Launching of the Phividec Industrial Authority employees’ housing project, Phividec Compound, Tagoloan, Misamis Oriental (September 26, 2011)

            Maayong buntag kaninyong tanan.

            Isang magiliw na pagbati para sa mga empleyado ng Phividec Industrial Authority.

            Sa proyektong pabahay na ito, alam ko na marami na sa inyo ang may matutupad na pangarap. Una rito ang magkaroon ng sariling bahay. At susunod ang iba pa, dahil di ba ang sariling bahay ang simula ng magandang buhay?

            Alam ko na marami sa inyo ang matagal nang nagtatiyaga sa pangungupahan o sa pakikitira sa mga kamag-anak.

            Narito ako ngayon bilang kinatawan ng mga programa sa pabahay ng ating pamahalaan. At narito rin ako upang tuldukan ang inyong matagal na pagtatiyaga at bigyang katuparan ang inyong pangunahaing pangarap sa magandang buhay.

            Ngayon, ibig kong pasalamatan ang lahat ng naghasik ng plano, panaginip, at pawis upang maisagawa ang housing project na ito. Unang-una ay ang management ng Phividec Industrial Authority sa pamumuno ni Administrator Leo Magno.  Kung hindi sa kanilang political will na maglaan ng lupa para sa inyong pabahay, marahil matagal pa bago ninyo makamit ang inyong pangarap.

            Sa panig namin, ang HUDCC, NHA at Pag-IBIG fund na nasa ilalim naman ng aking pamumuno, ang siyang nagsumikap para matuloy ang housing project na ito.

            Isang paalala lamang po: hindi lamang kami ang may tungkulin sa proyektong ito.  Kapag natapos ito, kayo pong mga beneficiaries ay mayroon ding kaukulang obligasyon—ang inyong buwanang pagbabayad o monthly amortization.  Napakahalaga po nito sa dalawang paraan:

            Una, upang tuluyan nang maging inyo ang bahay na inyong hinuhulugan buwan-buwan. Huwag ninyong sayangin ang pagkakataong ito. Ako na mismo ang nagsasabi sa inyo na hindi na namin pinapayagan ang mga penalty condonation sa mga taong lumiliban sa pagbabayad. Huwag na po ninyong hintaying mailit pa ang inyong mga bahay dahil sa hindi ninyo pagtupad sa inyong kontrata sa Pag-IBIG fund.

            Pangalawa, pag regular ang inyong pagbayad, nakakautang naman ang iba. Pagtuloy-tuloy ang inyong bayad, tuloy-tuloy din ang pakinabang ng iba pa nating kababayan na tulad ninyo ay nais ring magkabahay. Ang inyong monthly amortization ay pina-iikot namin upang makapagpatayo at maipamahagi pa ang mas maraming pabahay.

            Sa katunayan, mula pa noong Pebrero ay umiikot na ang mga key shelter agencies sa iba’t-ibang rehiyon. Ito ang tinatawag naming Pabahay Caravan.  Sa caravan, iniimbitahan namin ang lahat ng Local Government Units at inilalahad sa kanila ang lahat ng government housing programs na maaari nilang mapakinabangan para sa kanilang mga sinasakupan.

            Sa pamamaraang ito, layunin ng pamahalaan na matugunan ang malaking pangangailangan natin sa pabahay sa buong bansa, sa tulong ng iba’t ibang sektor.

            Isang taimtim na pangako at kasunduan ng Pangulong Noynoy Aquino sa lipunang Filipino ang ikagaganda ng buhay ng bawat mamamayan. Sarili, disente, at maayos na pabahay ang simula ng kasunduang ito.

            At sarili, disente, at maayos na pabahay sa inyo dito sa Tagoloan ang katunayan sa pagtupad ng kasunduang ito ng mahal na Pangulo.

            At tulad po ng Pangulo, taimtim po ang aming paniniwala na sa pabahay, gaganda ang buhay.

            Maraming salamat po.​