MESSAGE OF HIS EXCELLENCY BENIGNO S. AQUINO III TO THE 24TH SUBDIVISION AND HOUSING DEVELOPERS ASSOCIATION, INC. (SHDA)-HOUSING AND URBAN DEVELOPMENT COORDINATING COUNCIL (HUDCC) NATIONAL DEVELOPERS CONVENTION 17 SEPTEMBER 2015, MAKATI SHANGRI-LA, MAKATI

            Ikinararangal ko pong magsalita para sa ating mahal na Pangulo. Narito ang kanyang mensahe para sa okasyong ito:

            Gaya po ng ating panata sa sambayanan:  Sa tuwid na daan, walang maiiwan. Hangad po natin ang pag-angat na pinakikinabangan, hindi lang ng iilan, kundi ng mas nakakarami. Kaya naman sa mahigit limang taon ng mabuting pamamahala, maigting po nating itinataguyod ang siklo ng bayanihan at pagbibigay lakas sa ating mamamayan.

            Sagisag ang pagtitipon natin ngayon sa ating kolektibong pagkilos tungo sa katuparan ng panatang ito. Sa pagbubuklod ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) at ng Subdivision and Housing Developers’ Association (SHDA), sinisikap po nating tugunan ang isa sa pangunahing pangangailangan ng ating mga kababayan— ang magkaroon ng sariling tahanan.

            Kaya naman sa inyo pong lahat na patuloy na nagpapamalas ng dedikasyong maglingkod, lalo na sa mas nangangailangan, maraming salamat po.

            Batid po natin: Hindi biro ang mga problemang kinakaharap natin sa sektor ng pabahay. Mahigit kalahating milyung pamilya sa kalakhang Maynila ang nakatira sa mga lupang di nila pag-aari, sa mga pamayanang di ligtas, walang sanitasyon at salat sa serbisyo. Sa bilang na ito, mahigit 100,000 pamilya ang naninirahan sa mga tinaguriang danger zones. Kasabay nito, nariyan din ang iba pang balakid kaya hindi agarang masolusyunan ang suliranin sa sektor na ito. Nariyan ang patuloy na paglaki ng populasyon, ang pagsisiksikan sa lungsod, at ang pagkasira ng mga tahanan dahil sa kalamidad. Siyempre, hindi rin basta-basta makakapagpatayo ng bahay, lalo pa’t kailangang hanapan ng pondo ang pagbili ng lupa at mga materyales. Gayunpaman, patuloy na sinasagad ng inyong gobyerno ang lahat ng makakaya nito upang tugunan ang problema. Sa patuloy na pakikiisa ng pribadong sektor— tulad ng mga developer na kasama natin ngayon— pihadong maipagpapatuloy natin, kundi man mahihigitan pa, ang nakamit nating mga tagumpay sa sektor ng pabahay nitong nakaraang mga taon.   

            Sa ilalim nga po ng ating administrasyon, itinaas natin ang pondo para sa socialized housing for informal settlers. Ang hangad natin: Ilayo sila sa peligrosong mga lugar, at pagkalooban sila ng maayos na pabahay sa ligtas na komunidad. Suma-tutal, 50 bilyong piso na ang inilaan natin para mabigyan ng pabahay ang higit 104,000 na informal settlers. Sa kasalukuyan po, 63,179 in-city and near o off-city housing units  na ang ating nakumpleto, habang 39,290 naman ang ongoing ang konstruksiyon.

            Nagkaloob na rin po tayo ng housing assistance sa mga pamilyang napinsala at nawasak ang tahanan ng kalamidad. Ginawa nating mas madali at mas mabilis para sa ating mga kababayan ang makahiram ng pera; ibinaba natin ang interest rates para mas maengganyo silang humiram ng pantustos sa pagpapagawa ng bahay.

            Patuloy din po ang ating programang pabahay para sa unipormadong hanay. Ngayon po, nasa 57,328 units na ang nakumpletong housing units para sa kanila, at target po nating mas mapalawak pa ang sakop nito. Siyempre, ito pong mga pabahay na ito, talagang sistematiko at pinag-isipan; naaayon ito sa Comprehensive Land Use Plan (CLUP) at Local Shelter Plan (LSP) ng mga lokal na pamahalaan.

            Makakaasa ang ating mga kababayan: Isinusulong natin ang abot-kayang mga pabahay, na may maayos at matatag na kalidad.

            Tunay po: Malayo na ang ating narating. Sa patuloy nating pagmamalasakit sa kapwa, at pagpanig sa tama at makatwiran, tiyak pong mas matatayog pang pangarap ang ating makakamit. Patuloy lang po tayong humakbang sa iisang direksyon, at ipamana sa susunod na henerasyon ang di hamak mas patas na lipunan— isang lipunang tumatamasa ng kaunlaran kung saan walang Pilipinong maiiwan.      

            Maraming salamat po.