Batid ko na marami sa inyo ang maagang gumising para makapunta dito sa seremonyang ito. Marahil ay mayron din sa inyong hindi nakatulog sa sobrang tuwa na sa wakas, matapos ang mahabang panahon, ay mapapasainyo na ang lupang inyong tinitirhan.
Ito pong gagawin natin ngayon ay bahagi ng isang programang sinimulan natin dito sa Makati noon pang 1987, noong ang inyong lingkod ay mga isang taon pa lamang nanunungkulan bilang mayor ng Makati matapos ang 1986 Edsa Revolution.
Ito ang dahilan kung kaya’t hindi ko maikakaila ang aking tuwa - at sabihin na nating kaunting bahid ng pagmamalaki - sa pagkakataong ito.
Tuwa, dahil ginaganap natin ito sa linggo ng pagdiriwang ng ika-26 na anibersaryo ng 1986 Edsa Revolution, at napakalaki ng naging ambag nating mga taga-Makati sa pagtatayo ng isang bansang tunay na malaya. Maituturing natin na isa sa mga kongkretong biyaya ng 1986 Edsa Revolution ang programang ito, kung saan kayong matagal nang naninirahan sa inyong lupang kinatatayuan sa Makati ay nabigyan ng pagkakataon na masabing, sa wakas, ang lupang ito, ay tunay nang sa amin.
Ang akin naman pong pagmamalaki ay nagmumula sa ipinamalas nating pagkakaisa dito sa mahal nating lungsod ng Makati.
Sa ating pagkakaisa, naging bahagi tayo sa pambansang kilusan na nagbalik sa demokrasya noong Pebrero 1986.
Sa ating pagkakaisa, nilabanan natin, bilang nagkakaisang komunidad, ang mga banta laban sa ating mahal na Pangulong Cory Aquino at ang ating demokrasya.
Sa ating pagkakaisa, nahubog at naitayo natin ang isang siyudad na gumagamit ng yaman ng bayan para sa ikabubuti ng lahat, lalo na ang mga mahihirap; isang siyudad na nagmamalasakit at kumakalinga sa mga nangangailangan; isang siyudad na itinuturing na huwaran ng iba pang mga siyudad at bayan sa buong bansa.
Labis-labis ang aking pasasalamat sa inyong lahat, sa inyong walang-pagod na pagsuporta sa inyong lingkod noong ako pa ang inyong punong lungsod, gayundin sa inyong mahigpit na pagyakap sa aking anak na si Mayor Jun-Jun Binay, sampu ng kanyang mga kasama sa pamahalaang lungsod na pinangungunahan ng ating masipag na City Administrator na si Marge De Veyra, at ang ating mga kasapi ng Sangguniang Panglungsod.
Ibig ko rin pong pasalamatan ang mga nagtrabaho upang matupad ang proyektong ito: ang lokal na pamahalaan ng Makati, ang Department of Environment and Natural Resources, at ang Foundation on Economic Freedom.
Sa kanilang pagtutulungan, ngayon nga’y inyo nang mapasasakamay ang mga titulong naturan, ang patunay na kayo na ang nagmamay-ari ng inyong mga lupa.
Ako po ay inatasan ng ating mahal na Pangulo na pamununan ang sektor ng pabahay.
At mula pa noong Pebrero nitong nakaraang taon, kasama ang inyong lingkod ng mga key shelter agencies na umikot sa iba’t-ibang rehiyon upang magsagawa ng tinawag naming Pabahay Caravan. Sa caravan, iniimbitahan namin ang lahat ng local government units upang ilahad at pag-usapan ang lahat ng government housing programs na pwede nilang pakinabangan para sa kanilang mga sinasakupan.
Sa pamamaraang ito, layunin namin na matugunan ang malaking pangangailangan natin sa pabahay sa buong bansa. Naniniwala ako na sa higit pang pagtutulungan ng public at private sector, makagagawa tayo ng paraan upang lalo pang pagbutihin ang inyong mga tahanan at ang inyong mga komunidad.
Gayunman, nais kong ipaabot sa inyo ang lagi kong paalala sa mga nabibigyan ng titulo. Masaklap mang sabihin, ngunit mayroon ding mga nagbebenta agad o nagsasanla ng kanilang mga titulo. Sana ay bigyan natin ng halaga ang ating mga titulo. Alam ko naman na dito sa Makati, sa haba ng panahon na ako ay naging bahagi ninyo, ay hindi mangyayari ito dahil matagal nyo nang inaasam na mapasainyo ang inyong mga lupa.
Mga kapwa ko taga-Makati, mga kababayan, mga kapwa Pilipino,
Mithiin ng inyong lingkod – at alam ko na mithiin nating lahat - na gumanda ang buhay ng bawat Pilipino.
Ang pagkakaroon ng sariling bahay at lupa ay isang hakbang tungo sa katuparan ng mithiing iyan. Ngunit uulitin ko na napakahalaga ng inyong suporta, ng inyong tiwala, ng ating pagkakaisa, upang maitayo natin, sa malapit na hinaharap, ang bansa ng ating mga panaginip.
Isang bansang may malasakit, isang bansang may pag-unlad, isang bansang may tapat at hayag na pamahahala. Isang bansang gaya ng ating mahal na lungsod ng Makati.
Maraming salamat po at mabuhay tayong lahat.