Groundbreaking of Medium-Rise Building Project, Brgy. 175 Camarin, Caloocan, 26 February 2013, 8:30 a.m.

            Magandang umaga po sa inyong lahat.

            Pinasinayaan natin ngayon ang isang proyektong pabahay na naiiba. Naiiba dahil ang layunin nito ay di lang bilang tirahan kundi kaligtasan. Inaasahan natin na sa malapit na panahon ay paglilipatan ito ng mga kababayan nating nasa panganib. Sila ang mga taga-Caloocan at iba pang karatig pook sa Metro Manila na nakatira sa mga delikado at mapanganib na lugar tulad ng estero at ilalim ng tulay na tinatawag nating “danger areas”.

            May isa pang proyektong pabahay dito sa kalookan na inuumpisahan nang gawin sa mga panahong ito. Ito po ang Tala Phase 2 MRH Project sa Barangay Tala. Papasyalan din namin ito mamayang kaunti upang makita namin nang personal ang pag-usad ng mga ginagawa doon.

            Naiintindihan po namin ang hirap na dinaranas ninyo araw-araw sa pagtira sa ganoong kapanganib na lugar. Nauunawaan po namin ang inyong pakiramdam kapag umuulan, lalo na kapag malakas at kailangan na ninyong lumikas.

            Nararamdaman din po namin ang sakit na makita ninyo sa inyong pagbalik na ang inyong tirahan na nakatayo sa gilid ng mga daluyan ng tubig ay inanod na pala ng baha.

            Sino ba ang makakalimot sa pinsalang dulot ng Bagyong Ondoy at Pepeng noong 2009? At nitong nakaraang taon lang, habagat naman ang tumama sa atin. Ang mas nakababahala, at ito ay ayon mismo sa pag-asa at sa Department of Environment and Natural Resources, ang mga ganoong pag-ulan ay normal nang mararanasan sa ating bansa dulot ng “climate change”. Kaya naman po sa sektor ng pabahay, kami ay walang humpay na gumagawa ng paraan para mabago ang masaklap na kalagayan ninyong ito. Ang mga proyektong pabahay pong ito dito sa Camarin at Tala, kapag natapos na, ay siyang magiging permanente at disenteng tahanan ninyo. At ito ay sa ilalim ng programang pinangunahan ng ating Pangulong Noynoy Aquino na naglalaan ng limampung bilyong piso para sa pabahay ng mahigit isandaan at apat na libong pamilyang nakatira sa danger areas, lalong lalo na sa mga ilog at iba pang daluyan ng tubig sa Metro Manila. Ang programang ito ay pagtugon rin sa kautusan ng Supreme Court na linisin ng pamahalaan ang Manila Bay at ang lahat ng dinaaluyan nito sa taong 2015. Sa Camarin Medium Rise Housing (MRH) Project ay may itatayong sampung (10) limang-palapag na gusali na magkakaroon ng dalawampu’t apat (24) na housing units bawat gusali. Sa kabuuan, isang libo at dalawang daang (1,200) pamilya ang makikinabang sa mga housing units na ito. Ang Tala 2 MRH Project naman na magkakaroon ng walong (8) gusali ay inaasahang makapagbibigay ng seguridad sa tirahan sa may apat na raan at walumpung (480) pamilya.

            Ang mga proyektong ito ay kabilang sa humigit kumulang anim na libong (6,000) units na ginagawa ng nha ngayong taon sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.

            Mayroon lang po akong gustong bigyang linaw sa inyo.

            Siguro naman po ay hindi lingid sa inyong kaalaman na ang Metro Manila ay salat na sa lupain at halos lahat ng mga proyektong pabahay sa kalakhang Maynila ay “condominium type” housing na.

            Nauunawaan po namin kung gaano kahalaga sa ating mga Pilipino ang mayroong pag-aari na titulo sa lupa. Subalit sa amin pong konsultasyon na ginagawa sa mga magiging benepisyaryo sa pabahay, mas marami na po ang may gusto sa “in-city” medium rise housing project kaysa sa isang resettlement site na may bahay at lupa nga pero mapapalayo naman ang mga benepisyaryo sa kanilang mga pinagkakakitaan.

            Pero, hindi naman po ibig sabihin nito na hindi na natin itutuloy ang ating mga resettlement sites na bahay at lupa ang ating ibinibigay sa mga pamilya.

            Sa katunayan, pinag-aaralan na rin namin kung paanong mapararami ang mga livelihood projects para sa mga benepisyaryo ng mga off-city projects. At para naman sa mga may trabaho na sa kanilang mga dating tirahan, tinitingnan na rin kung maaaring makapagbigay ng transportasyon sa mga lilipat sa off-city resettlement areas.

            Sana po ay tulungan ninyo kaming ipaliwanag sa ibang mga kasama ninyo ang iba’t ibang proyektong pabahay.

            Sinisiguro po namin sa inyo na lagi naming isinasaalang-alang ang inyong kapakanan sa mga gawain namin sa sektor ng pabahay. Ipinapangako ko po sa inyo na sa susunod na pagbalik ko dito, ang okasyon ay awarding na ng housing units sa mga benepisyaryo ng MRH project dito sa Kalookan.

            Maraming salamat po.