Magandang umaga sa inyong lahat!
Una sa lahat ay gusto kong magpasalamat sa inyong lahat, lalo na sa ating magigiting na alkalde ng Cainta, Rizal at Pasig sa napakainit na pagtanggap ninyo sa amin dito.
Isang karangalan po ang makasama kayo, mga kasapi ng Villa Cuana III Homeowners Association Phase 5.
Napakaganda po ng araw na ito para sa ating lahat, lalo na po sa mga pamilya na ngayon ay magagantimpalaan ng mga Certificates of Lot Allotment o CELA.
Ako ay nagagalak at nabigyan ako ng pagkakataon upang mamahagi ng mga CELA sa mga karapatdapat na pamilya. Sa wari ko, ito na po ang simula tungo sa pagkakaroon ninyo ng sariling lupa at tahanan. Binabati ko po kayo sa inyong pagpupursige upang maabot ang puntong ito.
Bilang Chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council, layunin ko po patotohanan ang mga adhikain ng administrayong Aquino. At yan po ay ang mabigyan ang mamamayang Pilipino, lalo na ang mga kapwa natin na mahihirap, ng kanilang sariling tahanan upang sila ay mabigyan ng pagkakataon na mabuhay na may dignidad at payapa ang isipan.
Alam ko ang kahalagahan ng pagkakaron ng sariling lupa at tahanan. Sa ating mga tahanan ay nakakaramdam tayo na tayo ay ligtas at, wika nga nila, ramdam natin na tayo ang hari o reyna sa sarili nating tahanan.
Alam ko po na marami sa atin dito ay pawang payak na manggagawa na nais lamang magkaroon ng tirahan. Ngayong araw ay mabibigyan kayo ng pagkakataon na magkaroon ng mga loteng matatawag ninyong inyo. Nawa ay magsilbi itong inspirasyon sa inyo. Upang lalong magsumikap upang mapabuti ang ating buhay.
Umasa naman po kayo na kami sa pamahalaan ay patuloy na gagawa ng mga hakbang upang lalong mapaganda ang buhay ng lahat ng mamamayan. Patuloy po namin pagtitibayin ang mga programa tulad ng Community Mortgage Program na nagtatalaga ng isang kakaibang sistema sa pagpapautang sa pabahay, kung saan maaaring matugunan -- sa pamamagitan ng pag-uunawaan, pagkakasundo, pagtutulungan, at demokratikong proseso---ang kaseguruhan sa lupa at pabahay, lalo na sa mga kapwa natin na maliliit lamang ang kita.
Umaasa po kami na inyong susuklian ang paglilingkod ng pamahalaan na ito sa pamamagitan ng pagtupad sa ating mga napagkasunduan at sa pagalaga sa mga loteng ginawad sa inyo.
Umaasa din po ako na kayo ay magiging tapat sa pagbalik sa ipinahiram na pondo ng cmp. Ito ay upang mapalawak at mapatagal ang pondo at higit sa lahat ay upang matustusan din ang pangangailangan sa pabahay ng marami pa nating mga kababayang walang sariling tahanan.
Ako po ay naniniwala na kung tayo ay magkakaisa at magtutulungan mas mapapabilis ang paglikha natin ng isang maunlad at masaganang pilipinas.
Magsama-sama po tayong lahat at kumilos para sa ikagaganda ng buhay nating lahat.
Maraming salamat po.
Mabuhay tayong lahat!