Nagagalak po akong makasama kayo at maging bahagi ng okasyong ito. Kasing-makasaysayan ng inyong bayan ng Caloocan ang pagdiriwang ninyo ngayon. Bakit? Dahil para sa mga miyembro ng Barinna Homeowners Association, simula sa araw na ito, masasabi ninyong hindi na kayo informal settlers—kayo ay may-ari na ng inyong lupang kinatitirikan.
At iyan ay nangyari sa pamamagitan ng programang pabahay ng ating pamahalaan, ang Community Mortgage Program o CMP at ito’y ipinatutupad ng Social Housing Finance Corporation o SHFC.
Sa ilalim ng CMP, hindi lamang po bahay ang ating itinatayo o binubuo. Higit sa istraktura lamang, ibig nating pahalagahan sa proyektong ganito ang pamilyang nabubuo—ang kanilang tahanan, at ang mga komunidad na unti-unting sumisibol sa palibot nila.
Alam natin na ang unang hakbang ay ang pagbuo ng organisasyon ng mga pamilyang nakatirik ang bahay sa lupang hindi nila pag-aari. Ngunit ang pinakamahalaga upang makapasok sa programang CMP ay ang pagpayag ng may-ari na ipagbili ang nasabing lupa at ang magkasundo kayo sa presyo. Kasabay nito ang pagtanggap ninyo ng mga inyong mga obligasyon bilang benipisyaryo ng proyektong pabahay.
Ang pagkakasundo ninyo at ng may-ari ng lupa, ang tulong na ibinibigay ng CMP mobilizer, at ang pakikiisa ng SHFC ang mga sangkap ng proyekto. At ang mga ito rin ang patunay na ang pagtutulong-tulong ng lahat ng sektor at kasangkot ang tanging magdadala sa katuparan at tagumpay ng mga proyektong ganito.
Kanina, nasaksihan po ninyo ang pag-abot namin ng tseke kay Ginang Odelia Arroyo, ang may-ari ng lupa na kinatitirikan ng inyong mga bahay. Inyong nasaksihan din ang pagbigay ng titulo ng lupa na nakapangalan na sa inyong asosasyon, ang Barinna HOA, Inc.
Sa panahon ngayong ang halaga ng lupa ay napakataas, laluna sa Metro Manila, hindi biro ang ganitong pagkakataon para sa mga pamilya at komunidad na katulad ng Barinna HOA.
Isa lang po ang hinihiling ko sa inyo, sana huwag kayong gumaya sa ibang asosasyon na ang mga miyembro ay may mga di-pagkakaunawaan. Marami po kaming natatanggap na sulat tungkol sa ganyang mga kaso.
Walang magandang maidudulot ang mga alitan sa loob ng isang asosasyon. Lagi nating iiwasan ang mga ito dahil nailalagay lamang nito sa alanganin ang inyong kolektibong mithi na lubusan nang mapasa-inyo ang inyong bahay at lupa.
Pangalawa, huwag na huwag ninyong pababayaan ang inyong obligasyon—ang tama at sa-oras na pagbabayad ng inyong buwanang amortisasyon.
Paka-unawain po nating lahat ang halaga ng maagap na pagsagot sa ating obligasyon. Sa inyong sapat at sa-oras na pagbayad, napapaikot ng programa ang pera upang maipautang ulit. Kaya, lalong marami pang katulad ninyong nangangailangan ang makikinabang din sa programa.
Mahigit tatlong milyon bahay po ang kailangang maitayo sa buong Pilipinas. Kaya mahalaga ang bawat piso ninyong ibabayad at aming paiikutin.
Ituloy-tuloy ninyo lamang na tuparin ang inyong buwanang obligasyon, at bago ninyo mamalayan, fully paid na pala kayo at maaari na ninyong ipalipat sa inyong pangalan ang titulo ng inyong lupa’t bahay.
Kung bawat isa sa inyo ay susunod sa mga alituntunin ng programang CMP, tiyak na sa pagbalik ko rito, individual titles na ang ipamamahagi ko sa inyo.
Maraming salamat at mabuhay kayo.