Ethnic Street Dance of the Kaamulan Festival 2012, Bukidnon, Pamuhat Capitol Grounds, Bukidnon (March 03, 2012)

            Bago pa man ang lahat, hayaan niyo pong ipaabot ko ang aking paghanga sa mga naggagalingang mga mananayaw na tampok sa Ethnic Street Dance na ating nasaksihan kani-kanina lamang. Nakakabusog po sa mata ang mga naggagandahang mga kasuotan at ang musikang kasing-tamis ng huni ng mga ibon sa kagubatan.

            Nakakatuwa na itatampok ng pamahalaang lalawigan ng Bukidnon taun-taon ang inyong makukulay na mga etnikong tradisyon sa pamamagitan ng Kaamulan Festival. Nagpapasalamat po ako sa inyong pagtulong sa pagkamit sa ayunin ng ating pamahalaan ang pangangalalaga sa kulturang Pilipino at mapanatiling buhay ang iba’t ibang makukulay at mayayamang mga tradisyon natin, lalung-lalo na ng ating mga katutubo o indigenous peoples.

            Alam niyo po, ang aking ina ay mula sa lalawigan ng Isabela, kaya ako man po ay kabilang din sa isang indigenous group, ang mga Ibanag ng Hilagang Luzon. Mapalad po ako na kahit ako naulila sa magulang sa murang edad ay natutunan ko pa ring magsalita ng Ibanag.

            Ngunit sa panahon ng pag-usbong nga makabagong teknolohiya at globalisasyon ay napansin ko pong unti-unti nang nauubos ang mga native speakers ng Ibanag. Karamihan ng mga sanggol na ngayon ay kinakausap na ng Inggles ng mga magulang nila, kaya naman paglaki nila ay hirap silang magsalita ng mga katutubong wika, kasama na ang Filipino.

            Kaya po naman aking isinusulong ng pangangalaga sa kulturang Ibanag sa pamamagitan ng Ibanag Heritage Foundation. Ipinapangamba ko kasi na baka sa susunod na dalawang dekada ay tuluyan nang maubos ang mga marunong magsalita ng aming wika, sabay paglaho na rin ng kultura nito. Kaya nga po naman malugod kong sinusuportahan ang Foundation na ito.

            Hiling ko rin ay magkaroon ng ganitong inisyatiba sa ibat ibang bahagi ng ating bansa, nang sa gayon ay mapanatili nating isang buhay na bahagi ng ating pagka-Pilipino ang sari-sari ngunit magkaka-ugnay na kultura at tradisyon ng katutubong Pilipino.

            Sinabi ng manunulat na si Ayn Rand na “A culture is made – or destroyed – by its articulate voices.”  At sa aking paniniwala, sa tulong ng organisasyong nasambit, masisiguro ang preserbasyon ng kultura at mga tradisyon ng mga Ibanag. Mahihikayat at masusuportahan din nito ang patuloy na pananaliksik  sa mga bagay na Ibanag, ang kanilang wika at mga kwentong bayan.

            Nais ko rin pong ibalita sa inyo na isinusulong ngayon ni Congressman Leopoldo Bataoil ng pangalawang distrito ng Pangasinan ang House Bill 4395, isang panukalang batas na naglalayong gawing national script ang Baybayin, o iyong dating tinatawag nating Alibata.

            Napapanahon po ang panukalang ito sapagkat nangangamba na maging ang mga banyagang anthropologists at sociologists na malapit nang malipol. Isa po sa layunin ng panukalang batas na ito na maisam ang Baybayin sa curriculum na itinuturo sa elementarya at high school upang mapalawak ang paggamit nito.

            Bilang isang miyembro ng katutubong grupo at bilang pinuno na rin ng Housing and Urban Development Coordinating Council, o HUDCC, pangarap ko pong mapangalagaan hindi lamang ang ating kultura at mga tradisyon ngunit maging ang kapakanan na nga ating mga katutubo. Malugod ko pong ibinabalita sa inyo ngayon na inilunsad na po natin ang housing program para sa mga indigenous peoples at inaasahan naming na maraming kababayan nating katutubo ang makikinabang dito.

            Naglaan tayo ng labing-apat na milyong piso (P14 million) para sa pagpapatayo ng kabahayaan ng pamilyang ng mga katutubong Aeta sa Pampanga.

            Amin din pong masusing pinag-aaralan ang pakikipagtulungan ng pribadong sektor at mga non-government organizations upang lalo pang mapag-ibayo an gating mga pagsisikap na mabigyan ng disenteng bahay at hanapbuhay an gating mga katutubong kapatid.

            “Without culture, and the relative freedom it implies, society, even when perfect, is but a jungle,” Albert Camus once remarked. Indeed, it is culture that makes us a civilized society. And in our quest for national development, a sense of identity and nationalism is a prerogative if we are to preserve culture of the Filipino people.

            Marami pong salamat.

            Mabuhay ang Bukidnon!

            Mabuhay ang mga katutubong Pilipino!

            Mabuhay kayong lahat.​