Una sa lahat, maraming salamat sa inyong pagdalo dito sa 5th housing fair 2010. Isang masayang karangalan ang maging host ninyo—lahat ng mga kinatawan ng sektor ng pamahalaan sa housing, at sa pribadong mga kumpanya at negosyo sa pabahay.
Ang fair sa mga unang panahon ay ibig sabihin ay karnabal—isang pagtitipuntipon ng mga magkakatulad ng hanapbuhay upang magpakitang-gilas ng kanilang mga kakayahan at kalakal. At habang ibinabandila nila ang mga ito, ang buong okasyon din ay pagkakataong magsaya.
Kaya huwag tayong matatakot na maging karnabal ang ating Housing Fair. Gawin nating itong Karnabal ng Kahusayan sa Pabahay. At kung dati ang slogan natin ay “Kay Binay gaganda ang buhay,” ngayon gagawin na natin itong “Kay Binay gaganda ang bahay.”
Para sa kaalaman ng marami, ang housing fair po ay ginaganap taon-taon sa pangunguna ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), ang tanggapan na pinagtalagahan ng ating President Noynoy Aquino sa inyong lingkod.
Kasama po namin sa programang ito ang mga ahensyang pabahay ng gobyerno—ang Pag-Ibig Fund, National Housing Authority, Social Housing Finance Corporation, National Home Mortgage Finance Corporation, Home Guaranty Corporation, at Housing and Land Use Regulatory Board. Nandirito rin ang Social Security System, Government Service Insurance System at Bangko Sentral Ng Pilipinas para i-alok din ang kanilang mga acquired properties.
Marahil kayo ay nagtataka kung bakit pang-lima na itong Housing Fair samantalang kakaupo ko lang bilang chairman ng HUDCC. Simple lang ang dahilan, mas nauna ito kaysa sa akin. Nang nire-review ko ang mga programang kasalukuyang ipinapatupad ng HUDCC, itinanong ko lagi sa sarili ko kung ano at aling mga programa ang magdudulot ng kabutihan sa mga ordinaryong tao.
Ang Housing Fair po ay nakitaan ko ng potensyal na makatulong sa ating mga kababayan na magkaroon ng sariling tahanan sa abot-kayang halaga. Kahit hindi ako ang nagsimula sa programang ito, di ako mag-aalinlangan na ipagpatuloy ito dahil alam kong may mabuting maidudulot ito sa lahat ng nais magkabahay.
Ngunit ano nga ba ang nakapaloob sa programang Housing Fair?
Maliban sa nasabi ko nang layunin at benepisyo nito, ang Housing Fair ay isang paraan ng mga ahensya ng pabahay na maibenta ang mga acquired properties nila upang sa gayon ang nalikom nilang pera ay magamit muli para sa kapakinabangan ng iba.
Minsan ho, may lumapit sa akin na humihingi ng tulong dahil ang bahay daw nila ay nakasama sa listahan ng ibenebenta sa Housing Fair. Nang tinanong ko siya kung bakit, sinabi niya sa akin na mahigit limang taon na raw sila hindi nakakabayad. Nang tinanong ko siyang muli kung kailan na-take out yung bahay, ang sagot sa akin ay limang taon na ang nakalilipas. Naisip ko, kung limang taon na niya nakuha ang bahay at limang taon na din siyang di nakakapagbayad, aba’y simula umpisa pala ay di siya nagbayad.
Ganito po ang punto ko: May obligasyon ho tayo bilang borrowers.
Ang utang ay dapat bayaran, ganoon kasimple ang obligasyon. Subalit maluwag tayo ng kaunti. Naiintindihan natin ang sitwasyon ng marami: nangailangan ng pambayad sa ospital, o ng pambayad sa tuition ng anak. Pero nasa kuwentahan po natin iyan ng kapabilidad ng bawat borrower na magbayad. Kung hindi kayang bayaran ay hindi pinapautang ang isang potential borrower. Kasama iyan sa kuwalipikasyong makapangutang.
Naiintindihan po namin na minsan, may mga pangyayari sa ating mga buhay na kinakailangan unahin muna natin ang mas mahalagang bayarin gaya ng pagpapa-ospital o pagbabayad ng tuition fee ng ating mga anak. Kaya nga po hindi ganun ka-agresibo sa paniningil ang ating mga financing institutions at inaabot pa ng ilang taon bago mag-foreclose ng property na hindi na binabayaran ng borrower.
Subalit sa kabila nito ang mga government financing institutions ay umiiwas sa foreclosure habang maaari. Mahaba, magastos, at nakababagot ang foreclosure proceedings. Dagdag na dalahin ng ahensiya mismo.
Pero, laging may “pero”—kung wala nang magagawa, nag-iilit ang gobiyerno. Kailangan tayong sumunod sa policies and regulations upang pangalagaan ang kapakanan ng iba at bawat miyembro lalo na ng Pag-ibig, hindi lang ng iisa. Tulad ng lagi kung sinasabi, ang bawat hindi pagbayad-utang ay katumbas ng kawalang pagkakataong makapangutang ng ibang miyembro. Para bang, kung di mo binayaran ang utang mo, kinuha, inangkin, or parang ninakaw mo ang dapat ipautang sa ibang nangangailangan.
Kailangan umikot ang pera. Iyan ang buhay ng pautang. Kung hihinto ang pagbayad ng marami, mamamatay ang pautang. Kung sumali na tayo minsan sa paluwagan, alam nating lahat iyan. Simple lang ang konsepto.
Ang gobiyerno ay gumagawa ng programa para sa lahat. Ang programa ng pabahay ay para sa lahat. Pagnangutang ka sa pabahay, maraming katulad mo na pamilyang Filipino na gusto at nangangarap ding magkabahay para sa kinabukasan. Kaya bawat utang ay may obligasyon, may takdang araw ng pagbayad. Habang nagbabayad ka, nagkakaroon ng pagkakataon na mangutang din ang iba. Habang nagmimintis ka sa pagbayad, o ayaw mong magbayad, ipinagkakait mo sa iba ang kanilang pangarap na magkabahay. Ganyan lang ang takbo at proseso ng housing finance.
Kaya, kung may obligasyon, bawasan ang mga di-kailangang gastos. Siguro inom at sigarilyo, sugal at text na di importante—lahat ng makakabawas sa pambayad natin ng obligasyon.
Kaya, tulad ng sabi ko, habang umiikot ang pera, umiikot din ang pagkakataong magkabahay ang ibang pamilyang Pilipino na tulad mo, tulad ko, at tulad nating lahat.
At present, we have a housing need estimated at 3.6 million. Multiply that by 70 thousand pesos—the cheapest cost, based on record, for building a housing unit measuring more or less 24 square meters. Imagine, we would need a budget of around 252 billion pesos just to address the housing need, yung lupa di pa kasali.
Mabuti na lang, nandiyan ang mga private developers na nakiki-isa rin sa atin sa mithiing makapagbigay ng pagkakataon sa ating mga kababayan na magkaroon ng sariling bahay. Nariyan din sila upang makipag-negosyo sa pabahay ng gobiyerno. Kung lugi sila, e, sino pa ang papayag na maging ka-negosyo ng gobiyerno sa pabahay?
For those of you who wish to acquire a newly built housing unit, you may look around and check out the brand new model units on display here. They are offerings from private developers. Kasama rin po natin sila dito.
Ang Housing Fair ay isang one-stop shop sa pabahay. Sa loob ng tatlong araw, nandito ang buong pwersa ng mga ahensya sa pabahay at may mga private developers pa. Kaya di mo na kailangan magpunta pa sa iba’t-ibang ahensya para lang tumingin sa mga bahay na kanilang ibenebenta.
Pero tuloy-tuloy ho ang pagbebenta ng acquired properties sa buong taon. Yun hong hindi nakapunta dito ngayon, pwede silang dumeretso sa mga ahensya na nagbebenta ng acquired properties.
Kung sa halaga naman ang pag-uusapan, abot-kaya po ang halaga ng mga acquired properties na inyong makikita dito. Maliit din ang interes na ipinapataw sa housing loan. Maaari pa itong bayaran ng hanggang tatlumpong taon.
Mabanggit ko na rin ang mga bagong disenyo ng mga bahay para sa mga proyekto ng National Housing Authority. Kadalasan ho nakakarinig tayo ng mga reklamo tungkol sa mga bahay sa resettlement sites na hindi kaaya-aya. Sa malapit na panahon, ang mga bahay sa resettlement sites ay maikukumpara na sa mga bahay sa subdivision.
Kailangang isulong natin ang mga makabagong disenyong ito dahil bukod sa maganda at mura, kadalasan ay environment-friendly pa ang mga materyales na ginagamit sa pag-gawa nito.
Mayroon na tayong iilang developers na kinikilala ng NHA, sa pamamagitan ng accreditation of innovative technologies for housing o aitech, na makakagawa ng mga makabagong disenyong ito.
Bago po ako sa aking katungkulan bilang HUDCC chairman, pero makaaasa kayo na pinag-aaralan kong mabuti kung saan pa maaaayos at magagawang kapakipakinabang ang ating mga programang pabahay. Inumpisahan na nating ang mga reporma, abangan natin ang pakinabang ng mga ito para sa lahat.
Ito ang ipinangangako ko sa inyo: anumang programang isusulong ko ay kailangang yaong may higit na pakinabang sa mga ordinaryong Filipino. Pinag-aaralan na po namin, halimbawa, kung maaari pang pababaan ang kasalukuyang interes na 6%.
Ang nakaraang kontrobersya na may pinaboran daw na developer sa programa, at dahilan ng pag-aalinlangan ng ibang developer, ay inaatupag na natin. Gaya ng sinabi ko na, hindi maapektuhan nito ang interes ng ating mga miyembro ng Pag-Ibig. Gaya ng sinabi ka na rin, dito sa mga ganitong problema nakatutok ang ating mga panukalang reporma.
Kasama sa repormang ito ang pakikisangkot at pakikipagtulungan ng lahat. Kung may nakikita kayong di kaiga-igayang gawain ng aming mga kasama sa mga ahensiyang pabahay, huwag pong mag-atubiling isumbong sa akin. Pero, siyempre siguruhin din totoo at may katotohanan ang irereport na katiwalian. Hindi ko ito hahayaang mangyari habang ako’y nakabantay bilang pinuno ng HUDCC.
Samantala, ituloy natin ang lahat ng aktibidades dito sa Housing Fair. Ibandila natin ang ating mga kakayahan dito sa Karnabal ng Kahusayan sa Pabahay.
At tayo’y malalapit pa sa katuparang ng pinapangarap na sapat na pabahay para sa lahat ng nangailangang Filipino.
Mabuhay po tayong lahat!