TCT Distribution, Capitol Gymnasium, Puerto Princesa City, Palawan (April 13, 2012)

            Magandang umaga po sa inyong lahat.

            Natatangi po ang unang linggong ito matapos ang pasko ng pagkabuhay. Dahil isang munting katuparan ng pagbabagong-buhay ang dala namin sa inyo—ang mga titulo ng lupa’t bahay ng mga benepisyaryo ng pabahay ng gobyerno dito sa lalawigan ng Palawan.

            Simula sa araw na ito, hindi na kayo tatawaging mga informal settler o squatter. Kayo ay tunay nang mga landowner.

            Ako po ay nagpapasalamat kay Governor Mitra sa suportang ibinigay niya sa amin para maisakatuparan ang programang ito.  Hindi lamang po yan, si governor din ang gumawa ng paraan para maibahagi namin maya-maya lamang sa mga punong bayan ng Palawan ang mga programang pabahay ng gobyerno.

            Mahalaga po ang orientation na ito. Dahil sa pakikipagtulungan ng inyong mga mayor, mas lalong mapapa-igting ang mga programang pabahay ng gobyerno. At isa lang po ang ibig sabihin nito, madadagdagan pa ang mga taga-palawan na makikinabang sa mga proyektong pabahay natin.

            Ang totoo po, nahirapan kaming makakuha ng ticket sa eroplano papunta ng palawan.  Nagkakaubusan na ng ticket sa mga airline companies.  Isa lang po ang ibig sabihin nito—napakaraming taong ibig pumunta rito ngayon. Ang Palawan ang isa na sa nangungunang destinasyon para sa mga turista hindi lamang sa ating bayan kundi sa buong mundo. At yan ay dahil sa dalawang bagay. Una, maswerte kayo at nabiyayaan ang inyong lalawigan ng nagagandahang natural resources.  Ang ikalawa at higit na mahalaga, marunong at masipag kayo sa pangangalaga sa mga yaman na ito.

            Baka ilang taon pa, marami nang mga tao ang lumipat at manirahan dito sa palawan.  Kapag nangyari iyon, sigurado akong lubos nang tataas ang presyo ng lupa at bahay dito.

            Kaya ngayon pa lang, nais ko nang batiin ang mga pamilyang nag-sikap at nagpakahirap upang magkaroon ng sarili nilang lupa at tahanan sa kanilang bayang sinilangan—sa Palawan.

            Kami po sa pamahalaan ay gumagawa ng paraan upang matupad ang pangarap na ito sa pamamagitan ng aming mga programang pabahay. Pero sa inyo pa rin nakasalalay ang tunay na katuparan ng pangarap na ito.

            Tulad na lamang po sa aming Community Mortgage Program o CMP.  Alam niyo po ba na sa buong Region 4B o MIMAROPA, dito sa palawan ang may pinaka-maraming naipatupad na Cmp projects? Ayon sa aming talaan, mahigit pitong libo at anim na raang (7,600) pamilya na ang nabiyayaan ng CMP sa Palawan. Pero higit pa riyan, ang talagang nakakalugod ay ang hindi nagpapabaya ng mga taga-palawan sa mga proyektong ito.  Mataas ang collection efficiency rate dito sa inyong lalawigan.  Ibig sabihin masikap kayo sa inyong pagbabayad-utang.

            Marami po kasi tayong mga kababayan na nakgkaroon ng sariling lupa’t bahay pero hindi binigyang halaga ito. Ang iba, hindi nagbabayad ngunit kapag pinaalis mo ay sobrang sama na ng tingin sa pamahalaan. Ang iba naman hindi na nga nagbabayad, ipinagbili pa sa iba ang kanilang rights.

            Sana maintindihan nating lahat na may kabayaran pa rin ang mga programang pabahay. Dahil kinakailangan nating mapaikot ang pera at maipautang ulit, makatulong sa mas marami pa nating kababayan na tulad ninyo ay ibig ding magka-lupa’t bahay.

            Pero tulad ng nasabi ko kanina, kakaiba ang mga palaweños.  Masikap at may paninindigan. Kaya nakita niyo naman, kani-kanina lang, isang daan at dalawampung (120) titulo o Transfer Certificate of Titles na naman ang ipinamahagi ng Social Housing Finance Corporation (SHFC) para sa mga miyembro ng limang (5) community associations dito sa Palawan.

            Maliban dito, ginawaran din natin ng titulo ang isang daan at apatnapung (140) pamilya dito sa Puerto Princesa na nakakumpleto na rin sa kanilang obligasyong pinansiyal sa ilalim ng mga proyektong pabahay ng National Housing Authority. May kabuuang halaga na tatlumpung milyong piso (30 million) ang mga proyektong ito na nakatulong sa halos walong daang (800) pamilya.

            Bukod pa rito, may tatlong daan (300) pang titulo ang pinoproseso ng NHA para sa mga benepisyaryo ng Hacienda de Panacan sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 574.  Di pa man ninyo hawak ang mga titulo, binabati ko na kayo sa inyong matagumpay na pagtupad ng tungkulin sa buwanang amortisasyon. At umasa po kayo na bibilisan pa namin ang pag-ayos ng ilan pang requirements upang mai-release na ng Register of Deeds ang inyong mga titulo.

            Sa mga hindi pa nakakukumpleto ng kanilang mga amortisasyon, gawin sana ninyong inspirasyon ang inyong mga kasamahan na ngayon ay masayang hawak-hawak na ang kanilang titulo sa bahay at lupa. Dahil ito sa kanilang tiyaga sa pagtupad ng kanilang responsibilidad.  Huwag ninyo sanang sayangin ang pagkakataong ibinigay sa inyo na matupad ang pangarap ninyong magkaroon ng sariling lupa at bahay.

            Tandaan po ninyo, kami ay tumutulong lamang upang maabot ninyo ang inyong pangarap.  Ang pagsasakatuparan nito ay nasa inyo pa ring sariling gawa.

            Muli, binabati ko kayo at magandang araw sa inyong lahat.

            Maraming salamat po.​