Magandang umaga po sa inyong lahat.
Ikinagagalak ko pong makasama kayo sa araw na ito. Noong August 20 pa sana ang ating pagtitipon kaya lang dahil sa bagyong Maring at sa habagat, hindi na muna natin itinuloy.
Kaya noong narinig ko na mayroon na namang bagong bagyo, sabi ko sa sarili ko, sana naman, hindi ito maging dahilan ng muling pagpaliban ng ating selebrasyon.
Tama po ang narinig ninyo. Sa pagtitipong ito ay ipinagdiriwang natin ang ika-dalawampu’t limang taon ng pagkakatatag ng Community Mortgage Program o CMP. Ganyan na po katagal ang ating pagtutulungan upang mailagay sa ayos ang paninirahan ng ating mga kababayan.
Kanina po ay narinig ninyo kay Ana Oliveros ang pinagmulan ng CMP at ang mga naging karanasan sa pagpapatupad nito. At alam kong marami kayong hirap na dinaanan bago makarating sa kalagayang ito.
May nahirapan bago mapapayag ang mga landowners na ibenta ang lupa sa halagang kakayanin nilang bayaran. May mga landowners naman na hindi nagbaba ng presyo, at nahirapan ang komunidad dahil kulang ang perang maaari nilang mahiram sa Social Housing Finance Corporation at kailangan pa nilang magdagdag ng equity.
O kaya, nagkasundo man ang community at ang landowner, hindi naman maituloy ang proyekto sapagkat walang kakayahan o walang pambayad para sa mga teknikal na pangangailangan katulad ng paggawa ng survey o subdivision plan.
At nariyan din ang mga pamilyang kasama ninyong nakatira sa lugar pero ayaw namang sumali sa CMP. Siguro ang iba ay hindi naniniwalang totoo ang programa. O kaya naman baka ang ilan diyan ay nangungupa sa tinatawag na professional squatters. At ang professional squatters na ito ay ayaw mapasailalim ng CMP ay dahil mawawalan sila ng kita.
Sana nakita nila ang okasyong ito upang malaman nilang totoo ang programa at layunin nitong tuparin ang inyong pangarap na sariling lupa.
May iba naman na naloko o pinabayaan ng kanilang mga mobilizers pagkatapos makolektahan ng iba’t ibang bayarin. Ngunit alam nating mas maraming accredited mobilizers ang mahusay magpalakad at kailangan lang nila ng tulong natin upang mas mapabuti ang kanilang serbisyo.
May mga proyektong inaabot ng taon dahil sa tagal ng proseso ng pagkuha ng mga dokumento sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, kagaya ng mga titulo sa lupa.
Ang iba, iginigiit na payagan silang mag-CMP kahit na ang lupang kanilang kinalalagyan ay malapit sa panganib, tulad ng mga ilog o estero. Kailangan nila ng suporta mula sa kanilang mga lokal na pamahalaan pero walang ibinibigay na tulong sa kanila si mayor.
Naiintindihan po namin ang lahat ng iyan. Ang iba rito ay atin nang nabigyan ng solusyon at nabanggit na ni ana ang ilan.
Idadagdag ko lang ang ilan pang ginawa natin. Doon sa mga komunidad na naapektuhan ng mga kalamidad o kaya may eviction order na mula sa korte, isinagawa natin ang CMP expresslane, pinasimple at pinakaunti ang mga kailangang dokumento para maaprubahan ang proyekto.
Ang mga unang komunidad na nakinabang dito ay ang mga taga-Cagayan de Oro na naapektuhan ng bagyong Sendong.
Sa mga nangangailangan naman ng tulong ng local governments, isinagawa natin ang Localized CMP. Dito, binigyan natin ng kapangyarihan ang mismong LGUs na magpatupad ng CMP projects sa kanilang lugar upang mas mapabilis at maparami ang pamilyang makikinabang dito.
Noong 2007 pa ito inilunsad, pero nagkaroon lang ng unang proyekto sa LCMP noong 2011.
Sa kasalukuyan, halos tatlumpung milyong piso (P30 million) na ang naitulong natin sa mga LGUs sa buong bansa na may katumbas na isang libo, isang daan at sampung (1,110) pamilyang nabigyan ng pagkakataong maisaayos ang kanilang tirahan.
Bukod sa LCMP, isinasagawa na rin natin ang city-wide approach sa CMP. Sa paraang ito, sa simula pa lang, kasama na natin ang lokal na pamahalaan sa pagbuo ng CMP project. Sa aming karanasan po kasi, kapag ang LGU ay hindi kasama sa proyekto, nahihirapan tayong kunin ang kanilang tulong katulad ng paglalagay ng maayos na kalye o mitigation projects sa mga lugar na malapit sa mga daanan ng tubig.
Pero, kung sa simula pa lang ay involved na sila sa proyekto, alam na nila ang inyong mga pangangailangan at magagabayan na kayo kaagad kung paano mapapabuti ang proyekto.
At sa ilalim din ng approach na ito, magiging pro-active na ang SHFC at LGU. Magtutulong na kami sa pagtukoy sa mga pamilyang nangangailangan ng tulong upang magkaroon ng seguridad sa lupang kanilang kinalalagyan.
Ilan lang po iyan sa mga nagawa at ginagawa natin. May ilan pa kaming nakatakdang gawain upang mas mapabilis at mapahusay ang CMP.
Una, kami ay nakikipag-ugnay sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, katulad ng Land Registration Authority o LRA, upang kami na mismo ang kumuha at mag-validate ng mga titulo sa mga lupang inyong bibilhin. Sa ganitong paraan na dalawang ahensiya ng gobyerno ang nag-uusap, mas mapapabilis ang proseso. Bukod dito, mababawasan pa ang kailangang bayaran ng komunidad.
Ikalawa, nakikipag-partner na din kami sa mga asosasyon ng engineers at architects para tulungan kayong makatupad sa mga technical documentation katulad ng subdivision plan. Kapag natuloy ito, maaaring maging subsidy na namin ito sa inyo.
Ikatlo, palalakasin natin ang mga mobilizers sa pamamagitan ng mga training upang mas ganap ang tulong na maibabahagi nila sa mga community associations.
Ibig ko lang pong paalalahanan ang ating mga mobilizers na ang inyong layunin ay makatulong at hindi po para kumita. May mga nabalitaan kasi kami na may mga proyektong hindi sumusulong dahil imbes na tumulong ay pinagkaperahan pa ang mga pamilya. Siguro naman walang ganyan dito.
At upang matiyak natin na walang komunidad ang maloloko, ipaalam po ninyo kaagad sa amin kapag may mga mobilizers o iba pang organisasyon na sa tingin ninyo ay hindi kapakanan ng komunidad ang layunin. Tutugunan kaagad natin ito.
Sa mga officers ng community o homeowners associations nga po pala, ang isa naming ahensiya, ang Housing and Land Use Regulatory Board, ay nagsasagawa ng mga leadership at iba pang seminars para sa inyo. Maaari kayong makipag-ugnay sa kanila upang maturuan kayong higit na mapahusay ang inyong organisasyon.
Ikaapat, at dito, inaatasan ko ang pangulo ng SHFC na si Ana, pag-aralan na ninyo kung dapat nang itaas ang halaga na puwedeng ipahiram sa mga komunidad sa ilalim ng CMP. Ito ay hindi lamang para mabawasan ang equity ng mga pamilya sa pagbili ng lupa kundi upang mapaayos nila ang kanilang mga bahay.
May CMP communities kasi na napasakanila na nga ang lupa, pero walang pagbabago sa ayos ng komunidad. Ang gusto sana natin, may improvement din sa lugar at sa inyong mga kabahayan.
Pero, dapat tiyakin ng SHFC na sa inyong pag-aaral, ang pinansiyal na kakayahan ng mga pamilya ay dapat isaalang-alang.
Patuloy rin po ang aming ahensiya sa pagbuo ng mga bagong produkto na mas makatutulong pa sa informal settler families.
Kailan lamang, inilunsad namin ang High Density Housing (HDH) Program para sa pamilyang nakatira sa mga delikadong lugar gaya ng mga estero at iba pang mga daluyan ng tubig dito sa Metro Manila. Ito ay isang modified CMP dahil bukod sa kasiguruhan sa lupa, may kasamang dalawa o hanggang apat na palapag na pabahay.
Noong Biyernes nga po, nag-inaugurate kami ng Bistekville 2 sa Quezon City at sa proyektong iyon, magkakasama na sa isang komunidad ang mga pamilyang galing sa formal at informal sectors.
Iyan po ang mga pagbabagong inyong maaasahan.
Pero hindi po sa amin lahat manggagaling ang pagpapatupad nito. Kailangan natin ng partnership ng national government, local government, private sector kabilang na ang mga land owners, civil society organizations at NGOs bilang mobilizers at kayong mga benepisyaryo ng mga ganitong programa.
Dalawampu’t limang taon. Iyan po ang haba ng panahon ng pag-alalay ng CMP sa mga mahihirap na kababayan natin na magkaroon ng disente at maayos na tahanan. At patuloy po nating titingnan at pag-aaralan ang CMP upang mas lumawak pa ang mabibiyayaan nito.
Ngunit tinitiyak ko po sa inyo na noon, ngayon at bukas, ang CMP ay laging kaagapay ng komunidad sa pag-unlad nito.
Ipinapangako namin na patuloy kaming aalalay sa inyo anumang oras. Kaya sa programang ito, masasabi natin na hindi mahirap abutin ang pangarap ng isang pamilyang Pilipino na magkaroon ng isang disente at abot-kayang tahanan basta lahat lamang tayo ay nagtutulungan.
Maraming salamat at mabuhay tayong lahat.