Awarding of Titles for Mt. Pinatubo Beneficiaries, EPZA Resettlement Project, Angeles City, Pampanga, 10 September 2012

            Mayap a’abak que kayo ngan.

            Lubos kong ikinagagalak na maging bahagi sa pagpupulong na ito. Ngayon, ang inyong pinakaaasam-asam ay inyo na — ang titulo sa inyong bahay, at ang pangyayaring kayo’y maituturing nang permanenteng kabilang sa pamayanan ng EPZA Resettlement Project.

            Di biro pong nakakainggit ang inyong lugar dahil ito ay napakaganda. Walang makakapagsabing ang lugar ninyo ay isang relocation project. Sa katunayan, sa sukat na siyamnapu’t apat (94) na square meters bawat lote at single-detached pa, talo pa nito ang ibang mga bagong tayong private subdivisions. Bukod dito, maayos at kumpleto sa basic facilities ang inyong pamayanan, gaya ng eskuwelahan, police station, talipapa, clinic at day care center.

            Ang pagkakaroon ng mga ito ay naaayon sa bago naming konsepto, ang tinatawag naming new townsite development at ang huwaran ng isang sustainable community. Pinagsisikapan namin ang pagbuo ng isang pamayanang sapat sa sangkap at kakayahang magpatuloy sa pag-unlad. Pinagsisikapan din naming gawin ito sa iba pang resettlement sites, lalong lalo na sa mga bagong housing projects na aming itinatayo.

            Mula naman po sa inyo, umaasa po ako na patuloy ninyong aalagaan ang inyong maganda at kumpletong komunidad. Magmula nang tumira dito ang mga pamilyang nasalanta ng Mount Pinatubo nuong 1994, tatlong daan at limampu’t walo (358) pa lamang ang nakatanggap ng kanilang mga titulo. Ngayong araw na ito, nadagdagan ito ng isang daan pitumpu’t lima (175). At ito ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng National Housing Authority o NHA at ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Angeles, Pampanga.

            Nakikiusap lang po ako sa inyo. Bigyan po ninyo ng halaga ang inyong mga hawak na titulo at ang bahay at lupa na ipinagkaloob sa inyo. Sa talaan po kasi ng nha, may apat na raan at walumpu’t isang (481) pamilya dito ang kabilang sa tinatawag na illegal occupants.

            Isa lang po ang ibig sabihin nito. May mga benepisyaryo na kabilang ninyo na hindi pa man nahahawakan ang titulo ay ibinenta na nila ang karapatan sa bahay at lupa na ipinagkaloob sa kanila.

            Bukod sa hindi katanggap-tanggap ang gawaing ito, kawawa rin ang mga napagbilhan nila dahil ang kinikilala lang na awardees ay ang mga nasa talaan ng master list of beneficiaries. Ang mga nagbenta po ay blacklisted na at hindi na kailan man mabibigyan ng oportunidad na mapabilang sa mga benepisyaryo ng proyektong pabahay ng gobyerno.

            Kapwa tayo naghirap—ang pamahalaan at mamamayan—upang makita ang kaganapan ng proyektong ito. Huwag nating hayaang mauwi sa wala. Hindi lahat ay madaling nabibiyayaan ng pabahay. Sa katunayan, malaki pa ang kakulangan sa pabahay. Kaya malungkot isipin na may mga pamilyang binabalewala ang biyayang ito. Huwag na po sana ninyo silang tularan.

            Sa kabuoang isang libo limang daan at limampu’t tatlong (1,553) benepisyaryo ng proyektong pabahay dito sa EPZA, mahigit isang libo pa ang hindi nakakatanggap ng kani-kanilang mga titulo. Huwag po kayong mag-alala. Ipinag-utos ko na sa nha na madaliin na ang pag-proseso sa natitirang mga titulo. Siguro naman, bago magtapos ang aking termino bilang chairman ng HUDCC at NHA ay maipabahagi ang mga dapat ay nasa inyo na. Kasama sa ipo-proseso ng NHA ang mga titulo sa labing-anim (16) na Mount Pinatubo Resettlement Sites pa sa Zambales, Tarlac, at Pampanga na hindi pa naipapamahagi.

            Pagkatapos ng dalawampu’t isang taon mula ng tayo’y masalanta ng pagsabog ng Mount Pinatubo, narating din natin ang kaginhawahang ito. Sa awa ng Diyos, sa pagsisikap ninyo at sa tulong ng pamahalaang lokal at nasyonal, wala pong imposible.

            Tanging ang mithiin namin sa pamahalaang sektor ng pabahay ay ang gumanda ang buhay ng bawat Pilipino. Handa po kaming tupdin ang mithiing ito—sa gabay ng ating mahal na Pangulong Noynoy Aquino, sa pagtutulungan nating lahat, at sa biyaya ng Maykapal.

            Mabuhay kayo at maraming salamat po.