Awarding of TCTs to the Samahang Magkakapitbahay Purok VI Homeowners Association, Brgy. San Luis, Antipolo City, 13 October 2012, 10:30 a.m.

            Magandang umaga sa inyong lahat.

            Binabati ko ang mga bumubuo at kasapi ng Samahang Magkakapitbahay Purok VI Homeowners Association, Inc. dito sa Sambaville. Mabuhay po kayo, dahil kayo ay buhay na halimbawa ng pagsisikap at pagpupunyagi upang matupad ang isang pangarap.

            Isang kagalakan at karangalan ang makasama ko kayo sa araw na ito. Maraming salamat sa inyong paanyaya na ako’y maging bahagi sa pagtanggap ng inyong transfer certificates of title dito sa inyong komunidad.

            Mahaba ang naging lakbayin ninyong mga naninirahan dito sa Sambaville. Dalawampu’t limang taon bago kayo makarating sa pagtamo ng inyong pinapangarap na sariling bahay at pagbuo ng isang matiwasay na komunidad. Sa loob ng panahong ito, nagbuklod-buklod ang tatlong magkakahiwalay na komunidad: ang tatlong daan at dalawampu’t walong (328) pamilya ng Sitio Kaybagsik Purok VI, ang isandaan at dalawampu’t isang (121) pamilya ng Ronas Garden, at ang isandaan at dalawampu’t dalawang (122) pamilya ng Katipunan Valley Neighborhood Association. Ang pinag-isang komunidad ngayon ay binubuo ng limandaan at pitumpo’t isang (571) pamilya.

            Kahanga-hanga ang inyong ipinakitang sigasig. Anumang hilahil o balakid ang inyong hinarap, di ninyo nilubagan at kayo’y nagpatuloy hanggang makarating sa araw na ito.

            Nasabi ko noong Lunes sa pagbubukas ng Housing Fair 2012 sa SMX Convention Center, na malaking sakripisyo ang ginugugol ng bawat Pilipinong naghahangad magkaroon ng sariling bahay. Hindi biro ang buwanang bayarin sa amortisasyon. Nariyan ang ipinagpapaliban ang pagbabakasyon o pagsa-shopping para lamang updated ang housing loan. At lalong hindi biro ang maging responsableng bahagi ng isang positibong komunidad. Nariyan ang hindi pagpansin sa tsismis o maliit na away, manatili lamang ang samahan at kapayapaan sa komunidad.

            Kaya kami sa HUDCC at Pag-IBIG ay kaisa ninyo sa paglalakbay na ito. Maraming salamat at nagtiwala kayo sa Pag-IBIG Fund at kayo ay sumali at sumailalim sa Group Land Acquisition and Development Program o GLAD Program. Ang Board of Trustees naman ng Pag-IBIG ay nagtiwala ulit sa inyo nang aprubahan nito noong taong 1995 ang inyong loan para mabili ang halos pitong ektaryang lupain dito sa Sitio Kaybagsik. Ang pagtiwala nating ito sa bawat isa ay patuloy hangga’t may housing loan program ang Pag-IBIG.

            Gawin nating halimbawa ang isandaan at walong (108) kapitbahay ninyo dito sa Sambaville. Nabayaran na nila ng buo ang kanilang housing loan sa Pag-IBIG, at talagang masasabi na nilang kanilang-kanila na ang bahay na kanilang tinitirhan. Sineryoso nila ang tiwalang ibinigay ng Pag-IBIG Fund. At kapalit nito, sila ngayon ay mga titulado na. Nasa pangalan na nila ang kanilang tirahan.

            Sa iba pang pamilyang patuloy pa ring nagbabayad ng buwanang amortisasyon, huwag kayong panghinaan ng loob. Lahat ng lote dito sa Sambaville ay may individual titles na. Naghihintay na lamang ang mga ito na malagyan ng mga pangalan ninyo pagkaraang mabayaran rin ninyo ng buo ang inyong mga housing loan. Ituloy lang din ninyo ang inyong obligasyon at alam n’yo na ang ginhawang kapalit.

            Alam po ninyo, mahalaga ang pagtitiwala sa lakbaying ganito. Lalo’t hindi lang kayo mag-isa sa biyaheng ito. Una ay ang pagtitiwala sa sarili at sariling kakayahang matutupad ninyo ang lakbaying ito. Pangalawa ay dahil kasama ninyo kami sa pambansang sektor ng pabahay, kailangang may tiwala rin kami sa inyo at ganoon din kayo sa amin. May pagtitiwala tayo sa bawat isa.

            Ako naman po’y nagpapasalamat sa sambayanang Pilipino sa patuloy ninyong pagtitiwala sa aking kakayahang mamuno sa gawaing ito ng pabahay. Nagpapalitan tayo ng lakas, o pinalalakas natin ang bawat isa sa tunguhing ito ng pabahay para sa lahat. Habang dumarami ang nagkakaroon ng sariling bahay, dumarami rin ang nagkakaroon ng kakayahang umambag sa pambansang ekonomiya, sa pambansang kaunlaran.

            Sa pabahay po, mga kababayan, itinutuloy ko ang pagtahak sa tuwid na daan ni Pangulong Noynoy Aquino. Kami sa HUDCC at sa Pag-IBIG Fund ay patuloy na pinagtitibay ang tiwala ninyo, at ang tiwala sa amin ng Pangulo, na umusbong pa at lumago ang mga pabahay at pamayanan na katulad ng sa inyo.

            Dahil kung kayo’y nakaungos na sa lakbaying ito, marami pang katulad ninyo na mga nagpupunyaging Pilipino at kanilang pamilya ang nag-aabang ng kanilang pagkakataong makinabang sa pabahay ng gobiyerno.

            Alam na nating ang sakripisyong dadaanan ng bawat isa sa kanila kaya’t alagaan natin ang bunga ng ating naisakripisyo na. Pangalagaan ninyo ang inyong bahay at lupa. Pangalagaan ninyo ang inyong komunidad.

            Kaya naman ngayong homeowners na kayo, pag-aralan naman ninyo ang pagiging responsableng homeowners. Sa ganitong pamayanan, hindi puwedeng mabuhay nang mag-isa, nag-iisa, o walang pakialam sa bawat isa. Dito sa Sambaville totoong-totoo ang kasabihang “No man is an island.”

            Maging aktibo tayo sa mga aktibidades ng buong Sambaville. Makiisa tayo sa mga layunin ng Homewoners Association. Makisaya kapag piyesta, maki-ambag kapag kailangan ang ating tulong. Igalang ang sarili, at igagalang ka rin ng kapitbahay. Sa sariling bahay at pamayanan, kapag ating pinagbuti ang samahan, matatagpuan natin ang tunay na dangal at dignidad ng bawat isa.

            Matuto rin tayong pangalagaan ang ating kapaligiran. Pangalagaan natin hindi lamang ang loob ng ating bahay, hindi lamang ang ating tapat, hindi lamang ang ating bakuran. Lumabas tayo sa ating tarangkahan at pagmalasakitan natin ang kalikasan. Higit pa sa pagwawalis ng ating kabahayan, atin pong itaas ang antas ng ating pag-unawa sa mga pangangailangang pangkalikasan.

            Bawasan na natin ang paggamit ng plastik at bumalik tayo sa nakagawiang paggamit ng bayong o iba pang re-usable bags. Ilagay natin sa ayos ang ating mga basura, upang pagdating ng tag-ulan ay hindi ito babalik sa atin bilang nakaririmarim na baha o gumuhong bundok ng basura.

            Ito ang inyong susunod na obligasyon at sakripisyo, matapos o kasabay din ng buwanang obligasyon ng paghulog o amortisasyon. Ito ang susunod ninyong lakbayin bilang homeowners: ang pag-alaga ng ating ari-arian, ang paggalang sa kapitbahay, at paggalang sa kalikasan.

            At ang kaganapan ng paglalakbay na ito ay pabalik pa rin sa ating paggalang sa sarili, paggalang sa ating pagkatao. Ganyan natin natatagpuan ang kaganapan natin bilang tao. Ang kaganapan ng magandang buhay na nagsimula sa ating pagkakaroon ng sariling bahay.

            Maligayang paglalakbay! Mabuhay tayong lahat!