Paggawad ng Titulo sa NGC-West Housing Project, MRB Compound, Barangay Commonwealth, Quezon City (November 28, 2011)

            Tunay pong ako’y nagagalak sa muli ninyong pag-anyaya sa akin sa pagtitipong ito. Alam kong napakahalaga ang araw na ito dahil ngayon ninyo makakamit ang matagal nang minimithi—ang maging tunay na sarili ninyo ang inyong bahay na tinitirhan.

            At kasing-halaga: nasa kamay n’yo na rin ang patunay na pag-aari na ninyo ang lupang kinatatayuan ng inyong mga bahay.  Walang iba kundi ang mga kaukulang titulong ipinamahagi na namin sa inyo, galing mismo sa Land Registration Authority o LRA.

            Para po sa akin, may kakaibang halaga ang okasyong ito. Sa inyo, isang kaganapan ng mga minimithi; sa aming mga naatasang magpatupad ng pambansang programang pabahay, isang maningning na inspirasyon.

            Sa bawat pamilyang nabibigyan ng seguridad sa kanilang tirahan, nakikita namin ang bunga ng lahat ng aming pagsisikap na gampanan ang aming tunkgulin. Wala nang ibang inspirasyon para sa amin kundi ang makita ang inyong ngiti sa mga oras na ito.

            Noong isang taon lamang ay binisita ko ang proyektong ito at nakadaupang-palad ko rin ang iba pang naninirahan dito. Sa pagkakataong iyon, naibahagi rin namin ang mahigit isang daang titulo sa mga pamilyang nakatira dito.

            Noon pa man at hanggang ngayon, buo ang paniniwala ko sa ating pagtutulungan at kooperasyon, unti-unti nating matutupad ang pangarap ninyong mapasainyo ang mga titulong hawak na ninyo ngayon. At ganoon din kabuo ang paniniwala ko na ang inyong pagkakaroon ng sariling bahay ay umpisa ng pag-unlad ng inyong buhay.

            Ngayong taong ito, tatlong daan at labinlimang (315) titulo na ang naigawad sa mga pamilyang nakatira sa NGC-West Housing Project, kasama na rito ang dalawang daan at labinlima (215) na ipinamahagi natin kanina.

            Babanggitin ko na rin na mayroon pang walumpu’t limang (85) titulo ang nakahanda nang igawad sa mga kinauukulang benepisyaryo. Naghihintay na lamang ito na ma-kumpleto ang mga dokumentong dapat isumite ng mga benepisyaryo.

            Siguro naman ay malinaw na bago mapasainyo ang mga titulong ito, may mga alituntunin at patakaran na dapat gawin at sundin. Kasama riyan ang pagsunod sa re-blocking ayon sa naaprubahang subdivision plan, at ang actual occupancy o tunay na pagtira sa loteng naigawad o nailaan sa inyo.

            Ang re-blocking at iba pang tuntunin ang batayan ng kaayusan ng inyong komunidad. Ito ang tumitiyak na walang nakalalamang sa sukat at hangganan ng mga lote, at nagtatalaga ng sapat na daanan ng lahat sa inyong lugar.

            Kung walang lamangan, walang awayan. Kung may sapat na daanan, madali at mapayapa ang galaw ng lahat ng naninirahan sa inyong lugar. Sa madaling salita, ang mga tuntuning ito ay nakatuon sa inyong kapakanan din.

            At sa mga gusto pang humabol na makuha ang kanilang mga titulo sa taong ito, pwedeng-pwede pa po. Basta magawa lang ninyo ang mga kinakailangan. Sa oras na matupad ninyo iyan, maraming sasaya ngayong pasko.  Di po ba napakagandang regalo?

            Sa susunod na taon, inaasahan namin na may limandaang (500) titulo pa ang maigagawad. Inuulit ko po, napakahalaga ng inyong kooperasyon at pagtupad sa obligasyon bilang mga nakikinabang sa pabahay na ito. Kasama na rito ang pagbabayad sa buwanang hulog nang nasa tamang oras.

            Huwag magdalawang-isip: kaya ninyong gawin ito. Tandaan lang na ang pangangalaga sa proyektong ito ay nakasalalay hindi lang sa gobyerno kundi sa inyo rin na nakatira rito.

            Kami naman ay laging nasa likod ninyo, nakaalalay. At tulad ninyo, kami ay naniniwala na ang pagkakaroon ng sariling bahay ang simula ng magandang buhay.

            Mabuhay po kayong lahat at maraming salamat po.