Magandang umaga po sa inyong lahat, lalung-lalo na sa mga empleyado ng Philippine Heart Center.
Alam ko na marami sa inyo ang matagal nang nagtitiyaga sa pangungupahan o sa pakikitira sa mga kamag-anak. Kaya isang kasiyahan at karangalan ang samahan ko kayo sa pasinaya ng proyektong pabahay na ito.
Nabalitaan ko na labing apat na taon nang pinagpaplanuhan ang housing project na ito, at kung hindi sa pagsusumikap ng inyong pamunuan, marahil matagal pa bago magkatotoo ito.
Kung inyong matatandaan, noong July 30 pa dapat natin naisagawa ang groundbreaking na ito. Pero tinamaan tayo ng bagyong Gener kaya’t hindi natuloy. Pero sabi nga nila, pagkahaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy.
Kaya naman, dapat nating pasalamatan ang lahat ng mga nagpagod para maisagawa ang housing project na ito.
Unang-una ay ang management ng Philippine Heart Center sa pamumuno ng inyong Executive Director na si Dr. Manuel Chua Chianco at ng board members ng Philippine Heart Center.
Pasalamatan din po natin ang GSIS na nagbigay ng road right of way papunta sa inyong lugar.
Mapalad po kayo dahil ang ganda po ng lokasyon ninyo. Hindi lang dahil katabi ang bahay ni Kim Chiu kundi dahil napapa-gitnaan kayo ng dalawang high-end subdivisions—ang Loyola Grand Villas at La Vista.
Marami pa po tayong kailangang gawin para maisakatuparan ang inyong proyektong pabahay na ito kagaya ng pagpili ninyo ng partner para sa pagpapa-develop nitong walong ektaryang lupa at pagpapatayo ng mga housing units.
Pagkatapos po ng land development at construction ng housing units, tutulong na po ang pag-ibig sa mga benepisyaryo ng pabahay na ito na makapag-avail sa kanilang end-user home financing program.
Sa ating pagtutulungan, maisasaayos natin ang lahat ng ito at di magtatagal ay makikita na ninyo ang mga medium rise buildings at town houses para sa higit kumulang 1,000 empleyado ng Philippine Heart Center.
Ang proyekto pong ito ay tugmang-tugma sa programa ng ating Pangulong Noynoy Aquino – ang mabigyan ng pabahay ang ating mga kawani ng pamahalaan.
Ang programang ito ay inumpisahang ipatupad ng ating Pangulo para sa ating mga sundalo at kapulisan. Sa loob lamang ng isang taon ay nakapagpatayo na po tayo ng 21,800 housing units para sa ating mga magigiting na kawani ng Afp at Pnp. Ito po ay phase 1 pa lamang. Kasulukuyan na pong ginagawa ang phase 2 na inaasahang makapag-papatayo ng karagdagang 31,200 na bahay.
Sa kasalukuyan, may mga ahensya na rin ng pamahalaan na nakikipag-ugnayan sa aming mga shelter agencies para maisagawa ang proyektong pabahay para sa kanilang mga empleyado. At kasama na po ang Philippine Heart Center dito.
Ang proyekto pong ito ay parang dalawang pusong pinagtagpo – ang Heart Center at Pag-Ibig Fund – na inaasahang magbubunga ng isang matagumpay na proyektong pabahay.
Isang paalala lamang po: hindi lamang kami ang may tungkulin sa proyektong ito. Kapag naitayo na ito, kayo namang mga beneficiaries ang may kaukulang obligasyon—ang inyong buwanang pagbabayad o monthly amortization sa pag-ibig.
Napakahalaga po ng tungkuling ito, sa dalawang paraan. Una, ang pagtupad sa obligasyong ito ang magtitiyak na kayo ang tunay na magiging may-ari ng hinuhulugan ninyo.
Huwag n’yo lang kalimutan ang inyong hulog buwan-buwan, hindi na mapapasakamay ng iba ang ari-arian ninyo. Kaunting sakripisyo lang talaga, at di maglalaon, hawak n’yo na ang inyong titulo. At, may maipapamana na kayo.
Pangalawa, pag regular ang inyong pagbayad, umiikot ang grasya. Nakakautang naman ang iba. Pag tuloy-tuloy ang inyong bayad, tuloy-tuloy din ang pakinabang ng iba pa nating kababayan na tulad ninyo ay nais ring magkabahay.
Hindi po pera ng gobyerno ang pinaiikot ng Pag-Ibig Fund. Pera po natin ang aming pina-iikot upang makapagpatayo at maipamahagi pa ang mas maraming pabahay.
Alisin natin sa ating isipan, laluna sa mga benepisyaryo ng programang pabahay ng gobyerno, ang maling akala na ito: na sa gobyerno lamang nakasalalay ang tagumpay ng isang proyektong pabahay, at ang mga benepisyaryo naman ay tumatanggap lamang.
Kayo mismong mga benepisyaryo ang bumubuhay sa programa. Kung kayo’y hindi nakalilimot sa obligasyon, mas marami pang makikinabang, mas marami pang komunidad ang aangat ang buhay.
Kami namang nasa pamahalaan na nagpapatakbo ng programa ay buong-buo ang suporta sa inyo—upang matupad ang inyong pangarap na sariling tahanan. At habang nariyan ang mga ahensyang pabahay ng gobyerno, wala silang ibang tungkulin kundi bigyan ng kaganapan ang pangarap na ito.
Ito na po ang simula ng katuparan ng iyong pangarap. Tulong-tulong tayong gawin itong totoo. Sarili ninyong lupa’t bahay ang totoong simula ng magandang buhay.
Maraming salamat po.