Salamat at sa wakas ay nahuli na rin si Delfin Lee.
Nagpapasalamat kami sa tracking team ng Philippine National Police na nakahuli sa presidente ng Globe Asiatique. Kay Chief Supt. Vanny Martinez at kanyang mga kasama na nakatunton kay Delfin Lee sa isang hotel sa Pasay City kahapon ng gabi.
Nagpapasalamat din kami kay Pangulong Aquino na tumugon sa hiling na Pag-Ibig Fund na magbigay ng pabuya na P2 milyon para sa pagkakahuli kay Delfin Lee. Patunay ito na determinado ang inyong pamahalaan na paharapin sa hustisya ang developer na gumamit ng ghost borrowers at mga pekeng dokumento para makakuha ng mahigit P6 bilyon mula sa Pag-IBIG Fund, pera na mula sa kontribusyon ng mga manggagawa at karaniwang tao na miyembro ng Pag-IBIG. Gayundin, niloko ni Delfin Lee ang napakarami nating kababayan sa gawaing double selling, o pagbebenta ng isang bahay sa dalawang tao. Ito ang mga gawaing hindi lang dapat kondenahin; dapat panagutin sa batas si Delfin Lee at ang kanyang mga kasama.
Isinampa ng Pag-IBIG Fund ang kasong syndicated estafa kay Delfin Lee noon pang Disyembre 2010. Ang kaso laban kay Lee ang kauna-unahang kaso na isinampa sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Aquino na bahagi ng kampanya tungo sa reporma sa gobyerno at laban sa katiwalian. Ito'y pagpapatunay na kami sa sektor ng pabahay ay ganap na tumatalima at sumusuporta sa layunin ng hayag, tapat at malinis na pamamahala.
Umaasa kami na ngayon ay matutugunan na ang daing para sa hustisya ng mga nabiktima ni Delfin Lee.