Region V Pabahay Caravan, La Piazza Hotel and Convention Center, Legazpi City (October 18, 2011)

            Mga kapwa ko naglilingkod sa bayan, mga kaibigan sa sektor ng pabahay, at mga panauhin, marhay na aga po sa indo gabos. Dakulang mabalos sa saindong maharang alagad mahamis na pagpadagos samuya digdi sa Region 5.

            Sa aming pag-ikot sa lahat ng rehiyon sa ating bansa sa Pabahay Caravan, iisa lang ang aming pakay: ang ilapit ang pambansang programang pabahay sa lokal na realidad. Tutulong ang key shelter agencies, sa teknikal man o pinansyal, sa pagpatupad ng pabahay para sa ating mga kababayan lalung-lalo na ang mahihirap.

            Pero aaminin ko, medyo kakaiba ang hamon sa pabahay dito sa Bicol Region. Bakit kaya?

            Kasi, sa humigit-kumulang na isang milyon at pitung daang libong (1,700,000) ektaryang lupain dito sa inyong rehiyon, mga apat na raang libong (400,000) ektarya lamang ang posibleng pagtayuan ng proyektong pabahay. Karamihan sa inyong lupain ay para sa agrikultura o kung hindi naman ay tinatawag na forestland.

            Dagdag sa hamong ito ang katotohanan na ang Bicol Region ay madalas tamaan ng malalakas na bagyo. Paano na lamang kung ang natitirang lupain na mapagtatayuan ng pabahay ay madalas pang binabaha dahil sa bagyo?

            Nang kasagsagan ng bagyong “Juaning” nitong nakaraang Hulyo, halos isang daang libong (100,000) pamilya sa albay ang napilitang lumikas dahil sa bahâ. Taon-taon na lamang ay nakakaranas ng ganitong peligro ang ating mga kababayan sa bahaging ito ng ating bansa.

            Totoong hindi natin maiiwasan ang pagngangalit ng kalikasan. Ngunit, marami tayong maaring gawin upang maibsan, kundiman maiwasan, ang sakunang dulot ng ganitong panahon.

            Isang kasagutan dito ang pagbuo ng mga lokal na pamahalaan ng Comprehensive Land Use Plan (CLUP) at Local Shelter Plan (LSP). Ang pamahalaang sektor ng pabahay ay malaki ang maitutulong dito.

            Narinig na mga narito kaninang umaga ang paliwanag ng mga pinuno ng key shelter agencies sa mga programang pabahay na inalaan ng national government sa mga lokal na pamahalaan. Kasama rito ang technical assistance na siyang uunahin kong banggitin sa inyo.

            Batay sa aming napag-alaman, sa isang daan at labing limang (115) local government units sa Region 5, nasa tatlumpu’t siyam (39) lamang ang updated ang CLUP at limampu’t dalawa (52) naman ang nasa proseso ng pag-update ng kani-kanilang mga CLUPs.

            Ang Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) ang tutulong sa inyo sa pag-buo ng inyong mga CLUPs. Ang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) naman ang tutulong sa inyo sa pagbuo ng inyong Local Shelter Plans.

            Bakit mahalaga ang updated CLUP? Marami at malaki ang tulong nito sa pagpabilis hindi lang ng pabahay kundi lahat ng development projects sa inyong mga nasasakupan.

            Una, ang pagkakaroon ng malinaw na gabay ng mga LGUs sa paggamit ng kanilang mga lupaing nasasakupan, kung ito man ay ilalaan sa komersiyo, industriya, agrikultura, o pabahay.

            Pangalawa, ang CLUP ay mahalaga sa mga negosyante dahil sa isang tingin lamang, malalaman na nila ang mga lokasyon na maari nilang pagtayuan ng negosyo.

            Pangatlo, sa pamamagitan ng CLUP, maaari na nating iwasang tayuan ng pabahay ang mga low-lying areas o ang mga lugar na madalas binabaha tuwing malakas ang ulan o bumabagyo.

            Sa katunayan, marami nang parte sa ating bansa ang nakararanas ng mga ganoong sakuna tuwing dumadaan sa atin ang bagyo. Ito na siguro ang dulot na ng tinatawag na “climate change”.

            Ngunit hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa sa suliraning ito. Pangako ko sa inyo, palalakasin pa namin ang pakikipag-ugnay at pakikipagtulungan sa inyo upang lubos na matugunan ang hamong ito.

            Kahapon, ang inyong mga provincial, city, at municipal planners o housing officers ay nakinig sa detalyadong paliwanag kung paano makikinabang sa mga programa at serbisyong pabahay na tanging laan namin sa mga local governments.

            Ngayon naman, kayong mga punong-bayan ang aming inanyayahan upang masiguro na kayo mismo ang makaaalam sa mga programang pabahay ng gobyerno.

            Pagtulung-tulungan natin na harapin ang hamon na pag-isahin ang pagpapatupad ng programang pabahay kasabay ng pangangalaga sa kalikasan.

            Sa aming panig, inuumpisahan na po namin ang pag-aaral sa paggamit ng mga materiales na ginawa sa pamamagitan ng “green technology.” Naniniwala po kami na sa pamamagitan nito, makakatulong ang housing sector sa pangangalaga sa ating kalikasan. Tinitingnan din namin ang pagtatayo ng climate-resilient communities, na sa palagay namin ay angkop na angkop dito sa Bicol Region.

            Kaugnay dito, ang Pilipinas, sa pamamagitan ng HUDCC, ay nakikipag-tulungan sa United Nations–Habitat para sa pagpapatupad ng programang “Cities in Climate Change Initiative.” Ang Sorsogon City ay ang pilot LGU sa ilalim ng programang ito.

            Layon ng programang ito na isama ang climate risk reduction sa mga patakaran ng mga lokal na pamahalaan. Kasama dito ang paghimok sa mga pamilyang direktang naapektuhan ng kalamidad na makilahok sa pagbuo ng isang komunidad na hindi lamang ligtas sa epekto ng masamang panahon kundi isang komunidad na makatutulong din sa pangangalaga ng kalikasan.

            Alam kong kaya ninyo itong gawin. Naipakita ninyo ang inyong matibay na determinasyon noong umangat ang inyong ekonomiya ng mahigit walong porsyento (8%) noong taong 2009, sa kabila ng mga pagsubok na dinaanan ng Region 5.

            Sa naabot ninyong ito, malaki ang aking paniniwala na makatutulong ito na mabawasan natin ang tinatayang mahigit tatlong daan at dalawampung libong (320,000) pangangailangan sa pabahay ng Bicol Region.

            Kami naman po sa pamahalaang sektor ng pabahay ay nangangako na patuloy ang tulong sa inyo sa pamamagitan ng mga programang pabahay na laan sa mga LGUs at sa mga kababayang Bikolano.

            Nariyan ang Pag-Ibig Fund na nakapag-pautang na ngayong taon ng halos tatlong daang milyon at tatlumpung libong piso (P330,000,000) tungo sa pabahay ng mahigit limang daan (500) nilang miyembro dito sa Bicol Region.

            Sa mga Pag-Ibig members na gustong makabili ng murang bahay, mayroong mga acquired assets na ibinebenta ang Pag-Ibig Fund. Ngayong taon, siyamnapu’t pitong (97) acquired properties ng ahensya ang naibenta nila dito sa rehiyon at ito ay nagkakahalaga ng dalawampu’t siyam na milyong piso (P29,000,000).

            Para naman sa inyong mga manggagawa, kabilang na ang mga kawani mismo ng LGUs, at iba pang Pag-Ibig members, Ang Pag-Ibig Fund ay may tinatawag na group housing program. Sa programang ito, ang mga LGUs ay maaaring humiram ng pondo upang magtayo ng mga residential projects.

            Hanggang dalawampung milyong piso (pP0,000,000) bawat phase ng subdivision ang maipahihiram ng Pag-Ibig sa inyo, at hanggang apatnapung milyong piso (P40,000,000) naman ang maipahihiram para sa bawat medium-rise condominium project.

            Huwag ninyo masyadong alalahanin ang pagbabayad dito dahil po maglalaan din ang Pag-Ibig ng pondo na ipahihiram sa bawat miyembro na ibig bumili ng bahay na inyong ipinatayo. Kaya, madaling mabayaran ng LGU ang loan sa Pag-Ibig.

            Hindi lamang po housing loan ang pakinabang ng Pag-Ibig member. Maaari ring makautang ang mga miyembro ng Multi-Purpose Loan (MPL) at calamity loan.

            Dito sa Region 5, walong daang milyon at limampung libong piso (P850,000,000) na ang nailabas na pondo ng ahensya ngayong taon sa ilalim ng MPL at calamity loan.

            At oo nga pala, para po sa mga Pag-Ibig members na may housing loan na nasalanta ng bagyo, nagpapatupad po kami ng tatlong buwang moratorium o pagpapaliban sa pagbabayad ng kanilang monthly amortization.

            Ang National Housing Authority (NHA) naman ay mayroong resettlement assistance program para sa mga informal settlers.

            Sa programang ito, binibigyan ng relokasyon ang mga informal settlers na nakatira sa mga danger areas tulad ng creek at iba pang waterways at sa mga nakatira sa lugar na tatamaan ng proyekto ng gobyerno.

            Ang LGU ang nagbibigay ng lupa at ang NHA ang nagsasagawa ng site development kasama na ang pagpapatayo ng mga bahay sa programang ito.

            Mahigit pitong daan at tatlumpung (730) housing units ang naipatayo ng NHA dito sa Bicol Region ngayong taon sa ilalim ng Resettlement Calamity Rehabilitation Effort (Resettlement-CARE) at Local Housing Program (LHP). Dalawampu’t isa (21) namang resettlement sites ang nagawa dito sa Region 5, at mahigit siyam na libo at dalawang daang (9,200) pamilya ang nabiyayaan nito.

            Sa kabuuan, ang NHA ay nakatulong na sa humigit-kumulang pitumpu’t limang libong (75,000) pamilya sa Bicol Region at ang pondong ginugol dito ay umabot na sa mahigit isang bilyong piso (P1 billion).

            Dalawang programa sa pagtulong at pagtustos ng pabahay para sa informal settlers ang isinasagawa ng Social Housing Finance Corporation (SHFC). Una ang Localized Community Mortgage Program (LCMP) kung saan nagtutulungan ang shfc at LGU para mabili ng mga informal settlers ang lupa na kinatitirikan ng kanilang mga bahay.

            Ang maaaring ipautang ng SHFC sa LGU ay hanggang pitumpu’t limang (75%) porsyento ng kabuuang halaga ng isang proyektong pabahay.

            Pangalawa ang Regular CMP, na nagsimula na dito sa Region 5. Halos pitong libong (7,000) pamilya na ang nabiyayaan dito sa Bicol Region at nagkakahalaga ito ng mahigit-kumulang dalawang daang milyon at dalawampung libong piso (P220,000,000).

            Isang pang CMP project dito sa Region 5 ang in-process sa kasalukuyan, na pag nalagdaan ay makabibiyaya sa isang daan at limampung (150) pamilya. Nagkakahalaga ang proyektong ito ng halos limang milyong piso (P5,000,000).

            Sa ilalim ng Proclamation No. 40, nakapamahagi na ang HUDCC ng Certificate of Lot Awards (CELAs) sa mahigit isang libo at dalawang daang (1,200) benepisyaryo sa mga lugar ng Legazpi at Tabaco.

            Samantala, ibig ko ring banggitin ang proyektong pabahay ni Pangulong Noynoy Aquino para sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police. Apat na bilyong piso (P4 billion) ang nakalaan ngayong taon para sa 21,800 housing units sa Central at Southern Luzon. Hindi pa po kasali ang Region 5 sa kasalukuyan.  Baka sa isang taon, kasama na ang Region 5, ang Visayas at Mindanao, sa programang ito para sa mga pulis at sundalo.

            At sa unang pagkakataon, mayroon na tayong indigenous peoples’ housing program. Una pong magbebenipisyo rito ang ating mga kababayang Ayta sa Pampanga. Tatlong daan at limampung (350) bahay ang inisyal na itatayo natin para sa kanila at nagkaka-halaga ito ng labing apat na milyong piso (P14,000,000).

            Bago ako magtapos, uulitin ko lamang po: iba’t ibang programa ang sagot sa iba’t ibang pangangailangan sa ilalim ng ating national housing program at ngayo’y dala namin sa mga LGUs dito sa Region 5.

            At sa bagay na ito, pwede po ninyong kulitin ang aking Deputy Secretary General sa HUDCC na si Assistant Secretary Wimpy Fuentebella, isang magiting at masipag na anak ng Bicol.

            Muli, maraming salamat po sa inyong suporta. Tunay ngang kung tayo ay magsasama-sama at magtutulungan, ating mapapatunayan na sa pabahay gaganda ang buhay.

            Marhay na aldaw buda Diyos mabalos saindo gabos.​