Magandang umaga po sa inyong lahat.
Noong bago pa lamang po ako bilang chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council, o HUDCC, nalaman ko na isa sa mga ginagawa ng naturang ahensya ay ang pag-aasikaso sa mga lupa ng PNR o Philippine National Railways. Naitanong ko noon kung bakit kailangang HUDCC ang mangasiwa sa pamamahagi ng mga lupang hindi na ginagamit ng PNR .
Ang dahilan po pala ay dahil libo-libong pamilya na ang nakatira sa mga lupang ito. Nakarating sa akin, halimbawa, ang kuwento ni Emmanuel at Jocelyn Miranda, mag-asawang nakatira sa riles sa bayan ng Pagsanjan. Ang kanilang tinitirhan ay dating pagmamay-ari ng lolo ni Emmanuel at isinalin ito sa kanyang mga magulang at ngayon ay sila nang mag-asawa at kanilang anak ang nakatira.
Dito naman sa bayan ng Sta. Cruz ay narinig ko ang kwento ni Aling Milet. Ang sabi niya, animnapu’t tatlong taon na syang nakatira sa riles. Doon na siya nagka-nobyo, nagka-asawa nang dalawang beses, nagkaanak ng siyam at nagka- dalawampu’t tatlong apo.
Marami pang mga taga-riles dito sa probinsya ng Laguna ang may katulad na kuwento nina Emmanuel at Aling Milet na nagpasalin-salin na ang tinitirahan mula pa sa kanilang mga ninuno. Ilang dekada nang nakatira ang kanilang mga pamilya sa mga lupang ito pero hindi pa rin sila makapamuhay nang matiwasay dahil sa kanilang agam-agam na anumang oras ay maaaring mapaalis sila dito dahil hindi nila ito pagmamay-ari.
Ang pag-asam ng mga pamilyang nakatira sa riles na magkaroon ng kasiguruhan sa kanilang tirahan sa wakas ay matatapos na. Tinatapatan ito ng masigasig na pagtutulungan ng aming ahensiya, ng PNR at ng mga punong-bayan upang matupad na ang inyong mga pangarap.
Bilang tulong ay nagkaloob ang HUDCC ng survey fund assistance sa ilang mga bayan sa lalawigan ng Laguna. Ang pondong ito ay ginamit para sa pag-survey ng mga lupa ng PNR at para malaman ang paghahati-hati nito sa mga nakatira doon.
Sa bayan ng Pagsanjan, sa pamumuno ni Mayor Maita Gomez-Ejercito, ay naglaan ang HUDCC ng isang milyong piso. Nagbunga ang survey sa pagkakasukat ng mga lote para sa pitong daan at limampu’t walong (758) pamilyang nakatira sa riles.
Ang iba namang mga lokal na pamahalaan, kagaya ng Calauan na pinamumunuan ni Mayor George Berries, naglaan ng sariling pondo para sa survey. Nasukat dito ang mga loteng nasa riles na tirahan ng humigit-kumulang sa 1,575 pamilya.
Si Mayor Domingo Panganiban ng Sta. Cruz naman, labing isang taon nang nilalakad sa PNR upang maipamahagi ang nasabing mga lupa sa kanyang mga kababayan. Sa tulong ng isang milyong pisong pondo na ibinigay ng HUDCC, naisagawa ang survey na nagbunga ng halos isang libo at dalawang daang (1,200) lote.
Mayor Panganiban, natanggap na ng HUDCC ang inyong sulat na humihiling ng karagdagang one hundred ninety nine thousand pesos (P199,000) para sa pagtatapos ng survey. Ipinapaalam po namin sa inyo na nasa-proseso na ito at maaari niyo nang matanggap ang halaga sa loob ng dalawang linggo.
Dahil sa pagtutulungang ito, ngayong araw ay maipapamahagi natin ang certificate of lot award o CELA sa 1,431 na pamilya sa mga nasabing bayan. Siyanga po pala, ang certificate of lot award na ating ipinamamahagi ay hindi pa sapat na dokumento para ganap na mapasainyo ang lupang inyong tinitirhan. Pagkatapos nito ay sisimulan na ninyo ang pagbabayad sa PNR at pagkatapos ng inyong bayarin ay saka lamang maigagawad sa inyo ang titulo sa lupa. Kaya sana huwag kayong magpabaya sa inyong obligasyon upang hindi masayang ang lahat ng ating pinaghirapan.
Gayahin po ninyong modelo ang dalawampu’t apat (24) na pamilya ng Montevilla Homeowners‘ Association ng Cavinti, Laguna. Sila’y nakatanggap kanina ng titulo sa ilalim naman ng Community Mortgage Program ng Social Housing Finance Corporation. Nagsimula ang proyektong ito noon pang October 1992 sa tulong ng National Housing Authority bilang project originator. Biruin n’yo po, sa loob ng halos dalawampu’t dalawang taon na matiyagang pagbabayad ay nakuha na rin nila ang kani-kanilang mga titulo. Mayroon pang natitirang anim na pu’t tatlong (63) pamilyang kasama sa proyektong ito, at sana ay makumpleto na rin nila ang kanilang obligasyong pinansiyal ngayong taon na ito para maipamahagi na din natin sa kanila ang titulo sa lupa.
Kung mayroong mga natatapos na proyekto, meron ding magsisimula pa lang. Ito ang Innovation Ville Phases 1, 2 and 5 CMP projects sa bayan ng Sta. Rosa na inaprubahan ng Social Housing Finance Corporation kamakailan lang.
Ang mga proyektong ito ay pakikinabangan ng limandaan at dalawampu’t walong (528) pamilya. Kanina ay ibinigay na natin ang letter of guaranty sa may-ari ng lupa—ang Philippine Deposit Insurance Corporation o PDIC. Ibig sabihin nito ay nasa-proseso nang SHFC ang paunang pambayad na nagkakahalaga ng P15,875,838 o 50 percent ng total cost, at isinasalin na sa naturang homeowners associations ang pagmamay-ari ng lupa. At pagkatapos ninyong mabayaran ang inyong obligasyon, ililipat na sa pangalan ng bawat pamilya ang titulo ng kanilang lupa.
Para naman sa mga empleyado ng provincial government ng Laguna at mga karatig na munisipyo, makakaasa rin kayo ng tulong sa inyong pabahay. Nasaksihan ninyo kanina ang signing ng memorandum of agreement ng Pag-IBIG Fund at ni Governor ER Ejercito. May nakalaan nang tatlong ektaryang lupa sa munisipyo ng bay na gagawing housing project para sa inyo. Kasunod nito ay ang pagpili na ng contractor o developer para sa pagpapatayo ng disente at murang pabahay.
Alam po ba ninyo na si Governor ER mismo ang nangungulit sa Pag-IBIG upang matupad na ang proyektong ito? Ang provincial government din ang naghanap ng project site.
Talaga naman pong napakasuwerte ng lalawigan ng Laguna at ng mga naninirahan dito. Hindi lang ito hitik sa kasaysayan, bilang lugar na sinilangan ng bayaning si Dr. Jose Rizal. Dito rin matatagpuan ang Laguna de Bay, ang pinakamalaking lawa sa Pilipinas.
Kaya naman maliban sa housing event na ito, sinamantala ko na ring puntahan ang iba pang lugar dito. Kaninang umaga ang aking almusal ay sa Calamba, at mamaya naman ang pananghalian po ay dito mismo sa palengke ng Sta. Cruz. Iikutan na rin namin ang Rizal at ang San Pablo City upang magbigay ng mga ilang health equipment para sa mga senior citizens‘ centers.
Para sa isang tulad ko na lumaki sa probinsya, it always feels good to come home to the province and experience the simplicity of life. And so that when I go back to Manila I would feel recharged. Para akong bumalik sa panahon na hindi pa uso ang gate sa bahay. Lahat ng pinto ay bukas—sa simoy at sa bisita. At lahat ng mga bata ay nakapaglalaro sa lansangan nang masaya at ligtas. Dahil iyan po ang kaayusan at magandang buhay na lagi nating nais abutin sa ating mga pabahay.
Magpasalamat po tayo at ating pagyamanin ang biyayang ito.
Magandang araw po sa ating lahat