Magandang hapon po sa inyong lahat.
Eksaktong isang buwan nang ako po ay huling dumalaw sa mga taga-Baguio City. Dumalo ako noon sa alumni homecoming ng Philippine Military Academy, at nag-abot ng mga land titles at certificates of lot award sa mga housing beneficiaries dito sa Baguio.
Ngayon naman po, ako ay pumarito para sa graduation. Dumalo sa graduation ng PMA cadets kaninang umaga, at ngayong hapon, narito ako para sa maituturing din na graduation ng mga lokal na pamahalaan dito sa Northern Luzon. Ito ay ang kanilang pagtatapos sa training sa pagbuo ng Comprehensive Land Use Plan o CLUP.
Malaki ang kontribusyon ng Northern Luzon sa ating ekonomiya. Malalawak ang inyong lupain, kaya mahalaga kayo sa agri-business development ng Pilipinas. Malaki rin ang kontribusyon ng inyong rehiyon sa turismo.
Dahil sa assets na ito ng inyong rehiyon, hindi kami nagdalawang-isip na simulan dito kaagad ang CLUP training. Alam kong kabisado na ninyo ang paggawa ng CLUP. Ngunit nais ko lang ulit-ulitin kung bakit ito mahalaga sa ating lahat.
Maliban sa ito ay required sa ilalim ng Local Government Code, isang paalala ang CLUP na ang lupa ay isang mahalagang resource dahil ito ay limitado. Kailangang pag-isipang mabuti kung paano ninyo ito gagamitin kasabay ng pangangalaga ninyo dito.
The Local Government Code also vested upon the LGUs the power to take the lead in local economic development.
In pursuing local development, there are many questions that should be considered. One is, how do we incorporate agriculture and food sustainability into our development plan? Then, what infrastructure do we need to achieve our development goals? And while developing infrastructure, how can we ensure protection and the rational use of our forest and coastal resources?
At siyempre, alam natin na parang magnet ang development. Kapag umuunlad ang isang bayan, hindi mapipigilan ang pagdami ng mga taong nais manirahan dito. Kaya ang susunod na tanong, paano ninyo tutugunan ang pangangailangan sa pabahay ng inyong mga kababayan? At paano rin ang basic social services and facilities? At hindi lang sa ngayon kundi hanggang lima o sampung taon pa?
All these factors should be taken into account in allocating or planning the use of your land resource. With a vision for your cities and municipalities, the CLUP is the beginning of your road map towards growth and development. Nakasaad din sa CLUP ang mga imprastruktura at iba pang serbisyong kailangan upang lubusang mapakinabangan ang inyong mga lupain.
Halimbawa, ang mga lupaing pang-agrikultura ay dapat na may mga pasilidad na suporta sa pagsasaka katulad ng post-harvest and irrigation facilities. Ang inyong mga lugar para sa pabahay ay dapat na may mga pangunahing serbisyo at pasilidad pati na rin palaruan at parks. Dapat ding tiyakin na ang mga pabahay ay hindi itatayo sa mga delikadong lugar.
Batay dito, and CLUP ay di lang proteksiyon kundi tulong sa pag-unlad. Halimbawa: kapag may investor na naghahanap ng investment opportunities sa inyong lugar. Alalahanin na mas attractive sa mga namumuhunan kung may malinaw na basehan o plano bago sila tumaya sa isang proyekto. May probisyon, halimbawa, sa udha na nagsasaad na sa bawat subdivision project, dapat itinatabi ang dalawampung porsyento ng lupa o ng halaga ng proyekto para sa socialized housing. Kung mayroon kayong CLUP na malinaw na tumutukoy sa tamang lugar ng pabahay, at may nakalaang tulong sa pagpapaayos dito, madali ninyong masasabi sa mga developers na dito na lang nila itayo ang kanilang projects. May investment nang pumasok sa lugar ninyo, nababawasan pa ang inyong pangangailangan sa pabahay.
Dahil sa kahalagahan ng land use planning, ginawa naming priority program ang pagbuo at pag-update ng CLUP. Natatandaan ko pa noong unang iprinisinta ng HLURB ang programang ito. Sabi nila by 2016, lahat ng LGU may CLUP na. Ang sabi ko naman, bakit hihintayin pa ang 2016. Sa panahon ngayon, dapat updated na ang CLUP ng lahat ng siyudad at munisipalidad. Kaya naman, isinagawa nila agad ang training at pinagsama-sama ang mga LGU upang makapagpalitan din sila ng kaalaman at experience.
After just one year, 680 out of 1,132 (60%) LGUs, which had no CLUP or had outdated land use plans, have completed the different training modules of HLURB and 551 of them have already formulated their CLUPs. Alam namin na hindi madaling gawin ang CLUP. Mahalaga ang malawakang konsultasyon at partisipasyon ng iba’t ibang sektor. Hindi puwedeng ang lokal na pamahalaan lang ang magdedesisyon para sa taumbayan. Dapat may pagkakaintindihan at consensus.
Kaya narito kami ngayong hapon. Nais naming bigyan ng parangal ang sandaan pitumpu’t dawalang (172) lokal na pamahalaan dito sa Region 1, Region 2 at Cordillera Administrative Region (CAR) na nagsikap at nagpakahirap makatapos sa training na isinagawa ng HLURB sa CLUP formulation o updating. Binabati namin kayo.
At siyempre, special mention ang ating sampung gold awardees. Ibig sabihin ng gold, hindi lang nila nagawa ang CLUP, naipasa na rin ito ng kanilang mga sangguniang panlalawigan. Ang mga gold award-winners natin ngayon ay La Paz at Penarrubia sa Abra; Sta. Cruz, Sugpon, at Vigan City sa Ilocos Sur; Binalonan at Dasol sa Pangasinan; at Angadanan, San Manuel at San Mateo sa Isabela.
Sa mga silver at bronze awardees, konting sikap pa po at matatanggap din ninyo ang gold award balang araw.
At sa magandang pagtutulungan ng HLURB at LGUs, tinitiyak kong matatapos na rin ng iba pang LGUs sa Northern Luzon ang kanilang CLUPs sa taong ito. Kasama siyempre sa pagtutulungang ito ang League of Planners and Development Coordinators, ang Provincial Planning and Development Offices, DILG, NEDA, Quirino Province Biodiversity Conservation Committee at iba pang ahensiya ng gobyerno.
Ngunit isa pang paglilinaw. Ang kahalagahan ng CLUP ay makikita lang natin kung ito ay ating isasagawa sa pamamagitan ng mga zoning ordinances na inyong ipapasa.
Kahit na may CLUP kayo, kung hindi naman ninyo ito susundin sa implementasyon ng inyong mga programa, at papayagan ninyong magtayo ng kung anu-anong proyekto kahit saan ang iba’t ibang sektor at kumpanya, balewala rin po ito. You will defeat your very own purpose.
Katulad po ng ating mga graduates, kung hindi naman po nila gagamitin ang kanilang mga pinag-aralan, wala rin po silang mararating. Ito ang hamon sa atin sa araw na ito: ang maayos at matagumpay na pagpapatupad ng inyong CLUP at zoning ordinances tungo sa kaunlaran ng inyong bayan.
Muli binabati ko kayo at maraming salamat.