Magandang umaga po sa inyong lahat!
Malaking karangalan ko po na madalaw rito sa San Juan at makiisa sa groundbreaking na ito.
Nang paanyayahan po ang inyong lingkod ni Mayor Guia Gomez, hindi na po ako nag-dalawang isip pa. Di lang sa mahalaga ang ating programang pabahay, na ibig kong makaabot sa mga taga-San Juan, kundi ang inyo pong mga pinuno ay dati nang malapit sa aking puso.
Dapat sana noong December 10 pa ang groundbreaking na ito, angkop na regalo sa inyo sa Kapaskuhan. Pero ipagpaumanhin niyo po na hindi natuloy ito dahil sa ako’y inatasang kumatawan sa ating bansa sa South Africa, upang imakiramay sa pamamayapa ng dating Pangulong Nelson Mandela.
Pero hindi pa naman huli ang lahat. Nasa panahon pa rin tayo ng Kapaskuhan, kasama ang panahon ng bagong taon na nagsisimula ulit ang lahat. At tulad ng pagsilang ng ating mahal na Kristo, ang okasyong ito ay nagdudulot ng pag-asa, lalo na sa mga taga-San Juan.
Dalawang taon na ang nakalilipas magmula nang aprubahan ng ating mahal na pangulo ang programang pabahay para sa mga informal settlers. Partikular ito sa mga nakatira malapit sa mga daluyan ng tubig o iyong tinatawag nating danger areas. Hindi madali ang pinagdaanan ng National Housing Authority sa paghahanap ng mga lupang maaaring pagtayuan ng low-rise buildings. At alam naman natin kung gaano kataas ang halaga ng lupa dito sa Metro Manila.
Pero sa tiyaga, pagtutulungan, at pagkakaisa ng national government at ng pamahalaang lokal ng San Juan, ipinagdiriwang natin ngayon ang pagsisimula ng proyektong ito.
Binabati ko at pinasasalamatan si Mayor Guia at iba pang opisyal at kawani ng pamahalaan lokal ng San Juan, ang National Housing Authority na aking pinamumunuan bilang chairman ng HUDCC, ang iba pang mga ahensiya at organisasyon na tumulong sa pagpapatupad ang proyektong ito.
Pero higit sa lahat, binabati ko ang mga pamilyang makikinabang sa proyektong pabahay na ito. Ang araw na ito ay isang magandang simula para sa tatlong daan at apat na pung pamilyang taga-San Juan na mabibiyayaan ng maayos na pabahay na ito.
Ito pong in-city relocation ay isinasagawa ng local government ng San Juan kabalikat ang HUDCC at NHA bilang sagot sa inyong kahilingan. Nais ninyo ng pabahay na ligtas, hindi malayo sa inyong mga hanapbuhay at sa paaralan ng inyong mga anak.
Dagdag pa, ayaw na po natin maulit ang madalas mangyari kapag panahon ng tag-ulan na kayo ay binabaha, nasisira ang inyong tirahan at nalalagay sa panganib ang buhay ng inyong pamilya. O kaya ay magkasunog at matupok ang mga tahanan sa sikip, di-maayos, at di-ligtas na salasalabid na mga kawad ng kuryente.
Para sa ating mga kababayan na napipintong tumanggap ng kanilang bagong tahanan nang di na magtatagal pa, sana po ay pangalagaan ninyo ang magandang simula na ito tungo sa magandang buhay at tiyak kinabukasan.
Hiling lang po namin sa inyo na balikan ng suporta ang ating programang pabahay. At ito’y sa pamamagitan nang pagbabayad sa tamang oras ng wastong hulog sa inyong hiniram. Di n’yo halos mamamalayan, bayad na nang buo ang inyong bagong tahanan!
Napakahalaga po na tuparin ninyo ang inyong tungkulin sa pagbabayad. Kapag lahat ay tumutupad, tumutuloy-tuloy rin ang buong programang pabahay, natutupad din ang pangarap na sariling tahanan ng iba pa nating kababayan na tulad ninyo.
Tulad ng aking nabanggit, dala ng proyektong ito ang pag-asa sa maayos at ligtas na bukas. Dulot din nito ang dignidad dahil hindi na kayo informal settlers, at ang bagong simula tungo sa pag-unlad.
Kaya muli kong binabati si Mayor Guia sa matagumpay na proyektong ito ng pabahay para sa ating mga kababayan sa San Juan.
Maraming salamat po!