Ocular inspection of the Doña Imelda High Density Housing Project, Quezon City, 11 July 2013, 9 a.m.

            Magandang umaga po sa inyong lahat.

            Lubos po akong nagagalak sa pagtitipon nating ito. Hindi lamang dahil sa ipatutupad nating proyektong pabahay dito sa Barangay Doña Imelda, kundi dahil na rin ito ay patunay na ang ating pamahalaan, sa pamumuno ni Pangulong Noynoy Aquino, ay hindi nagpapabaya sa mga kababayan nating mahirap at nabibilang sa tinatawag na Informal Settler Families (ISFs).

            Alam po ninyo, kapag ako ay bumibisita sa isang komunidad, ibig ko namang malaman muna ang kasaysayan ng komunidad na iyon.

            Sa aking konting pagsasaliksik, nalaman ko na ang Barangay Doña Imelda ay nabuo sa pamamagitan ng Executive Order Number 052 na inisyu ni dating Quezon City Mayor Norberto Amoranto. Maganda po ang pinagsimulan ng inyong komunidad. Ang barangay ninyo dati ay namamahala sa pamimigay ng bigas, gas coupons at iba pang mga gawain na nakakatulong sa mga taga-Barangay Doña Imelda.

            Sa pagdaan ng panahon, unti-unting nagkaroon ng progreso ang inyong komunidad. Nagkaroon na koneksyon sa tubig hanggang may ipinatayong barangay hall, health center, playground, at elementary school.

            Ngunit sa kabila nito, nakalulungkot isipin na marami pa rin sa inyong mga kabarangay ang walang seguridad sa tahanan. Marami pa rin ang nakatira pa sa mga delikadong lugar gaya ng gilid ng estero. Ang iba pa nga sa inyo ay itinayo mismo ang bahay sa loob ng three-meter easement ng San Juan River na lubhang delikado laluna ngayong tag-ulan.

            Hindi madaling tumira sa lugar na araw-araw ay nangangamba kayong maanod ng baha ang inyong bahay, o kaya may kaba kayong gibain ito dahil hindi sa inyo ang lupang inyong kinatatayuan. Ayaw na nating maulit ang mga pinsalang naidulot ng tulad ng Bagyong Ondoy noong 2009 at ng hanging Habagat noong nakaraang taon lamang.

            This is the primary reason President Noynoy Aquino launched the housing program for informal settler families living in danger areas in Metro Manila. And he made sure that this program is implemented by committing to provide fifty billion pesos in five years or ten billion pesos each year.

            This housing program is being implemented in close coordination with various stakeholders, most especially the affected families. At iyan nga po ang ating ginagawa.

            Kung inyo pong mapapansin, kasama natin dito ngayon ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na may kinalaman o makatutulong sa pag-angat ng kalagayan sa ating mga kababayang naninirahan sa gilid ng mga daluyan ng tubig at iba pang lugar nakung tawagin ay “danger areas”.

            Narito ang Department of the Interior and Local Government at Department of Social Welfare and Development. Kasama din natin ang local government ng Quezon City at ang pamunuan ng Barangay Doña Imelda. At siyempre hindi mawawala ang ating mga civil society organizations na tumutulong sa komunidad.

            We also have a guest from World Bank, Mr. Axel van Trotsenburg, who is the vice president for East Asia and Pacific Region. World Bank has been instrumental in this new approach of housing assistance. This approach provides security of housing tenure to the informal settler families and at the same time, ensure that their livelihood will not be affected once they transfer to their new, decent and safe homes.

            Thank you very much, Mr. van Trotsenbur, and the World Bank, for your support and assistance.

            Sa tulong ng World Bank na nagbigay ng teknikal na ayuda sa Social Housing Finance Corporation (SHFC), nabuo ang high density housing program na siyang ipatutupad natin dito sa Barangay Doña Imelda. At mismong kayo na mga benepisyaryo ang nagsulong nito.

            Kung noon ang SHFC ay nagpi-finance para mabili ng isang community association ang lupa lamang, ngayon po sa ilalim ng high density housing program, maaari nang magpahiram ng pondo ang SHFC para sa pagbili ng lupa at pagpapatayo ng gusaling pabahay na mas maraming mga benepisyaryo ang makikinabang sa limitadong sukat ng lupa sa mga syudad kagaya ng Quezon City.

            Sa programang ito, hindi kayo mapapalayo sa inyong mga kabuhayan o trabaho dahil “in-city,” “near-city” o di kaya “near-site” ang pagtatayuan ng mga gusaling ito na may taas hanggang limang palapag.

            Pinag-aralan din po ang kakayahan ng mga benepisyaryo na magbayad sa buwanang amortisasyon, para ang payment terms na ipatutupad ay makayanan ninyo.

            With this housing program, we no longer have to worry about awardees of housing projects abandoning their housing units in resettlement sites simply because they find it too far from their source of livelihood. Gone are the days when families are just relocated with no options.

            Ngayon, maging ang National Housing Authority ay dumadaan sa tinatawag nating community initiative approach. Sa paraang ito, ang mga pamilyang apektado ay binibigyan ng iba’t ibang options at sila ang pumipili batay sa kanilang kakayahan at kagustuhan.

            Kabilang na dito ang off-city, near-city or in-city housing. Sa katunayan, mayroon ng limang proyektong low-rise buildings na ipinapatayo ang NHA sa Manila at Caloocan. Ganun din sa Valenzuela at Malabon sa pakikipagtulungan sa local government. Ang mga proyektong ito, na makakagawa ng halos apat na libong housing units, ay matatapos ngayong Oktubre.

            Para naman sa mga proyektong mismong mga komunidad ang nagsulong o ang tinatawag nating “People’s Plans o Proposals,” itong high density housing ng Social Housing Finance Corporation ang ating mekanismo.

            Sa loob ng taon na ito, halos walong libo at isang daang pamilya ang inaasahan nating matutulungan ng programang ito. Sila ay makaaalis na sa kanilang mapanganib na lugar at tirahan, at makapag-umpisa ng panibagong buhay sakani-kanilang mga bagong tahanan.

            Walong libo dalawang daan limampu’t isa (8,251) naman ang inaasahang mabibigyan ng pabahay sa susunod na taon.

            Sa pagpapatupad ng abot-kaya at disenteng programang pabahay para sa inyo, kasama namin ang Civil Society Organizations (CSOs) at yaong komunidad mismo na makikinabang dito. Naniniwala kami na sa ganitong paraan, mas maayos nating maaabot ang mga layunin ng programa.

            Masuwerteng maituturing ang inyong barangay dahil sabay na ipinapatupad ng gobyerno ang programang pabahay at conditional cash transfer dito sa inyong lugar. At ang barangay ninyo ay isa sa mga patunay na lahat ng ating mga kababayan, laluna ang mahihirap, ay kasama sa mga magandang hangarin ng ating pamahalaan.

            Pero kaakibat ng tulong na ito ay ang responsibilidad ng mga pamilya at komunidad na tumupad sa kanilang mga obligasyon bilang mga benepisyaryo. Sana po ay maging halimbawa kayo sa iba sa pakikiisa sa programa at sa pagbabayad ng pautang. Marami pa po tayong mga kababayan na kailangang tulungan na magkaroon ng disente at ligtas na kabahayan. Tayong lahat ay may tungkulin upang maabot ang ating hangaring mapaganda ang buhay sa pamamagitan ng pabahay.

            We may have encountered a few challenges in the conceptualization of this housing program, but with the cooperation and resolve of everyone, we have reached this far.

            Patuloy po tayong magtulong-tulong upang mapabilis ang ating pagsulong.

            Maraming salamat po.