Magandang umaga po sa inyo.
Bago ang lahat, gusto kong pasalamatan ang mga tao at ang mga ahensyang nagpursige at nagtulong-tulong upang mabuo ang “Bistekville”.
Salamat sa Quezon City government, sa pangunguna ni Mayor Herbert Bautista, sa masigasig na pagsulong sa proyektong ito. Nariyan din ang Phinma Property Holdings na siyang nag-develop at nagtayo ng mga istruktura dito sa subdibisyong ito. Siyempre hindi natin pwedeng makalimutan ang landowner na si Ofelia Arce na ipinakita ang kanyang buong suporta sa proyektong ito. At pasasalamatan ko na rin ang Pag-Ibig Fund na siya namang magbibigay ng pinansiyal na tulong sa mga benepisyaryo para maging pag-aari na nila ang mga bahay na ito.
Sa ating mga benepisyaryo—ipinaaabot ko ang aking pagbati. Dahil sa inyong kooperasyon, inyo nang makakamit ang matagal na ninyong pinakaaasam-asam na sariling bahay.
Isa kayo sa mga masuwerteng nabiyayaan ng pabahay ng gobyerno.
At hindi lang basta pabahay kung saan, kundi pabahay dito mismo sa lugar na inyong kinagisnan.
Alam po ninyo, isa sa mga unang problema ng gobyerno sa pagpapatupad ng programang pabahay ay ang pagtutol ng mga pamilya na ma-relocate sa ibang lugar. Naiintindihan naman po namin ang inisyal na reaksyon na ito ngunit may mga pagkakataong hindi maaaring pagbigyan ang hiling na on-site housing dahil minsan, ang lupa kung saan nakatayo ang kanilang mga bahay ay pribadong pag-aari at hindi ipinagbibili ng may-ari. O kaya naman, ito ay gagamitin ng gobyerno para sa mga proyektong pang imprastraktura na pakikinabangan naman ng nakararami at nagbibigay-daan sa pag-unlad ng ating bansa.
Pero tulad nga ng nasabi ko—napakaswerte po ninyo. Naki-isa sa inyong layunin ang may-ari ng lupa na sinuportahan naman ng local government ng Quezon City.
Kaya’t huwag sana ninyong sayangin ang pagkakataong ito. Dito sa Bistekville-2, apat na raang libong piso (P400,000) lamang ang halaga ng bawat housing unit na maaari ninyong bayaran sa Pag-Ibig Fund hanggang tatlumpung (30) taon. Pero kung kaya ninyo naman, pwede ninyo ring mabuo yung bayad sa mas maikling panahon.
Ang monthly amortization sa housing loan na ito ay nasa halos dalawang libo at apat na raan (P2,400.00) lamang. Sa palagay ko po, wala na kayong makikita dito sa Metro Manila na mas mababa pang halaga na housing unit. Yung nga pong aming medium-rise housing program para sa mga pamilyang nasa danger areas dito sa Metro Manila, maaaring umabot sa limang daan at limampung libong piso ang bawat unit. Hindi pa kasama ang lupa. ito pong pabahay sa inyo, nasa eighty pesos (P80) lang po ang kailangan ninyong ipunin araw-araw upang may maitabi kayo para sa inyong buwanang-hulog.
Sigurado akong magagawa ninyo ito sa kaunting sakripisyo. Bawasan lamang po ninyo ang mga nakasanayang araw-araw na bisyo na di naman kailangan—bagkus, maaari pang magdulot ng karamdaman—gaya ng inom, sigarilyo, sugal, at kung ano-ano pa. O kaya naman, puede ring bawasan ang load sa mga cellphone.
Isipin niyo na lang na balang araw, mahahawakan ninyo rin ang titulo ng lupa at bahay na ipinagkaloob sa inyo sa pamamagitan ng proyektong ito. Balang araw, may maipapamana kayong bahay sa inyong mga anak.
Tandaan po natin na ang matagumpay na proyektong pabahay ay hindi lamang nakasalalay sa gobyerno kundi sa ninyo rin mismo, ang mismong nakikinabang dito.
Ang tanging maipapangako ko sa inyo ay ang aming suporta sa inyong mga pangarap na magkaroon ng sariling tahanan. Ito na po ito.
At habang nariyan ang mga ahensyang pabahay ng gobyerno wala silang ibang tungkulin kundi bigyan ng kaganapan ang pangarap na ito. Ito na po ito.
Ito na po, ang inyong sariling bahay, ang simula ng magandang buhay.
Maraming salamat po.