Region IV-A Pabahay Caravan, Filipiniana Hotel, Calapan City, Oriental Mindoro (October 07, 2011)

            Mga kapwa ko naglilingkod sa bayan, mga kaibigan sa sektor ng pabahay, at mga panauhin, magandang umaga sa inyo.

            Ako po ay nagagalak at nagpapasalamat sa mainit na pagtanggap ninyo sa buong pwersa ng pamahalaang sektor ng pabahay dito sa Rehiyong MIMAROPA.

            Noong tinitingnan namin ang kabuuan ng lupain dito sa Region 4-B, aaminin kong pumasok sa aming isipan na medyo malaking hamon sa ating lahat ang lupain dito upang ayusin at pagtayuan ng pabahay.

            Batay sa aming mga naipong kaalaman, ang Region 4-B ay may mahigit dalawang milyon at pitong daang libong (2,700,000) ektaryang land area. Isang milyon at pitong daang libong (1,700,000) ektarya rito ay nasa klasipikasyon na forestland at halos isang milyong (1,000,000) ektarya naman ang alienable and disposable land.

            Sa isang milyong alienable and disposable land na ito, mahigit limang daang libong (500,000) ektarya ang tinatawag na arable land o maaaring taniman. Ibig sabihin, mahigit apat na raang libong (400,000) ektarya na lamang ang natitirang lupain na mailalaan sa pabahay.

            Kung iuugnay ito sa mahigit limang daan at apa’t napung libong (540,000) pamilya sa MIMAROPA na may katumbas na dalawang milyon at limang daang libong (2,500,000) kabuuang populasyon, isa itong hamon sa sektor ng pabahay at ang mga lokal na pamahaalan ng Region 4-B. Ang magandang balita, sa Pabahay Caravan, maaari nating harapin ang hamong ito kung tayo ay magtutulungan.

            Ang pinaka epektibong solusyon sa kakulangan ng lupaing mailalaan sa pabahay ay ang pagbuo ng Comprehensive Land Use Plan o CLUP at Local Shelter Plan (LSP).

            Ang CLUP ang nagiging gabay sa mga lokal na pamahalaan sa pagtukoy ng mga lupain ang angkop na pagtayuan ng mga bahay at kung alin ang nararapat sa agrikultura, industriya, komersiyo, at iba pang gamit sa lupa.

            Bukod dito, ang CLUP ay nagbibigay rin ng malinaw na panuntunan sa mga investors upang malaman nila ang mga lokasyon na maaaring pagtayuan ng negosyo at kung anong klase ito.

            Ayon sa Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) na mayroon pang labindalawang (12) lokal na pamahalaan dito sa Region 4-B ang wala pang CLUPs. Sa pitumpu’t tatlong (73) local government units (LGUs) dito, tatlumpu’t dalawang (32) LGUs lamang ang updated ang CLUPs.

            Kaya magandang balita sa inyo ang inilunsad natin kanina – Ang cluster approach ng HLURB sa pagbigay ng technical assistance para sa mga local governments na wala pang CLUPs, kasama na rin yung mga kailangan nang mag-update ng kanilang CLUPs.

            Inuulit ko po, napakahalaga ng CLUP lalo na dito sa MIMAROPA. Bukod sa gamit nito sa programang pabahay, malaki ang maitutulong nito sa pangangalaga ng mga wildlife species na dito lamang sa inyong rehiyon matatagpuan. Kasama rito ang tamaraw, Palawan flying fox, Mindoro imperial pigeon, at Palawan hornbill.

            Sa pagbuo naman ng Local Shelter Plan, ang Housing and Urban Development Coordinating Council ang inyong katulong. Ang LSP ang gabay sa pagtugon sa pangangailangan ng pabahay batay sa inyong mga pagkukunan o resources.

            Noong taong 2007, umangat ang ekonomiya ng MIMAROPA ng mahigit siyam na porsyento (9%). Bumagal ito noong taong 2009 pero umangat pa rin ng 0.8 percent.

            Bunga  ng umaangat na ekonomiya ay ang pagtaas ng demand sa pabahay. Alam natin kung gaano kahalaga sa ating mga filipino ang magkaroon ng sariling lupa at bahay. Totoo ito sa mga informal settlers at mas lalong totoo sa mga taong may kakayahang magbayad ng housing loan.

            Kaya kung pinaghahandaan natin ang mga pangangailangang ito, ganoon din ang paghahanda ng pamahalaan na umagapay sa mas maraming tao na makamit ang pangangailangang ito. Sa pautang para sa pagpapatayo ng bahay, ang Pag-ibig Fund ang aalalay sa inyo.

            Sa group housing program ng Pag-ibig, ang mga LGUs ay pwedeng makahiram ng pondo upang ipagtayo ng mga residential projects ang mga manggagawa sa kanilang lugar at iba pang miyembro ng Pag-Ibig Fund, tulad ng mga kawani mismo ng LGUs.

            Basta may lupa kayo at may identified beneficiaries na, makapagpapahiram ang Pag-ibig Fund sa inyo ng hanggang dalawampung milyong piso (P20,000,000) bawat phase ng subdivision project.

            At para madali ninyo itong mabayaran, maglalaan pa rin ang Pag-ibig ng ipapahiram sa bawat miyembro nitong ibig bumili ng bahay na inyong ipinatayo. Sa taong ito, limampung bilyong piso (50 billion pesos) ang inilaan ng Pag-ibig para sa mga housing loan ng kanilang mga miyembro, at tatlumpung bilyon na ang naipahiram.

            Dito sa MIMAROPA, mahigit isang daan at walumpung milyong piso (p180,000,000) ang naipahiram simula noong Enero, na may katumbas na dalawang daan at walumpung (280) housing units.

            Puede pa po kayong magsimula ng proyekto dito dahil may dalawampung bilyon pa ang Pag-ibig na nakalaan sa inyo.

            Sa programang pabahay naman para sa mga informal settlers, ang resettlement assistance program ang National Housing Authority (NHA) ay nagsasagawa ng relokasyon. Nakalaan ito sa  mga informal settlers na nakatira sa lugar na tatamaan ng proyekto ng gobyerno, at pati sa mga nakatira sa tinatawag na danger areas gaya ng estero, creek at iba pang daanan ng tubig.

            Ang NHA po ang siyang nagsasagawa ng site development kasama na ang pagpapatayo ng mga bahay, at ang counterpart ng LGU ay lupa.

            Mayroong apat (4) na resettlement project ang naitayo ng NHA sa Palawan na nakapag-bigay benepisyo sa mahigit tatlong daan at animnapung (360) pamilya mula sa mga bayan ng San Vicente, Aborlan at Puerto Princesa City.

            Aktibo din sa pabahay ang ating mga kinatawan sa mga distrito dito sa MIMAROPA dahil mahigit-kumulang dalawampung milyong piso (P20,000,000) ang pondo na nanggaling sa local housing fund ng mga kongresista. Ipinambili ito ng lupa na ipinamahagi sa mga mahihirap nating kababayan.

            Sa susunod na taon, may mga proyekto pang isasagawa ang NHA sa rehiyong ito na inaasahang makapagpapabahay sa isang libo’t limang daang pamilya (1,500). Katumbas nito ang mahigit-kumulang isang daang milyong pisong (P100,000,000) pondo.

            Sa mga informal settlers na ibig bilhin ang lupa na kinatitirikan ng kanilang mga bahay, pwede silang matulungan ng LGUs sa pamamagitan ng Localized Community Mortgage Program (LCMP) ng Social Housing Finance Corporation (SHFC).

            Sa LCMP, tumutulong ang SHFC sa pagdagdag ng pondo ng LGUs para sa pabahay.

            Maaaring umabot sa pitumpu’t limang (75%) porsyento ng kabuuang halaga ng isang proyekto ang maipapautang ng SHFC sa LGU.

            Sa kasalukuyan, ang Puerto Princesa City pa lamang po ang LCMP-accredited LGU sa Region 4-B.  At hinihintay na naming ipasok nila ito sa lCMP.

            Mayroon din kaming tinatawag na regular CMP. Sa ilalim nito, mahigit-kumulang siyam na libong (9,000) pamilya na sa Region 4-B ang nakinabang sa halagang halos apat na raang milyong piso (P400,000,000).

            At sa kasalukuyan, mayroong mga in-process CMP projects dito sa MIMAROPA na nagkakahalaga ng mahigit-kumulang pitumpu’t milyong piso (70,000,000) para sa halos isang libong (1,000) pamilya.

            Ibig ko pong banggitin na maliban sa pina-igting na pakikipag-ugnayan at pakikipag-tulungan namin sa mga LGUs para sa pagpapatupad ng mga proyektong pabahay, mayroon din kaming sector-specific housing programs gaya ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police Housing Project at housing program for the indigenous peoples.

            Ang AFP/PNP housing program, na pinaglaanan ni Pangulong Aquino ng apat na bilyong piso ngayong taon, ay naglalayong magpatayo ng 21,800 housing units. Mahigit walong libo rito ay nasa iba’t ibang stages of development sa Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal, at ang iba nga ay nai-award na natin noong Hulyo.

            Sinisimulan na rin naming pag-usapan ang phase two ng programang ito na ipapatupad naman sa Visayas at Mindanao sa susunod na taon.

            Sa indigenous peoples’ housing program naman, una makikinabang ang ating mga kababayang Ayta sa pampanga. Tatlong daan at limampung (350) bahay ang unang itatayo natin para sa kanila na nagkakahalaga ng labing apat na milyong piso (P14,000,000).

            Ayan, naipaalam na po namin sa inyo ang iba’t ibang programang pabahay ng aming mga ahensiya.  Simula ito sa ating nagkakaisang landas tungo sa kaganapan ng mga pangarap ng marami nating kababayan.simulan natin ang magandang buhay sa pagkakaroon nila ng sariling bahay.

            Maraming salamat po.​