MESSAGE OF HIS EXCELLENCY BENIGNO S. AQUINO III TO THE OSHDP-HUDCC 6TH NATIONAL DEVELOPERS CONVENTION, 27 AUGUST 2015, BLUE LEAF FILIPINAS, PARANAQUE CITY

            Magandang umaga po sa inyong lahat.

            Ikinararangal ko pong magsalita para sa ating mahal na Pangulo, na sa kasalukuyang oras na ito, kasama ang aming HUDCC Chairman na si Atty. Chito Cruz, ay isinasagawa ang inagurasyon ng housing project sa Manggahan, Pasig para sa mga informal settlers. Narito po ang kanyang mensahe para sa okasyong ito:

            Isa sa mga pangunahing pangangailangan ng tao ang maayos at ligtas na tahanan. Haligi ito ng seguridad ng bawat indibidwal, at lunsaran ng magandang kinabukasan ng bawat pamilya. Obligasyon nga po ng Estado na gabayan at alalayan ang ating mga kababayang maitaguyod ang kanilang karapatan para sa disente at sariling pabahay. At kayo nga pong mga nandito ngayon sa pagtitipong ito ang nagsisilbing tulay upang maisakatuparan ito. Kaya sa inyong lahat, maraming salamat sa ipinapamalas ninyong dedikasyon upang maglingkod sa ating mamamayan, lalo na sa mas nangangailangan.

            Batid ko po: hindi biro ang trabaho ninyo sa sektor ng pabahay. Masalimuot ang mga hamon na kinailangan  ninyong harapin upang matugunan ang suliranin. Lumalaki ang populasyon, at nagsisiksikan ang mga tao sa lungsod; nasisira ang mga bahay dahil sa mga kalamidad; nahihirapang maghanap ng lupa, at tumataas ang presyo ng lupang mapagtatayuan; at humihina ang kakayahan ng ating mga kababayang bumili ng sarili nilang bahay.

            Layon nga po ng kumbensyon na itong talakayin ang mga nabanggit na isyu, at maglatag ng mas epektibong mga hakbang upang resolbahin ang suliranin sa inyong sektor. Sa pagpupulong natin, kasama ang iba't ibang developers sa pribadong sektor, tiwala tayong maitataguyod ang mga bagong stratehiya at mekanismo na magbubunsod sa mas produktibong programa. Sa maigting na pagtutulungan ng publiko at pribadong sektor, lalo pa nating mapagtitibay ang ating magagandang nasimulan.

            Sa ilalim nga po ng ating administrasyon, itinaas natin ang pondo para sa socialized housing for informal settlers. Ang hangad natin: Ilayo sila sa peligrosong mga lugar, at pagkalooban sila ng maayos na pabahay sa di hamak mas ligtas na komunidad. Suma-tutal, limampung  bilyong piso na ang inilaan natin para mabigyan ng pabahay ang higit 104,000 na informal settlers. Sa kasalukuyan nga po, 63,179 in-city and near or off-city housing units  na ang ating nakumpleto, habang 39,290 naman ang ongoing ang konstruksiyon.

            Nagkaloob na rin po tayo ng housing assistance sa mga pamilyang napinsala at nawasak ang tahanan ng kalamidad. Ginawa nating mas madali at mas mabilis para sa ating mga kababayan ang makahiram ng pera; ibinaba natin ang mga interest rates para mas maengganyo silang humiram ng pantustos sa pagpapagawa ng sariling bahay. Gayundin, itinataguyod natin ang programang pabahay para sa ating mga unipormadong hanay. Ngayon nga po, 57,328 units na ang nakumpletong housing units para sa kanila, at doble-kayod tayo para mas lumawak pa ang sakop nito. Siyempre, ito pong mga pabahay na ito, talagang sistematiko at pinag-isipan; hindi bara-bara ang pagpapatayo; hindi natin ito ginagawa para lang masabing may ginawa tayo. Nakapaloob ang mga hakbang natin sa Comprehensive Land Use Plan (CLUP) at Local Shelter Plan (LSP) ng mga lokal na pamahalaan. Makakaasa nga ang ating mga kababayan: Isinusulong natin ang abot-kayang mga pabahay, na may maayos at matatag na kalidad.

            Bayanihan nga po ang tawag natin sa pagbubuklod ng komunidad tungo sa pagtupad ng kolektibong hangarin. Ang imahen nga po natin para dito, tulong-tulong na pagbubuhat at paglilipat ng kubo, mula sa isang lugar patungo sa isa pa. Gaano man kabigat ang pasanin, gaano man kalayo ang dapat na tahakin, talaga naman pong napapadali ang lahat basta’t nagkakapit-bisig at nagmamalasakit tayo sa isa’t isa. Ang hamon at panawagan ko: Patuloy sana nating isabuhay ang kaugaliang nakatatak na sa ating lahi; patuloy tayong magbayanihan sa landas na tama at makatwiran, patuloy tayong magbayanihan para sa ikabubuti ng mas nakakarami; patuloy tayong magbayanihan tungo sa isang mas mapayapa, mas maunlad, at mas patas na lipunan.

            Maraming salamat po.