Bistekville 2 Housing Project Inauguration, Brgy. Kaligayahan, Novaliches, Quezon City, 11 October 2013, 10 a.m.

            Magandang umaga po sa inyong lahat.

            Sa araw na ito, isa na namang pagbabago ang ating nasaksihan.

            Hindi po ito ang paggagawad ng pabahay sa ating mga kababayan dahil matagal na po itong ginagawa ng ating pamahalaan at maging ng lokal na pamahalaan ng Quezon City. Sa katunayan, ang QC, sa pamamahala ni Mayor Bistek Bautista, ang isa sa pinaka-abalang LGU sa pagtugon sa pangangailangan sa pabahay ng kaniyang mga mamamayan.

            Hindi rin po ito ang in-city relocation o multi-storey housing for informal settlers dahil may mga nagawa na pong ganito sa ibang mga siyudad sa Metro Manila.

            Ano nga po ba ang pagkakaiba ng proyektong ito?

            Ang Bistekville 2 ay isang proyekto na lahat ng nakatira—saan man ang pinagmulan at iba-iba man ang estado sa buhay—ay pinagsasama-sama at magtutulong-tulong bilang isang komunidad tungo sa ikagaganda ng kanilang pamumuhay.

            Noon po, kapag sinabing pabahay ng gobyerno, maaaring iyan ay “para sa mga empleyado ng pamahalaan” o “para sa mga iskwater.” Ipagpaumanhin po ang lumang katawagang ito.

            Noong isang linggo, ako po ay nagpasimuno ng roundtable discussion ng mga eksperto sa pabahay mula sa iba’t ibang bansa. Isa sa mga nagsalita ay ang dating secretary ng housing and urban development ng Amerika at binigkas niya ang salitang “inclusionary zoning.” Sa maikling paliwanag, isinalaysay niya na ito ay isang patakaran na pinagsasama-sama sa mga housing projects ang iba’t ibang pamilya, kabilang ka man sa formal o informal sector.

            Iyan po ang modelo dito sa Bistekville 2. Isang komunidad na pinag-isa at nagkakaisa at walang klasipikasyon o diskriminasyon.

            Nagpapasalamat po ako sa lokal na pamahalaan ng Quezon City sa pagpapatupad ng ganitong istilo ng housing project.

            Ang proyektong ito ay naging paraan din upang magtulungan ang aming mga ahensiyang pabahay—ang Pag-IBIG Fund at ang Social Housing Finance Corporation.

            Upang malaman naman ng nakararami, ang Pag-IBIG Fund po, sa ilalim ni Atty. Darlene Berberabe, ay nakapagpautang na sa labimpitong (17) miyembro na nakakuha ng pabahay dito sa Bistekville 2 na nagkakahalaga ng halos anim at kalahating milyong piso (P6.5 million).

            Ang SHFC naman, sa pamumuno ni Ana Oliveros, ay siyang magpapahiram ng pondo para sa mga kababayan natin na nakatira sa mga waterways ng Quezon City. Ililipat sila sa pabahay na “three-storey walk-up units.” Ito po ay kabilang sa P50 billion fund na inilaan ng Pangulong Noynoy Aquino para sa mga pamilyang naninirahan sa mga danger areas ng Metro Manila.

            Sa mga benepisyaryo po, kitang-kita ninyo ang magandang resulta ng pagtutulungan ng LGU ng Quezon City at mga ahensyang pabahay ng gobyerno upang magkaroon kayo ng disente at abot-kayang bahay.

            Isa lang po ang pakiusap ko sa inyo. Huwag ninyo pong sayangin ang oportunidad na ito na ibinigay sa inyo.

            Ang obligasyon po natin sa pabahay ay walang pagkakaiba sa ibang obligasyon natin kagaya ng pagpapa-aral sa ating mga anak at pagbabayad ng tubig at kuryente.

            Ibig sabihin, hinuhulugan nang tama at maagap buwan-buwan ang utang sa pabahay. Bigyan natin ng halaga ang obligasyong ito dahil nasa bahay po ang pagkabuo ng maraming pangarap ng ating pamilya.

            Minsan kapag dumadalaw kami sa mga informal settler areas, tinatanong namin sila kung bakit yung iba ay ayaw lumipat sa mga relocation sites. Isa sa mga hindi ko malilimutang sagot ay ang sabi ng isang mukhang malapit na rin maging senior citizen.

            “Mayor,” sabi niya, “mahigit dalawang dekada na po kaming nakatira dito. Bukod po sa dito na lumaki at nakapag-asawa ang mga anak ko, wala po kaming ibang inaalalang gastusin dito kundi ang pagkain namin sa araw-araw.”

            Ngunit nung tinanong ko siya kung paano kung bigla na lamang silang paalisin ng may-ari ng lupa, ang sagot niya, “Sa totoo lang po, sa mahigit na dalawang dekada naming paninirahan dito, wala sigurong araw na hindi namin pinangangambahan yung reyalidad na iyon.”

            Pagkalipas po ng ilang buwan ay inalok sila ng relokasyon. Wala na pong tumutol. Sa madaling salita, naliwanagan na sila na ang seguridad sa pabahay ay may kaakibat na buwanang obligasyon, na kung matiyaga at maagap na tutuparin ay balang araw mairaraos din.

            At ngayon nga, labis na maswerte kayo kaysa sa ibang mga nai-relocate noong mga nakalipas na taon. Dahil, ang resettlement site ninyo ay nasa loob mismo ng Quezon City. Ito po ang tinatawag namin na in-city resettlement scheme.

            Wala na po sigurong dahilan para sabihin ninyo na mapapalayo kayo sa mga pinagkukunan ninyo ng kabuhayan.

            At hindi ninyo rin masasabi na ang housing project na ito ay para sa mga informal settler families lamang. Alam n’yo namang kasama sa mga benepisyaryo dito sa Bistekville 2 ay mga government employees ng Quezon City.

            Kitang-kita naman siguro na lahat ng maaaring gawin upang maisaayos ang inyong seguridad sa tahanan sa halagang abot-kaya ninyo ay ginagawa po namin.

            Kaya uulitin ko po, sana huwag ninyong sayangin ang pagkakataong ibinigay sa inyo.

            Muli, ako ay nagpapasalamat sa inyong lahat—sa LGU ng Quezon City, sa Pag-IBIG Fund, sa SHFC, sa civil society organizations (CSOs), sa landowner, sa developer, at sa iba pang tumulong at naki-isa upang mabuo ang pabahay na ito.

            Tulad ng nasabi ko kanina, ang Bistekville ang bagong mukha ng mga pabahay ng gobyerno—isang komunidad na pinag-isa at nagkakaisa ang mga naninirahan, walang klasipikasyon maliban sa sila ay tahimik at nagtutulungan.

            Buo po ang aking pag-sa na kaya nating ipagpatuloy ang maganda nating nasimulan.

            Maraming salamat at mabuhay tayong lahat.