BRGY OFFICIALS, DAPAT MAGING EMPLEYADO NG GOBYERNO –VP BINAY (Posted: Wednesday, April 09, 2014)

            Sinabi ni Vice President Jejomar C. Binay na dapat maging empleyado ng gobyerno ang mga opisyal ng barangay upang makatanggap sila ng mga minamandatong benepisyo.

            “Noon pa man, since I was the mayor of Makati, [I had already been pushing for barangay officials to become government employees],” sabi ni Binay sa kanyang pagbisita sa Calasiao, Pangasinan nitong Martes.

            Ikinalungkot ni Binay na walang natatatanggap na benepisyo ang mga opisyal ng barangay pagkatapos nilang magretiro.

            “Mag-retire sila, walang makukuha. Magandang maging member sila ng Pag-IBIG, magkaroon ng GSIS at Philhealth. Ang mga ‘yan mandatory if you are a government employee,” aniya.

            Sinabi ng Vice President na may naisumeting panukalang batas sa nakaraang Kongreso ngunit hindi ito naaprubahan.

            “Actually, may pending legislation ‘yan, natulog na naman ‘ata. Sabi ko kay Senator Nancy [Binay], buhayin niya,” sabi niya.

            Sinabi ni Binay na kasama sa isinusulong niya ay ang pagsusuri sa pamamaraan ng pagpapasahod sa mga opisyal ng barangay.

            “May mahirap na lugar at may mayaman na lugar. Sa mayaman na lugar, mataas din naman ang standard of living. Kung kaya naman ng local government, bakit hindi taasan,” he said.

            Noong 2012, inanunsiyo ni Binay, chairman ng Pag-IBIG Fund, ang paglagda ng isang memorandum of agreement sa pagitan ng Pag-IBIG at ang Liga ng mga Barangay, na pinapayagang maging miyembro ng Pag-IBIG ang mga barangay captain at kanilang mga kagawad.

            Bilang mga miyembro ng Pag-IBIG Fund, maaring makakuha ang mga opisyal ng barangay ng multi-purpose loans para sa mga pangangailang pang-edukasyon o kalusugan. Maaari rin silang makakuha ng calamity loans, housing loans, at iba pang mga benibisyo inaalok ng Pag-IBIG.

            Sa kasalukuyan ay tumatanggap ng buwanang honorarium ang mga opisyal ng barangay, kabilang ang mga barangay captain, kagawad, at health workers, sa halip ng regular na sahod mula sa gobyerno.