Pag-IBIG International Operations Group Regional Conference, Justine Building, Sen. Gil Puyat Ave. Makati City (February 15, 2012)

            Magandang umaga sa inyong lahat.

            Bilang Chairman ng Pag-IBIG Board of Trustees at ng Housing and Urban Development Coordinating Council o HUDCC, nagagalak ako sa mga pagpupunyaging ipinakita ng mga opisyal at kawani ng Pag-IBIG Fund nitong nakaraang taon.

            Gayundin, ikinagagalak ko - bilang taga-payo ng ating Pangulong Noynoy Aquino sa mga usaping may kinalaman sa ating mga OFW - na marami na sa ating mga kababayan ang naaabot ng mga serbisyo ng Pag-IBIG Fund.

            Ito ang mga dahilan kung bakit minarapat ko na maging bahagi ng inyong 2012 Pag-IBIG International Operations Group Regional Conference. Nais kong personal na maipaabot sa inyong lahat – sa ating mga kinatawan sa mga overseas posts, sa managers na nagmula pa sa ibat ibang mga sangay ng Pag-IBIG, at iba pang opisyal natin lalong lalo na ang ating CEO na si Atty. Darlene Marie Berberabe – ang aking mainit na pagbati at taimtim na pasasalamat sa inyong mabuting gawain para sa ating mga kababayan.

            Napakagandang balita na ang membership ng Pag-IBIG Fund ay lumagpas na sa sampung milyon, ang pinakamataas na bilang sa buong kasaysayan ng ahensiya.  At sa unang taon ng aking panunungkulan, ang bilang ng mga OFWs na sumapi sa Pag-IBIG ay tumaas ng 105 percent agad. Palakpakan naman ninyo ang inyong mga sarili.

            Gayunman, nais ko lamang ipaalala sa lahat na hindi nagtatapos ang ating tungkulin sa paghimok sa ating mga kapwa manggagawang Pilipino na sumapi sa Pag-IBIG.

            Kailangang maipakita natin - at kailangang maramdaman nila – ang kabuluhan ng pagiging isang Pag-IBIG member. At paano natin magagawa ito?  Sa pagbibigay sa kanila ng tapat na paglilingkod at tamang serbisyo, anumang araw, anumang oras, saan mang bahagi ng Pilipinas o sa mundo.

            At napatunayan na ito ng Pag-IBIG sa nakaraang taon. Kung matatandaan ninyo, malugod na tumulong ang Pag-IBIG Fund sa mga kababayan nating nadamay sa kaguluhan sa Middle East at mga nasalanta ng tsunami sa Japan. Binigyan natin sila ng anim na buwang pagliban mula sa pagbabayad ng kanilang housing loan. Pinayagan din natin silang i-withdraw ang kanilang savings nang sa gayon ay matulungan sila at ang kanilang mga pamilya sa oras ng pangangailangan.

            Nakipag-ugnayan din tayo sa ibang ahensiya ng gobyerno tulad ng Philippine Overseas Employment Administration o POEA at mga Philippine Overseas Labor Office o POLO upang higit na maging mabilis at masinop ang pagrerehistro ng mga OFW sa Pag-IBIG at pagre-remit ng kanilang mga kontribusyon.

            Sa gitna ng ating pagtugon sa kakaibang mga pangangailangan ng ating mga miyembro, hindi natin kinalimutan, bagkus ay higit nating pinag-ibayo ang pagtulong sa kanilang makamit ang inaasam nilang sariling tahanan.

            Nandyan din tayo para umagapay sa kanila na maitawid ang kanilang pamilya sa mga gastusin sa pamamagitan ng short-term loans na ating ibinigay. At huwag nating kaligtaan ang ating savings program, na siyang tumitiyak sa kanila ng mapagkukunan ng pondo pagdating ng pangangailangan.

            Ang mga nabanggit kong benepisyo ay ilan lamang sa mga handog ng Pag-IBIG sa ating mga manggagawa, sa Pilipinas man o sa ibang bansa. Panatag ako na kung gaano kalawak ang ating mga serbisyo, ganoon din kalalim ang inyong dedikasyon sa ating tungkulin, dedikasyong nagbibigay inspirasyon sa inyo na patuloy na mag-isip at magbuo ng mga bagong paraan para makapagbigay serbisyo sa ating mga kababayan.

            Talagang mahalaga na maabot natin ang ating mga kababayang OFWs. Sila ay itinuturing natin na mga bagong bayani na haligi ng ating ekonomiya. Kung ang inyong lingkod ang taga-payo ng Pangulong Aquino para sa mga OFWs, kayo namang mga naririto ngayon ang mga sugo ng Pag-IBIG Fund. Kayo ang naghihikayat, nagpapaliwanag, at tumitiyak na natatanggap ng bawat miyembro ang kaukulang serbisyo mula sa Pag-IBIG. Kayo ang nakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng pamahalaan, sa ating mga local government units, sa ating pribadong sektor.  Napakahalaga ninyo sa tagumpay ng ating ahensiya at ng ating adhikain, kaya  taimtim ang aking dasal na  lagi ninyong tutuparin ang inyong dakilang gawain.

            Napakahalaga ng pagpupulong na ito, at muli kong binabati ang pamunuan ng Pag-IBIG sa pagtaguyod ng ganitong uri ng pagtitipon.  Sama-sama ninyong babalikan ang ating mga tagumpay, sabay-sabay ninyong titingnan ang mga aral mula sa tagumpay, aalamin ninyo ang mga makabagong pamamaraan para isulong ang mga programa ng Pag-IBIG, at higit pa ninyong pagtitibayin ang pagkakaisa para isulong ang kapakanan ng manggagawang Pilipino. Sa ganitong paraan, binibigyang buhay ninyo ang diwa ng paglilingkod na siyang nagbubuklod sa atin na bahagi ng  Pag-IBIG. Bilang Chairman ng Pag-IBIG Fund at ng HUDCC, umasa kayo na lagi ko kayong susuportahan upang makamit natin ang adhikaing ito.

            Sa ating pakikisalamuha sa ating mga miyembro, hatid natin ang pangako ng magandang buhay, na may katuparan ang pinaghirapan sa Pag-IBIG Fund.  Mahalagang pare-pareho tayong naniniwala sa kaisipang ito, nang sa gayon ay matagumpay nating maisulong ang mga programa ng Pag-IBIG, ng HUDCC, at ng ating pamahalaan.

            Mabuhay ang Pag-IBIG Fund at PIOG!

            Mabuhay ang manggagawang Pilipino!​