17th PNP Engineering Service Founding Anniversary and Flag Raising Ceremony in Camp Crame, Quezon City (October 03, 2011)

            Sa ating mga kapulisan at kapwa lingkod-bayan, mga panauhin, magandang umaga sa inyong lahat.

            Nakakalungkot mang sabihin, marami pa rin sa ating mga kawani ng gobyerno, kasama na ang ating mga kapulisan, ang maituturing na informal settlers dahil nakatira sila sa lupang hindi nila pagmamay-ari.

            Gayunpaman, matibay ang aking paniwala na sa pagtutulungan ng sektor ng pabahay at ng housing board ng PNP, maisasakatuparan natin ang layunin at pangarap nating lahat na mabigyan ng disenteng tahanan ang mga pamilya ng ating kapulisan kasama na ang mga kawani ng hukbong sandatahan.

            Kung inyong maaalala, pinirmahan ni Pangulong Noynoy Aquino noong Abril 11, 2011, ang Administrative Order Number 9, na inaatasan ang National Housing Authority (NHA) na pangunahan ang pagpapatupad ng housing program para sa AFP at PNP.

            Naglaan ang Department of Budget and Management ng 4.2 bilyong piso sa taong ito para sa pagpapatayo ng dalawampu’t isang libo at walong daang (21,800) pabahay.  Sa ngayon, mahigit walong libo na ang nasa iba’t ibang stages of development at nitong Hulyo nga ay naigawad na ng ating Pangulong Aquino ang ilang units sa unang grupo ng benepisyaryo.

            Ang mga bahay sa ilalim ng proyektong ito ay itatayo sa apat na komunidad sa mga lugar ng Lake Breeze residences sa barangay Looc, Calamba, Laguna; sa AFP/PNP Bocaue Hills housing project sa barangay Batia, Bocaue, Bulacan; sa Heroes Ville 1 sa barangay Gaya-Gaya, San Jose del Monte city, Bulacan; at sa Heroes Ville 2 sa barangay Pinugay, Baras, Rizal.

            Kaya namin hinati sa apat kasi baka may ayaw kayong maging kapit-bahay, kaya't mayroon kayong tatlong lugar na mapagpipilian.

            Bawat bahay ay magkakaroon ng kanya-kanyang metro ng kuryente. Ganun din sa tubig na ang koneksyon ay ibibigay ng mga water utilities doon.

            Hindi lamang mga kabahayan bagkus ay matatag na komunidad ang ibig nating ipundar sa bawat lugar. Kaya maliban sa bahay, maglalagay tayo ng paaralan na may labinlimang(15) silid-aralan. May daycare/health center din at multipurpose o basketball covered court. Para kumpleto, magtatayo din tayo ng wet market, tricycle terminal, materials recovery facility at police outpost.

            Dahil alam natin na madalas hindi sapat ang sahod para sa araw-araw na gastusin,ibinaba namin ang buwanang bayad sa inyong mga bahay. Kaya sa loob ng limang taon, dalawang daang piso lamang bawat buwan ang inyong magiging hulog. Para sa iba, ang katumbas nyan ay tatlong araw lang na load sa cellphone o anim na kaha ng sigarilyo.

            Upang magkaroon ang inyong mga pamilya na ng dagdag na pagkakakitaan, ipapatupad din namin sa mga komunidad ninyo ang livelihood projects.

            Ngunit simula pa lamang ito. Mula sa kapulisan, palalaganapin pa natin ang pabahay para sa iba pang kawani ng gobiyerno. Mula Luzon, kailangan pang tumungo sa Visayas at Mindanao ang ating programang pabahay.  Pinaigting pa namin ang pakikipag-ugnay sa ating mga local government units at pribadong sektor upang lalo pang sumulong ang programang pabahay.

            Marami pang nakalaang gawain sa programang pabahay. May iba pang panahon kung ibig ninyong malaman ang mga ito.

            Ngunit ngayong umaga ay sapat nang alalahanin natin ang batayang paniniwala na ang sariling bahay ang simula ng magandang buhay. At asahan ninyo na ang inyong lingkod, sampu ng aking mga kasama sa sektor ng pabahay, ay tutulong para magkaroon kayo ng sariling bahay, at mapaganda ang buhay ng inyong mga minamamahal.

            Maraming salamat at magandang umaga.​