Magandang umaga po sa inyong lahat.
Ikinagagalak ko pong makasama kayo sa pagtitipong ito. At nagpapasalamat ako na kahit ilang beses nang na-postpone ang aking pag-bisita ay narito pa rin kayong lahat upang magkasama-sama tayo.
We are now observing Holy Week and commemorating the passion of our Lord, Jesus Christ. But we all know that after the suffering is the triumph of the Lord when he rises again on Easter Sunday.
Ganoon din po ang mga nangyayari sa ating buhay, sa pang-araw-araw man o sa mga mahahalagang gawain. Nagdaraan po tayo sa mga hamon, balakid, at pagpapakasakit. At kapag nalampasan natin ang mga ito, para tayong nabubuhay ulit. At sa ating pagtanggap sa mga hamon at balakid, kasama ang pananampalataya sa ating Panginoon, naaabot natin ang ating mga pinakaaasam-asam sa buhay.
Iyan po ang ating ipinagdiriwang sa araw na ito.
Katulad ng inyong nasaksihan kanina, nag-award tayo ng mga titulo sa lupa at Certificates of Lot Allocation sa mga housing beneficiaries ng Community Mortgage Program (CMP).
Binabati ko po ang mga miyembro ng Talabaan Urban Poor Association, Inc. ng Cadiz City. Nakatapos na kayo sa pagbabayad ng inyong buwanang hulog sa lupa, at marami kayong pinagdaanang sakripisyo bago ninyo narating ang estadong ito. Ngayon ay hawak n’yo na ang titulo ng inyong bahay at lupa. Ibig pong sabihin, masasabi n’yo nang inyong-inyo ang tirahan at bubong na sinisilungan ninyo. Congratulations pong muli sa inyong lahat.
Doon naman po sa mga nakatanggap ng Certificate of Lot Allocation o CELA—kabilang dito ang mga miyembro ng Kaisampalad HOA, Simon-Peter Village at Villa Santibañez sa Bacolod City, at pati ang mga taga-Mijares Estate Ng Valladolid—sana po ay maging inspirasyon sa inyo ang mga titulong natanggap ng taga-Talabaan HOA. Kaunting tiyaga at sakripisyo lang po sa tuloy-tuloy na pagtupad sa inyong buwanang obligasyon, at matatanggap ninyo rin balang araw ang mga titulo ng lupa’t bahay ninyo.
Nasaksihan n’yo rin kanina ang pagbigay ng tseke para sa silay city na nagkakahalaga ng halos dalawang milyong piso sa ilalim ng localized CMP. Ito po ay kumakatawan sa halaga ng pautang sa pabahay sa mga miyembro ng Zones 2, 4 at 5 ng Fisherman’s Villa HOA. Malaki po ang tiwala ko na magiging matagumpay ang CMP sa lugar ninyo dahil nasa likod po ninyo at kaagapay ang lokal na pamahalaan ng Silay city. Ngayon pa lang, pasalamatan na natin si Mayor Montelibano.
Nagagalak po kami na dumarami na ang mga LGU na sumasali sa localized CMP. Kanina lang, nagpirmahan na rin ng Memorandum of Agreement ang Social Housing Finance Corporation at ang LGU ng Bacolod City at ng Cadiz City. Ibig pong sabihin, madadagdagan na naman ang mga kababayan nating magkakaroon ng seguridad sa lupa. Para sa Cadiz, halos isang libong pamilya ang makikinabang sa mahigit P43 milyong pisong nakalaan sa kanila. Samantalang ang Bacolod naman ay may omnibus commitment line na nagkakahalaga ng P21.6 million na laan sa halos 650 na benepisyaryo.
Nais ko ring ipabatid sa inyo na ang aming mga ahensiyang pabahay ay tumutulong hindi lamang sa mga mahihirap o yaong tinatawag nating informal settler families.
May ahensiya po tayo na tumututok din sa pangangailangang pabahay ng ating mga kababayan sa pormal sektor, o yaong may mga regular na kita at trabaho. Kasama rito ang mga kawani ng pamahalaan, mapa-national o local man. At iyan po ang Pag-Ibig Fund. Alam po ba ninyo kung ano ang ibig sabihin ng katawagang Pag-Ibig? Ang kahulugan po ng katagang ito ay ang Pinagsama-samang Lakas ng Iba’t Ibang Sektor—Pagtutulungan: Ikaw (na miyembro), Bangko, Industriya, at Gobyerno.
At kanina, naging saksi tayo sa pagsisimula ng proyektong pabahay para sa mga local government employees ng Manapla. Sa ilalim ng Group Housing Loan Program ng Pag-Ibig Fund, P20 million pesos ang inilaan sa municipal government ng Manapla, sa pamumuno ni Mayor Lourdes Socorro Escalante, para sa pabahay ng pitumpu’t anim na LGU employees ng Manapla.
Ang okasyong ito ay higit na naging makahulugan dahil nataon ito sa pagdiriwang ng ika-21 taong anibersaryo ng Urban Development and Housing Act, o mas kilala sa tawag na UDHA. Alam naman po natin na ang udha ay napakahalagang batas sa pagpapatupad ng ating pamahalaan ng mga programang pabahay laluna yaong para sa mahihirap.
Ang pagtupad natin sa ating mga tungkulin sa ilalim ng batas na ito at ng Local Government Code ay nagbubunga ng kabutihan. Katulad ng dahilan ng okasyon natin ngayon—ang pagkakaroon ng seguridad sa tahanan ng mga mahihirap nating kababayan. Kasama nito ang isang maayos na plano sa paggamit ng mga lupain sa ating nasasakupan sa pamamagitan ng pag-buo o pag-update ng Comprehensive Land Use Plan o CLUP.
Upang inyo pong lubos na malaman, noong isang taon, inilunsad ng Housing and Land Use Regulatory Board ang CLUP Zero Backlog Program by 2013 dito mismo sa Negros Occidental.
Pagkatapos lamang ng isang taon at dahil sa di-matatawarang tuloy-tuloy na suporta ng mga LGU ng Negros Occidental, hindi po nakapagtataka na lahat ng tatlumpu’t dalawang (32) bayan sa inyong probinsya ay may mga CLUP na. Lilinawin ko lang po kasi may mga LGU na hindi nakatanggap ng award ngayong araw na ito. Ang ibig pong sabihin nito ay mayroon na silang updated CLUP, bago pa man inilunsad ng HLURB ang CLUP Zero Backlog Program. Ang iba nga ay noon pang 2002 nagsimula.
Not only that. Negros occidental is also the first province to have an approved Provincial Development and Physical Framework Plan (PDPFP).
Incidentally, the president of the League of the Local Planning and Development Coordinators of the Philippines, Inc. (LLPDCPI) is also your province’s provincial planning and development coordinator.
Bagama’t ang CLUP ay unang hakbang pa lamang upang matupad ang mithiin nating mapa-unlad ang mga lokalidad na ating nasasakupan, napaka-halaga po na updated ito upang mapatuloy ang pag-unlad na natatamo ng inyong probinsya.
Your updated CLUP will identify the different land uses of your localities which will make it easier to accommodate the needs and demands of your constituents and the investors as well.
Mas madali pong mahikayat ang mga investors na magtayo ng kanilang mga negosyo sa isang syudad o munisipyo kapag alam nila kung saan ilalagay ang mga ito. At kapag mayroong updated na CLUP, sa isang tingin pa lamang, alam na ang mga lugar na angkop pagtayuan ng commercial centers at iba pang industriya at imprastraktura, at alin naman ang dapat manatili para sa agrikultura.
Sa CLUP, matutukoy din ang mga lugar na dapat o hindi dapat pagtayuan ng mga pabahay. Malaking bagay po ito sa pag-iwas sa sakunang dulot ng natural na mga kalamidad gaya ng baha at bagyo.
Sa lahat po ng LGUs, ako po ay umaasa na ang mga CLUP na ilang buwan ninyong pinagsikapang mabuo ay inyong ipapatupad nang maayos. Yun lamang po ang paraan upang unti-unti ninyong makita ang bunga ng inyong mga pinaghirapan.
Muli, para sa lahat po ng mga naging o magiging benepisyaryo ng mga proyektong pabahay na ating isinasagawa, binabati ko po kayo. Nais kong iparating sa inyo na ang tagumpay ng mga proyektong ito ay nakasalalay sa pagtutulungan—ng inyong lokal na pamahalaan, ng mga ahensiyang pabahay ng pamahalaan, at ninyo, ang mga constituents o beneficiaries. Tulad ng aking sinabi kanina, sakripisyo, sipag at pananampalataya lang po ang ating kailangan.
Maraming salamat po.