Magandang hapon po sa inyong lahat.
Hayaan ninyong batiin ko muna ang mga taga-Bacoor. Ang inyong bayan ay isa nang component city makaraan ang mahigit tatlong daang taon bilang munisipalidad.
Palakpakan ninyo ang inyong sarili dahil sigurado akong kayo ang naging inspirasyon ni Congresswoman Lani Revilla at Senator Bong Revilla upang isulong sa Kongreso ang cityhood ng Bacoor.
May isang munting problema lang po, sa tingin ko. Ngayong isa ng siyudad ang bacoor, ibig sabihin po ba ay hindi na pwedeng presidente si Mayor Strike Revilla ng League of Municipalities?
Pero, malay po ninyo, baka ang pinuno ng pinakabunsong siyudad ang siya namang maging presidente ng League OF Cities. Hindi malayong mangyari, di po ba? Nakita niyo naman ang progreso ng Bacoor sa ilalim ni Mayor Strike. At iyan ay bunsod ng kanyang bisyon na mabigyan ng maayos at maunlad na pamumuhay ang mga taga-Bacoor.
Ang pagtitipon natin ngayon ay isang testimonya sa pagkamasigasig nina Mayor Strike at mga pinuno ng siyudad. Sinikap nila na maibigay ang mga karapat-dapat na serbisyo, katulad ng pabahay, sa inyong mga taga-Bacoor.
Ngayon pa lang ay nais ko nang batiin ang ating mga guro, empleyado ng lokal na pamahalaan at iba pang kawani ng gobyerno. Ang araw na ito ay ang unang hakbang sa pagtupad ng inyong mga pangarap na tahanan.
Nasaksihan po ninyo kanina ang pagpirma sa memorandum of understanding sa pagpapatupad ng proyektong pabahay para sa inyo. Pinangunahan ito nina Atty. Darlene Berberabe ng Pag-IBIG Fund at ng inyong butihing punong-bayan na si Mayor Strike Revilla. At mamaya, we will break ground for the project, patunay na wala nang makakapigil sa katuparan ng Strike Ville Subdivision.
Halos limang daang (500) pamilya sa Bacoor ang mabibigyan ng pagkakataon na magkaroon ng matatawag na sariling bahay.
At pwede pang madagdagan ang bilang na ito. Sa ilalim ng Group Housing Loan Program (GHLP) ng Pag-IBIG Fund, hanggang apatnapung milyong piso (P40 million) bawat phase ang maaaring ipautang para sa medium-rise housing projects.
Magaan din po para sa mga benepisyaryo ang buwanang amortisasyon. Sa apat na raang libong pisong (P400 thousand) halaga ng bawat unit, pasok ito sa socialized housing category na mayroon lamang anim na porsyentong (6%) interes kada taon. Ibig sabihin, halos dalawang libo at apat na raan (P2,400) lang kada buwan ang inyong hulog. Sigurado ako, marami sa inyo na mga nangungupahan ay nagbabayad ng mahigit pa riyan. Ngayon, mas mura na ang bayad, magiging inyo pa ang bahay pagdating ng panahon.
Ang proyektong ito ay sagisag ng bayanihang Filipino. Ang pagtutulungan ng iba’t ibang tao, ahensiya at sektor, kagaya ng lokal na pamahalaan ng bacoor, ng deped, ng pag-ibig fund at kasama pa ang pldt smart ay nagbunga ng isang proyektong hindi lamang ginhawa ang dulot kundi katuparan ng inaasam.
Ito po ang aming adhika hindi lamang sa bacoor kundi sa buong pilipinas—ang makapagbigay ng disente at abot-kayang pabahay sa karamihan.
Kaya naman noong isang taon ko pa inatasan si Atty. Berberabe at ang iba pang ahensiyang pabahay na puspusang makipag-ugnay sa local chief executives. Bilang dating mayor, naniniwala ako na lgus ang nasa pinakamagandang katayuan upang tumugon sa mga pangangailangan ng mga nasasakupan, kasama ang abot-kayang pabahay.
At natutuwa kami na nagsisimula nang magbunga ang mga pagsusumikap na ito.
Katulad ng Strike Ville Subdivision Project ng Bacoor, ginagawa na rin ang medium-rise housing project ng malabon city at ang Bistekville ng Quezon City. At ganoon din sa iba pang siyudad at munisipalidad sa labas ng Metro Manila. Isang daang (100) lgus ang kausap ngayon ng pag-ibig fund upang sila’y makinabang na rin sa programang ito.
Siya nga po pala, mayor, hindi lang pag-ibig fund ang may pabahay para sa inyo. Mayroon din kaming programa para sa mga informal settlers, tulad ng community mortgage program ng social housing finance corporation at resettlement assistance program ng national housing authority. Katulad ko, tiyak na kasama rin sa inyong bisyon ang mabigyan sila ng seguridad sa pabahay at hindi na tawaging informal settlers kundi homeowners. Sabihin n’yo lang po kung kailangan ninyo ng tulong at agad kaming magpapapunta ng tao sa inyong opisina upang mapagplanuhan ang pabahay na ito.
Sa mga magiging benepisyaryo ng mga medium-rise housing na ito, muli kaming bumabati. Sa mga namumuno sa bacoor, salamat pa rin sa inyong paglilingkod. At sa ating lahat, mabuhay!