Magandang Hapon po sa inyong lahat.
Nakikiisa po ako ngayon sa inyong kasayahan dahil makalipas ang halos dalawang dekada ng paghihintay, magkakatotoo na rin ang iyong pangarap. At ito ay ang pagpapatupad ng proyektong pabahay para sa mga kawani ng Unibersidad.
Malayo na nga ang tinahak ninyo tungo sa adhikaing mabigyan ng abot-kaya at disenteng pabahay ang inyong hanay. Taong 1997 pa nang itinatag ninyo ang CLSU Employees Housing Cooperative. At sa taon ding yun, nakipag-ugnayan kayo sa National Housing Authority upang simulan nang ipatupad ang noon ay pinaplano pa lamang na proyektong pabahay para sa mga guro at kawani ng Unibersidad. Sa ilalim ito ng NHA Cooperative Pabahay Program.
Lumagda rin sa isang kasunduan (MOA) ang NHA at pamunuan ng CLSU upang ilipat sa nha at maipamagi ang bahagi ng lupa ng CLSU bilang isang housing site. Pero ilang taon pa rin ang hinintay ninyo bago nalagdaan ang Presidential Proclamation 182 nuong taong 2002. Isang bahagi ng lupain ng CLSU ang inilaan nito at pinamahalaan ng NHA bilang housing site para sa CLSU faculty and staff.
Hindi pa roon nagtapos ang inyong pag-aantay dahil ilang taon pa muli bago nagkaroon ng panibagong kasunduan kasama ang Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG, na siyang magbibigay pondo sa pagpapatayo ng mga bahay.
Sa sobrang tagal, marami sa inyo ang nagretiro na at iyong iba ay hindi na nahintay ang katuparan ng inyong kolektibong pangarap.
Kaya’t batid ko na labis-labis ang inyong pananabik na mapasakamay na ninyo ang karapatang magmay-ari ng lupa na magiging lugar ng inyong permanenteng tahanan. Ngayong araw na ito, tinapos na natin ang inyong matagal na paghihintay. Alinsunod sa atas ng Proclamation 182, ipinagkaloob na sa inyo ang katibayan ng inyong matagal nang inaasam.
Ang Certificate of Lot Award o CELA na inyong natanggap ngayon ang siyang magsisilbing patunay ng inyong pagmamay-ari ng lupang pagtitirikan ng inyong mga tahanan. Ito’y bahagi ng programa ng pamahalaan na mabigyan ng kaseguruhan sa paninirahan o security of tenure hindi lamang ang mga informal settler families kundi maging ang ating mga lingkod-bayan at kawani ng pamahalaan na nangagailangan din ng pabahay.
At para higit na masulit ang ilang taon ninyong pagsisikap at pagtitiyaga, nilagdaan din po natin kanina ang kasunduan o Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng CLSU, National Housing Authority at Pag-IBIG Fund para sa pagpapatupad ng CLSU Employees Housing Project.
Sa labingsiyam (19) na ektaryang lupain na nasasakop ng Proklamasyon, makikinabang sa proyektong ito ang halos sanlibong kawani at faculty members ng CLSU at kanilang mga pamilya. Ang bawat lote ay may pangkaraniwang sukat na 120 square meters at ang mga bahay na itatayo rito ay may floor area na tatlumpo (30) hanggang tatlumpu’t anim (36) na square meters. Napakapalad po ninyo. Kung ito po ay nasa Metro Manila, milyon milyon na ang halaga ng inyong magiging lupain.
Binabati ko po ang mga unang benepisyaryo na nagawaran ng CELA. ‘Yong iba po na kulang pa sa dokumento o requirements, mangyari po lamang na makipag-ugnay kayo sa PIAC o sa kinauukulang ahensya upang mapabilang kayo sa susunod na grupo na pagkakalooban ng CELA.
Sa mga susunod na araw ay puspusan na po nating isusulong at tututukan ang implementasyon ng inyong proyekto. Sa pamamagitan po ng inyong patuloy na kooperasyon at aktibong partisipasyon sa lahat ng proseso, at sa inyong mahalagang mga suhestiyon sa Project Inter-Agency Committee (PIAC) para sa ikagaganda ng proyekto, makaka-asa po tayong lahat sa tagumpay nito.
Mabuhay po kayong lahat at maraming salamat.