tatlong LGUs na nakatapos na ng kanilang CLUP at napaaprubahan ito sa kani-kanilang mga Sangguniang Panlalawigan. Talagang naaangkop ang gold award na iginawad sa inyo kanina.

            Ang pag-apruba ng Sangguniang Panlalawigan ang unang bunga ng inyong pinaghirapan. Mas matamis na bunga pa ang inyong makakamit pag nakita ninyo ang pag-unlad ng inyong bayan dahil sa CLUP.

            Ako rin po ay natutuwa dahil, sa mahigit na dalawampung (20) taon ng kasaysayan ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), ngayon lang po nagkaroon ng ganitong programa at partnership ang ahensiyang pabahay ng pamahalaan, sa pamamagitan ng HLURB, at ng LGUs ng ARMM.

            Sana po ay tuloy-tuloy ninyong gawin ang inyong mga clup. Makakaasa kayo ng buong suporta at tulong ng mga ahensyang pabahay ng gobyerno.

            Maisabay ko na ring banggitin ang isa pang programa na isinusulong din namin para sa mga LGUs na kung tawagin ay Local Shelter Plan (LSP).

            Ang pagbuo ng LSP na pinangungunahan naman ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) ay siya namang magiging gabay ninyo sa pagtugon sa pangangailanagan sa pabahay ng inyong mga bayan.

            Pag nangyari po iyon, at sa tulong ng mga programang pabahay ng aming mga ahensiya, katulad ng Resettlement Assistance Program ng National Housing Authority, marahil awarding naman ng Transfer Certificates of Title (TCTs) ang ating susunod na ipagdiriwang.

            Umaasa ako sa patuloy ninyong suporta sa mga programang pabahay ng gobyerno.

            Muli, maraming salamat at mabuhay tayong lahat!