Awarding of Titles and CELAs, Verdant Village Coverd Court, Las Piñas City, 25 February 2013, 5:30 p.m.

            Magandang hapon po sa inyong lahat.

            Isa sa mga nakapapawi sa hirap at pagod ng mga kawani sa sektor ng pabahay ay ang mga ganitong okasyon. Dito namin nakikita ang magandang bunga ng iba’t iba gawain at mahaba-habang preparasyon sa pagpapatupad ng mga proyektong pabahay ng gobyerno.

            Alam naman po ninyo ang prosesong pinagdadaanan natin na hindi lamang basta-basta. Minsan pa nga, dahil sa mga balakid na tila baga hindi matapos-tapos, nakararamdam na kayo ng kawalan ng pag-asa.

            Ngunit alam din po ninyo na sa koordinasyon at pagtutulungan ng lahat ng mga ahensyang pabahay, kasama na ang lokal na pamahalaan, at pati na rin ang mismong mga benepisyaryo, lahat ng hamon ay nalalampasan din sa kahulihan.

            Wika nga ng marami, pagkahaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy.

            Nitong nakaraang dalawang linggo lang ay nasa Baguio kami. Halos walong daang (800) pamilya doon ang nabigyan namin ng mga certificates of lot allocation at certificates of lot awards. Karamihan po sa mga pamilyang iyon ay mga biktima ng lindol noong 1990 at mga naapektuhan ng dalawang malalakas na bagyo nitong mga nakaraang taon lang, ang Pepeng at Ondoy.

            Ngayon, narito naman tayo sa Las Piñas. Natutuwa po kami dahil nakikiisa ang mga benepisyaryo dito sa Las Piñas sa pagpapatupad ng programang Community Mortgage Program (CMP) ng Social Housing Finance Corporation (SHFC).

            Sa katunayan, ang collection efficiency rating (CER) dito sa inyong lugar ay mataas. Batay sa aming talaan ng mga CMP projects dito, 92 porsyento (92%) ang pinakamababang CER, at 128 porsyento (128%) naman ang pinakamataas. Ibig sabihin nito, ang iba sa inyo ay nagbabayad ng higit pa doon sa kanilang buwanang hulog o amortisasyon.

            Kanina lamang, mahigit apat na raan at limampung limang daang pamilya (450) ang nakatanggap ng mga titulo, certificates of lot award, o certificates of lot allocation. Nais ko lang pong ipaliwanag kung ano ang kaibahan ng mga dokumentong ito.

            Ukol sa apatnapu’t walong (48) miyembro ng Gloria Residents HOA na nakatanggap ng transfer certificates of title (TCTs) sa ilalim ng CMP, ang ibig sabihin, nakapangalan na sa inyo ang mga lupang kinatitirikan ng inyong bahay. Wala na kayong aalalahanin na bayarin sa bahay maliban sa amelyar na di hamak mas magaan kumpara sa dati ninyong hulog sa bahay.

            Ang certificate of lot allocation naman ay ating ipinamimigay kapag na-survey at na-subdivide na ang isang lupain at naaprubahan na ang subdivision plan nito. Nakasaad dito ang mismong loteng nakalaan sa bawat miyembro ng HOA at pati na rin ang mga kondisyon kung paano ito tuluyang mapapasainyo. Unang-una na rito ang inyong obligasyon sa buwanang hulog.

            Kampante kami na ang certificate na ipinamahagi sa isang daan at walumpung (180) miyembro ng CMP HOA na narito ngayon—ang Midway HOA, Betel Homes, Blue Bay Homes, St. Vincent Ville, Everest Homes at Mangosteen Ville—ay mapapalitan ng titulo basta’t sasamahan lamang ninyo ng sipag at tiyaga sa pagbabayad ng inyong buwanang amortisasyon.

            Maliban sa mga komunidad sa ilalim ng CMP, kasama din natin ngayon ang mga miyembro ng Sambayanihan People’s Village HOA. Ito po ay isang proyekto na pinamamahalaan naman ng Home Guaranty Corporation mula pa noong 1990 pagkatapos mailipat ito sa kanila ng BF Homes Inc.

            Siyam na pu’t dalawang (92) kasapi sa komunidad na ito ang nakatanggap ng certificate of lot award ngayon. Ang ibig sabihin nito ay nakatapos na rin kayo sa inyong obligasyon. Kaya lang po, nasa proseso pa ang pag-titulo ng lupa sa inyong mga pangalan. Kaya pansamantala, ito munang certificate of lot award ang magpapatunay na kayo na ang may-ari ng lupa.

            Isang daan at tatlumpu’t walong (138) miyembro naman ninyo ang nakatanggap din ng certificate of lot allocation. Aasahan namin na kagaya ng inyong mga kasamahan, magsusumikap din kayong makatapos sa pagbabayad ng inyong obligasyon. Itigil niyo na po ang mga bisyong katulad ng sigarilyo at pag-inom. Hindi lang bubuti ang inyong kalusugan, makapagtatabi pa kayo ng perang mailalaan sa hulog.

            Muli, kami ay nagpapasalamat sa mga taga Las Piñas at dahil sa kanilang pakikipagtulungan, matagumpay ang programang pabahay ng gobyerno dito sa inyong lugar.

            Hangad ko po ang tahimik at mas maginhawang buhay para sa inyong lahat.

            Maraming salamat po.