DISTRIBUTION OF CERTIFICATES OF LOT AWARD TO BENEFICIARIES OF EXECUTIVE ORDER NO. 48, SERIES OF 2001 31 January 2015 Cuyapo, Nueva Ecija

            Isang mapagpalang araw po sa inyo, lalo na sa ating makisig, matikas at masipag na Punongbayan na walang iba kundi si Mayor Amado R. Corpus, Jr.  Nagpupugay din po sa mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Cuyapo.

            Noong nagdaang taon pa po ako dapat bumisita sa inyo subalit minabuti po namin na maglaan ng sapat na oras upang kayo ay makasama sa espesyal na araw na ito.  At ako po ay lubos na nagpapasalamat dahil kasama ninyo ako sa panahong matagal na ninyong pinapangarap, ang magkaroon ng kasiguruhan sa lupang kinatatayuan ng inyong mga tahanan.  

            Alam ko po na ang iba sa inyo ay ilang dekada nang nakatira dito sa lupaing ito.  Pero, sa kabila nito, hindi naaalis ang pangamba o takot na mapaalis kayo sa inyong mga tirahan anumang oras dahil ito ay pag-aari ng pamahalaan.  Ngayon, mawawala na ang pangambang ito at magkakaroon na kayo ng peace of mind.  

            Ang paggawad ng Certificate of Lot Award ay nagkatotoo dahil sa pakikipag-ugnayan at pagtutulungan ng mga ahensiya ng gobyerno, lalong lalo na ng Philippine National Railways, upang mapasainyo na ang lupaing matagal ninyo nang tinitirhan. 

            Samantala, ang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) sa ilalim ng pamumuno ng inyong lingkod ay nagbigay ng halagang 1.5 Million Pesos sa lokal na Pamahalaan ng Cuyapo upang ipasukat ang mga lupang nasasakop ng PNR. At ito po ay nakapag-generate ng humigit kumulang isang libo’t limang daang (1500) lote.  

            Sa sipag at tiyaga ni Mayor Jong Corpus, ng kanyang mga tauhan sa Municipal Planning and Development Office, at ibang mga miyembro ng Local Inter-Agency Committee o LIAC, unti-unting naayos ang mga dokumento ninyo.

            Isa sa mga pinakamasayang miyembro ng Local Inter-Agency Committee ay si Dr. Manny Velasco na siyang namumuno ng MPDC.  Mula pa raw pagka-bata, nadadaanan na ni Doc Manny ang mga bahay sa tabi ng riles at noon pa ay inasam na niyang makatulong sa mga pamilyang ito.  Kaya’t bilang Municipal Planning and Development Officer, ginawa ni Doc Manny at ng mga miyembro ng LIAC ang lahat upang matupad ang matagal na ninyong pangarap.  Palakpakan naman po natin ang lahat ng nag-trabaho para maisakatuparan ang programang ito.

            Kung masaya ang mga tumulong, sigurado akong higit na masaya ang tatlong daan at walumpu’t-anim (386) na pamilyang nabiyayaan.  Isa na rito ay si Ginang Levita Alejandria na ka-reretiro pa lamang bilang empleyado ng munisipyo noong January 4.  Dekada sitenta (70’S) pa nang tumira si Aling Levita sa tabing riles at ang kanyan tiyuhin na nag-iwan sa kanya ng bahay na kanyang tinitirhan ay isa daw sa mga unang nakatira sa tabing riles.  Pagkatapos ng mahigit tatlumpung taon, natanggap na rin ni Aling Levita ang kanyang Certificate of Lot Award. Parang maituturing na regalo ito sa pagtatapos ni Aling Levita  sa kanyang panunungkulan sa lokal na pamahalaan.

            Ang pagkaroon ng CELA ay isa lamang po sa mga proseso upang lubos na maging inyo na ang lupa bilang mga benepisyaryo sa ilalim ng Executive Order No. 48.  Ang kasunod po ay ang pagtupad ninyo sa mga obligasyon bilang mga homeowners.  Sana po ito ay matiyaga ninyong tuparin ang mga obligasyong ito at pangalagaan ang inyong ari-ariang lote at huwag ninyong hayaang mawala.

            Mga kababayan, hindi po lahat ng pamilya ay kasing-palad ninyo na magawaran ng karapatan sa tinitirhang lupa.  at dama ko ang inyong kaligayahan.  

            Kaya’t, hindi ko talaga pinalampas ang araw na ito na hindi kayo makasama.  Ang lahat pong ito ay aking gagawin dahil kayo ay mahalaga sa akin.

            Umasa po kayong patuloy kong gagawin ang aking tungkulin sa kabila ng mga pagsubok na kinahaharap ko at ng aking pamilya.  Sa kabila ng batikos at akusasyon sa akin ng wala naman pong ebidensya, ang inyo pong lingkod ay naririto ngayon upang gampanan ang tungkuling iniatas sa atin ng nakararaming taong bayan.  Trabaho po muna bago pulitika.  Utang ko sa bayan ang aking kinalalagyan at nararapat lamang na suklian ko ito ng matapat na paglilingkod.

            Maraming salamat po.