TCT Distribution, Davao City, 15 June 2012 (Posted: June 18, 2012)

            Akin pong ikinagagalak at ikinararangal na muli na namang maging bahagi sa mahalagang araw ng inyong mga buhay. Dahil sa araw na ito, iba’t’ ibang proyektong pabahay ang ating sisimulan. Ngunit kasabay nito, mayroon din tayong mga kababayan na masasabi nating magtatapos o ga-graduate na sa kanilang proyekto. 
            Ang araw pong ito ay tanda ng tagumpay para sa halos isang daang pamilya dito sa Davao City. Sila ay nakatanggap na ng titulo ng lupa na matagal nilang inasam at pinaghirapan. Kayo ang mga pamilyang ito. Binabati ko kayo bilang mga benepisyaryo ng anim na proyekto sa ilalim ng Community Mortgage Program na pinamamahalaan ng Social Housing Finance Corporation, at ng tatlong proyekto sa ilalim naman ng National Housing Authority. 
            Dahil sa inyong determinasyon at tiyaga, di na kayo informal settlers ngayon. Kayo ay tunay nang matatawag na homeowners. Inyong-inyo na po ang mga bahay at lupang ibinahagi sa inyo bilang mga benepisyaryo ng programang pabahay ng gobyerno. 
            Kami sa pamahalaan ay lubos din ang kasiyahan sa tagumpay ninyong ito. Dahil ito ay patunay na ang aming mga programang naglalayong mabigyan ng disente at abot-kayang pabahay ang ating mahihirap na kababayan ay epektibo at maayos na naipatutupad. 
            Ngunit ang lahat ng ito ay hindi marahil mangyayari kung wala ang buong suporta ng mga lokal na pamahalaan at kooperasyon ng iba pang stakeholders. 
            Kaya ibig kong samantalahin ang pagkakataong ito upang pasalamatan rin sila. 
            Una sina Mayor Sara Duterte at si Vice Mayor Rudy. Sila ang nanguna sa pagpapatupad Ng Los Amigos Housing Project at iba pang mga programang pabahay dito sa lungsod ng Davao. 
            Halos isang taon na ang nakararaan nang ang Davao City ay niragasa ng matinding baha na may mga isang libong pamilya ang naging biktima. Sa pagtutulungan ng inyong mga pinuno at ng National Housing Authority na aking pinamumunuan bilang chairman, dalawampung milyong piso ang inilaan para sa pagpapatayo ng dalawang daang bahay. At ngayon nga, ang unang limang milyon ay atin nang ibinigay sa lokal na pamahalaan upang simulan ang proyektong ito. 
            Dapat rin nating pasalamatan si Mayor Marcelno Perandos at ang iba pang opisyales ng Carmen, Davao del Norte. Kanilang inilaan ang kailangang lupa para sa mga pamilyang maaapektuhan sa pagsasagawa ng mga bagong imprastraktura sa bayan ng Carmen. Dahil sa kanilang sipag, nabuo ang proyektong Ipadayon-Carmen Resettlement o I-Care Project. Sa ilalim nito, halos dalawampung milyong piso ang inilaan ng NHA para sa land development upang makagawa ng tatlong daan at dalawang serviced lots na pagtatayuan ng mga bahay. Phase 1 pa lang po iyan ng ating programa sa Carmen. Marami pa pong nangangailangan ng pabahay dito at pipilitin naming matugunan ang mga ito. 
            Ngayon naman, sina Mayor Michelle Rabat at iba pang opisyal at kawani ng bayan ng Mati ay malugod naming binabati. Dahil sa inyong hiling sa Social Housing Finance Corporation, kayo ang ika-labindalawang local government na na-accredit sa Localized Community Mortgage Program o LCMP, at ang kauna-unahan sa Davao Oriental. 
            Alam po ninyo, ang bayan ng Mati ang isang LGU na may malinaw na plano para sa kanilang mga kababayang walang lupa at bahay. Updated ang kanilang shelter plan at dahil dito, nakita nila ang kahalagahan ng LCMP lalo na ang financial impact nito sa kanilang limitadong pondo para sa pabahay, bukod pa sa mabilis na turn-around ng kanilang mga proyekto. At sa suporta ni Mayor, ng Sangguniang Panglungsod, ng Urban Development Housing Board, at ng masipag na Housing and Resettlement Division, ang bayan ng Mati ang nagtala ng pinakamabilis na take-out. Inabot lang po ng siyam na buwan mula ng mabigyan ng omnibus credit line noong October 2011 ang take-out na ito. 
            Hindi rin po maipapatupad ang CMP o ang LCMP kung hindi sa mga landowners na pumayag na ipagbili ang kanilang mga lupa. Kadalasan pa nga, sa halagang mas mababa sa tunay na presyo.
            At sa mga CMP mobilizers, kagaya ng Code Foundation sa LCMP ng Mati, maraming salamat sa inyong tulong sa mga asosasyon. Sana ang inyong gawain ay hindi matapos kapag naaprubahan na ang inyong mga proyekto. Sana nariyan pa rin kayo hanggang sa ang mga benepisyaryo ng inyong mga CMP projects ay makatapos ng kanilang pagbabayad at makamit ang titulo sa kanilang mga lupa. Kagaya ng nasaksihan nating lahat kanina. 
            Sa mga benepisyaryo namang hindi pa nabubuo ang kabayaran, pagtiyagaan ninyo lamang po ang inyong buwanang obligasyon at sigurado akong ang kapalit nito balang araw ay ang kasiguruhan sa inyong paninirahan. 
            Sa mga nakatapos naman ng pagbabayad at inyong hawak na ang titulo, baka naman po magpa-relax relax na lang kayo at di na masyadong magsikap. Ayaw ko po na matulad kayo sa iba na pagkatapos matanggap ang kanilang titulo ay naisanla agad ito at hindi na matubos. Sayang lang po ang inyong pinaghirapan sa mahabang panahon kung mawawala rin ito sa inyo. 
            Kami po sa pamahalaan ay tumutulong lamang upang maabot ninyo ang inyong pangarap na lupa’t bahay. Ngunit ang tunay na pagsasakatuparan ng pangarap na ito ay sa inyo lamang na sipag at tiyaga nakasalalay. 
            Maraming salamat po.