GK Nation Building Expo, Human Development Forum Cluster at the University of Santo Tomas (October 01, 2011)

            Ang sariling bahay ang simula ng magandang buhay.

            Yan po ang aking paniniwala at bisyon; at yan rin po and batayan ng sektor ng pabahay na aking pinapamunuan.

            At sa pagtitipong ito, ako ay nagagalak na makapiling ang mga kapwa ko Pilipino na nagtatayo na ng pundasyon ng magandang buhay, at iyang magandang buhay na inyong inaasam ay abot-kamay na, dahil kayo ay naninirahan sa mga tahanan na matatawag ninyong sa inyo.

            Malugod kong tinanggap na ako’y maatasan na mamuno sa pagtitipong ito kung saan ang pag-uusapan ay ‘grassroots development’.

            Sa aking palagay, minarapat ng tadhana na ako ay maging kasama ninyo dahil na rin sa aking pamumuno sa Housing and Urban Development Coordinating Council o HUDCC. Ito ang coordinative body ng lahat ng ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa pabahay. Kung titingnan natin ang ugat ng human development, at laluna sa grassroots, o kung isasalin natin sa wikang Pilipino, yaong ‘pinakamalapit sa lupa’, isa sa gawain ng pamahalaan na pinakamalapit sa lupa at pinakamalapit sa tao, ay ang pabahay.

            Dahil kung tutuusin, ang pabahay—ang matugunan ang isa sa pinakaunang pangangailangan ng tao, ang pangangailangan ng masisilungang bubong — ang simula ng human development. Sabihin na nating gaano man kamahal ang mga bilihin ngayon, nakakayanan pa rin ng iisang tao na naghahanapbuhay na magbigay sa sarili at sa pamilya ng pagkain at pananamit. Ngunit ang pabahay ay isang malaking proyekto. At upang matupad ito,  ang isang padre o madre de pamilya at madalas kasama ang buong mag-anak, ay nagsisikap bumuo ng malaking halaga sa pagbili, o pag-utang, at pagbabayad para sa isang tahanan.

            Sa ngayon, alam natin na hindi pa abot-kaya ng nakakaraming Pilipino ang magkaroon ng sariling bahay. Bibihira ang may nakatago o may kinikitang halaga na maaaring pambili kaagad ng bahay. Ang tungkulin namin sa pamahaalan ay tulungan kayong nagnanais magkabahay na maabot, maipon o mautang ang halagang maaaring ibili ng bahay at lote.

            Ngunit hindi pa rin po nagtatapos dyan ang tungkulin ng inyong pamahalaan, lalo na sa mga kababayan natin na naging benepisyaryo ng government housing at resettlement projects.

            Bilang tagapamuno ng sektor ng pabahay, isa po sa una kong ipinag-atas ay ang pagbibigay sa mga nailipat sa mga resettlement projects hindi lamang mga bahay na mas matibay at mas maganda ang disensyo, kundi mga komunidad na may tubig, kuryente, at mapagkukuhanan ng kabuhayan para sa mga naninirahan dito; Mga komunidad na may pagkakaisa, may pagsasamahan, at may pananalig sa Poong Maykapal; Mga komunidad na pinapasigla at binubuhay ng pag-asa.

            Kinikilala ko po ang napakahalagang ambag ng mga samahang gaya ng Gawad Kalinga para matupad ang ating mga adhikain para sa ating mga kababayan.

            Sa mahigpit nating pagbubuklod, malaki ang aking pag-asa na makakamit ng pinaka-karaniwang mamamayan ang mithiin nyang masilungan ang sarili at ang kanyang mga mahal sa buhay, mainit man ang araw o malakas man ang ulan at bagyo.

            Ang adhikain sa pabahay ng pamahalaan at ang adhikan ng Gawad Kalinga ay masasabing kindred spirits. Mga magkamag-anak sa kaluluwa, sa panaginip at sa pangarap para sa pinakamaliit na mamamayang Pilipino.

            Sa pagkakaisang ito ng adhikan, panaginip, at pangarap, Tunay nga nating masasabi na Ang sariling bahay ang simula ng magandang buhay.

            Maraming salamat po.​