Hayaan ninyong sambitin kong muli ang ating pinaniniwalaan sa sektor ng pabahay: ang sariling bahay ang simula ng magandang buhay.
Sa loob ng tatlumpu’t anim na taon, ang NHA ay kinilala- at patuloy na kinikilala - ng sambayanang Pilipino bilang pangunahing ahensyang tagahatid at tagalaan ng abot-kayang pabahay para sa mga mahihirap nating kababayan. Para sa nakararami nating kapwa Pilipino, ang NHA ang kaagapay nila para makamit ang pangarap na sariling bahay.
Masasabi natin na ang NHA ay isa mga ahensiya ng gobyerno na instrumento sa pagbibigay buhay sa mga tinatawag na social justice provisions ng ating Saligang Batas. Sa mga ahensiyang gaya ng NHA nabibigyang hugis ang tungkulin ng estado na tiyakin na ang bawat Pilipino, lalo na iyong mga naghihikahos, ay mabibigyan ng katarungang panglipunan.
Kaya ang inyong temang “NHA: Tapat na Kaagapay sa Programang Pabahay at Masiglang Pamumuhay” ay tunay na angkop sa inyong tungkulin at mandato. At higit pa roon, ito’y nagpapaalala sa atin ng mahalagang tungkulin ng NHA sa pagbuo ng maaayos at matitiwasay na komunidad, upang ang mga kababayan natin na nakatira roon ay umunlad at mabuhay nang may dignidad at seguridad.
Ang serbisyong ito ay naipakita ninyo kamakailan lamang sa maayos at makataong pagpapalikas sa limang daan at pitumpung (570) pamilya sa Vitas Tenement Project sa Tondo, Maynila. Sa pagkakataong ito, nais kong pasalamatan ang lahat ng bumubuo sa Local Inter-Agency Committee (LIAC) at iba pang empleyado ng NHA na tumulong dito, at ang mga ahensiya at organisasyon na kaagapay rin natin sa matagumpay na relokasyon.
Ang matagumpay na pagpapalikas sa mga pamilya sa nasabing tenement ay patunay na mahalaga ang pagtutulungan at pagkakaisa, hindi lamang ng mga ahensiya ng gobyerno bagkus ay kasama ang mga mamamayan.
May katulad na proyektoito sa Taguig at sa ibang bahagi ng Maynila at umaasa ako na sana ay maisagawa rin natin ito nang maayos sa lalong madaling panahon. Ngunit alam ko na hindi nagtatapos sa paggawa ng bahay at paglilikas ang ating tungkulin. Simula nang isang taon, sinisiguro natin na ang kanilang malilipatan ay may sapat na mga pasilidad at gamit sa pang-araw-araw. Tinitiyak natin na may mapagkukunan ng kabuhayan, at nagbubuo tayo ng mga nagkakaisang komunidad. Ito ay hindi lamang sa mga taga-Vitas kung hindi para sa lahat ng mga kababayan na nailipat at ililipat natin.
Ngunit sa bawat Vitas, ay mayroon namang katapat na usapin gaya ng North Triangle. Batid ko na may kahirapan ang usapin sa pagpapalikas ng mga ikababayan natin sa North Triangle pero naniniwala ako na malulunasan din natin ito, basta’t nagkakaisa tayo at buo ang ating paniniwala na ang ating ginagawa ang narapapat at para sa ikabubuti ng nakararami.
The NHA has proven its capability and resiliency through the years. Despite your agency’s limited resources and the challenges you have faced, you have been able to deliver on your mandate.
A proof of this is NHA’s successful production and delivery of more than 238,600 housing units in various resettlement sites around the country from 2005 to 2010.
Maraming dapat ipagmalaki ang NHA sa araw na ito.
Dapat nating ipagmalaki ang halos walong libong nagawang housing units sa loob lamang ng ilang buwan sa ilalim ng proyektong pabahay para sa mga kapulisan at mga sundalo. At naniniwala ako sa pangako ni GM Cruz na bago matapos ang taon, maitatayo ang kabuuang 21,800 housing units sa ilalim ng programang ito.
Dapat nating ipagmalaki na sa kauna-unahang pagkakataon, ang ating mga katutubong kababayan ay mabibiyayaan na rin ng programang pabahay ng gobyerno. Inaasahan ko na bago matapos ang buwang ito ay masisimulan na natin ang unang proyekto na pakikinabangan ng mga Ayta sa Pampanga.
Gayunman, nananatiling malaking hamon pa rin sa atin ang mahigit tatlong milyong kakulangan sa pabahay sa buong bansa na atin nang dinatnan. Sa Metro Manila pa lang, mga limandaan at walumpung pamilya (580,000) ang itinuturing na informal settlers at halos isandaan at lima ang nakatira sa mga itinuturing na mapanganib na lugar.
Hindi magtatagal at sisimulan na rin ang mga gusaling medium-rise para sa mga pamilyang ito. Sa aking palagay ay magiging mas madaling makumbinsi ang mga kababayan natin na pumayag sa paglipat dahil dito mismo sa Metro Manila sila ilalagay. Ngunit kakaibang hamon rin dahil alam natin na higit na mas mataas ang magiging singil sa mga MRBs na kailangan nating kolektahin. Muli, alam ko na matutugunan ng NHA ang hamon na ito, bastat pursigido ang mga kolektor. At mabilis tumakbo sakaling habulin ng sinisingil.
At dahil sa kakaiba na ang panahon ngayon, dagdag sa hamong ito ang pagpili ng angkop na lokasyon at disenyo ng mga bahay na ating itatayo.
As our country has been regularly ravaged by strong typhoons, the challenge now is to build houses and communities that can withstand or adapt to the devastating forces of nature. At the same time, housing and community designs must also contribute to the protection of our environment. This is a challenge that I am also sure the NHA can surpass.
Mga kababayan, mga kapwa manggagawa sa gobyerno,
Malaki ang tiwala ng ating mga kababayan sa administrasyon ng ating Pangulong Noynoy Aquino, gayundin sa buong pamahalaan. Malaki ang inaasahan sa atin ng ating mga kabababayan, kung kaya’t nararapat lamang na lalo tayong magpursigi at lalo tayong magsipag.
Tatlumpu’t-anim na taon na ang NHA, kung kaya’t masasabi natin na ang inyong ahensiya, ay siguro ilan sa inyong naririto ngayon, ay beterano na sa serbisyo. Binabati ko kayong lahat sa araw ito. Magbigay tayo ng pasasalamat sa Panginoon, at gamitin natin ang pagkakataon upang muling ipaalala sa isa’t-isa at sa ating mga sarili na tayo ay mga lingkod bayan, at narito tayo para maglingkod – hindi sa ating mga sarili, hindi para sa iilan na nakakariwasa – kundi upang maglingkod sa nakararaming nangangailangan ng ating tulong at pagkalinga.
Salamat po at maligayang anibersaryo sa ating lahat.